
Muling Nagbalik ang Asawa ng Babaeng Ito Matapos ang Tatlong Taon, Iba Pala ang Ibibigay sa Kaniya Nito sa Pagkakataong Iyon
Maraming nagsasabi na wala na raw pag-asa pa ang relasyon nila Josh at Hannah mula nang malaglag ang dinadala ng babae. Paano’y nawala rin ang lalaki na siyang hinayaan lamang ng babae matapos ang trahedyang iyon sa kanilang buhay. Ngunit makalipas ang tatlong taon ay bigla itong nagparamdam na makipagkita sa kaniya kaya naman labis na kaligayahan ang mayroon ang babae. Para kay Hannah ay ang paglayo nila sa isa’t isa ang kanilang paraan upang maghilom ang kanilang sugat at sigurado siyang ayos na ang lalaki sa kaniyang pagbabalik.
“Josh, nandito na ako sa hotel na sinasabi mo,” wika ni Hannah sa telepono nang dumating siya nang mas maaga sa lalaki. Parang sasabog sa kaba ang puso niya na katulad nung unang beses nilang gawin ang mga maliligaya nilang araw.
Ngunit bago pa man sumagot ay bumukas na ang pinto at mas lalo pang kumabog ang puso ni Hannah.
“Gusto mo ba ng makakain? Mag-order ba ako?” basag ng babae sa nakakabingi nilang katahimikan.
“Hindi na, Hannah, nandito ako para personal na ibigay sa’yo ang annulment papers natin,” seryosong bungad ng lalaki na siyang nagpatigil kay Hannah.
“Handa na akong ibigay ang matagal mo nang hinihintay mula sa akin,” dagdag pa ni Josh sa kaniya.
“Tatlong taon kang nawala, tatlong taon mo akong iniwan sa ere, tapos babalik ka ngayon para hingin lang ang pirma ko?” iyak kaagad ni Hannah sa lalaki at kahit anong pigil niya ay mabilis na umaagos ang kaniyang mga luha.
“Bakit pa tayo nag hotel kung hiwalayan lang pala ang pag-uusapan natin?” sigaw naman ngayon ng babae.
“Ayan mismo ang dahilan kung bakit kailangan nating dito mag-usap, sa isang pribadong lugar, walang ibang tao. Kasi magwawala ka, wala ka pa rin pinagbago sa loob ng tatlong taon. Lahat ay dinadaan mo pa rin sa init ng ulo, sa sigaw at sa iyak,” iritableng baling ni Josh sa kaniya.
Huminga nang malalim si Hannah at pinilit na kalmahin ang kaniyang sarili.
“Kaya lang naman tayo nagpakasal dahil nabuntis kita, ‘di ba?” tanong ni Josh sa kaniya.
“E nawala ‘yung bata, hindi natin kayang bumuo ng pamilya. Kaya tapusin na lang natin ito,” sabing muli ng lalaki.
“Tatlong taon akong nawala, naibalik mo na ba ang buhay na hinihiling mo sa akin noong buntis ka pa?” dagdag pang muli ni Josh.
Hindi na nagsalita pa si Hannah at mabilis na kinuha ang papel na inihanda ng lalaki. Binasa niya ito.
“Ginuhitan at sinulat ko na rin ‘yung mga gusto kong baguhin. Tawagan mo na lang ako ulit kapag nabago mo na,” seryosong wika ni Hannah sabay lagay ng papel sa mesa.
“Tatlong taon kang nawala, akala ko ‘yun ‘yung oras na kailangan mo para maghilom ang sugat mo,” saad ni Hannah sa lalaki.
“Hindi mo rin naman ako hinanap, hindi mo ako kinumusta. Kaya alam kong ito rin ang hinihintay mo. Palagi mong sinasabi sa akin na nasira ko ang buhay mo nang mabuntis kita kaya noong nawala ang bata ay hinayaan kitang mag buhay dalaga na uli,” sagot ni Josh sa kaniya.
“Una sa lahat, pinakasalan kita dahil mahal kita at hindi dahil nabuntis mo lang ako. Oo, marami akong sinabi noong nabuntis ako kasi natakot ako noon dahil marami pa akong pangarap pero mahal kita, mahal ko ang anak natin. Kaya naman hinayaan kita ng tatlong taon dahil alam kong nasaktan ka sa pagkawala ng anak natin. Sa araw-araw ng tatlong taon iyon, palagi kong hinihiling na bumalik ka na sa akin,” matigas na sagot ni Hannah sa kaniya.
“Bakit ganoon? Buong akala ko ay masaya kang nawala ang anak natin at makakabalik ka sa pagbubuhay dalaga kaya hindi mo na ako hinahanap pa, bakit ngayon mo lang sinabi sa akin lahat ng ‘yan?” naluluha ang tanong ni Josh.
“Kasi umalis ka. Kasi hindi natin pinag-usapan ang lahat. Kasalanan nating dalawa kung anuman ang mayroon tayo ngayon kaya ‘yun lang ang hiling ko sa’yong aminin mo, huwag na tayong magsisihan,” sagot pang muli ni Hannah sa kaniya.
Mabilis na lumabas si Hannah at lumuluha ito hanggang sa kaniyang pag-uwi. Buong akala niya ay babalik pa ang lalaking nagmahal sa kaniya, buong akala niya ay matutulungan siya ng pagtahimik na ito, ngunit hindi pala. Maging si Josh naman ay hindi rin makapaniwala sa sinabi ng babae dahil buong akala niya’y aawayin lamang siya nito at susumbatan sa nangyari noon.
Muling nagkita ang dalawa at nagkapatawaran. Sinubukan nilang ayusin ang kanilang relasyon ngunit tanggap na ng dalawa na hindi talaga sila ang nakatakda para sa isa’t isa. May mga tao talagang daraan lamang sa buhay natin para lamang magbigay ng leksyon. Para sa dalawa, ang naging malaking leksyon sa kanila ay hindi napaghihilom ng katahimikan ang problema ng isang pamilya dahil kung gusto nilang maging buo muli ay dapat na pinag-uusapan nila maging ang pinakamaliit na bagay lalo sa mag asawa.
Sa kabilang banda naman ay naghiwalay na nang tuluyan ang dalawa nang maluwag sa kanilang loob at tuluyan na nilang pinalaya ang isa’t isa. Ngayon ay mas handa raw sila sa magiging relasyon at pamilya na ibibigay sa kanila ng Diyos.