Halos Taon-taon na Lang Kung Magbuntis ang Babaeng Ito; Obligado Tuloy na Mag-alaga ng mga Kapatid ang Kaniyang Panganay
“O, Faye, ikaw na ang bahala sa mga kapatid mo habang wala kami ng papa mo, ha? Nag-iwan na ako ng pera sa may drawer para may pambili kayo ng ulam at meriyenda,” bilin ni Aling Tessa sa labing apat na taong gulang niyang panganay na anak na si Faye. Ito kasi ang unang araw ng pagbabalik niya sa pinagtatrabahuhang pabrika, matapos ang kaniyang dalawang buwang maternity leave.
“Opo, mama,” masunuring sagot naman ni Faye habang karga ang dalawang buwang gulang na kapatid.
Halos taon-taon na yata kung magbuntis si Aling Tessa, kaya naman umabot na ng anim ang mga anak niya. Ang panganay na si Faye ang siyang palaging naiiwan sa mga kapatid niyang pawang naglalaro pa lamang sa mga edad na dalawang buwang gulang hanggang walong taon.
Walang kakayahan sina Aling Tessa na kumuha ng kasambahay o tagapag-alaga para sa kanilang mga anak, dahil sapat lamang ang kinikita nilang mag-asawa sa pang-araw-araw na pangtustos nila sa kanilang lumalaking pamilya. Lahat tuloy ng pasanin pagdating sa pag-aalaga ng mga bata’y pasan ng kanilang panganay na anak.
Nagluluto, naglalaba, nagpapaligo, nagpapadede’t nagpapakain ng mga kapatid. Iyon na lamang ang araw-araw na gawain ni Faye. Wala siyang panahong makipagkaibigan man lang o makagawa ng mga bagay na madalas na ginagawa ng mga batang kaedad niya, dahil sa gawain pa lamang sa bahay nila ay kulang na kulang na ang kaniyang oras. Ni hindi siya mabigyan ng pagkakataong magdalaga, lalo pa at nasa ganoong antas na siya ng pagkakataon.
Mabuti nga at online class pa ang mga klase ngayon kundi ay madaragdagan na naman ang kalbaryo ni Faye. Hindi na kasi niya alam kung paano pagsasabayin ang pagiging batang ina sa mga kapatid niya at ang kaniyang pag-aaral. Noong normal pa ang mga klase ay halos palagi na lang siyang absent sa school. Sayang nga dahil matalinong bata pa naman ito.
Dumating ang araw ng pagbibigay ng grado nina Faye. Halos manlumo ang dalagita nang makitang ni isa ay wala siyang ipinasang subject! Halos lahat ay ibinagsak niya, dahil palagi na lang siyang gahol sa oras para sa kaniyang mga aralin. Madalas ay hindi na niya nagagawa ang kaniyang mga assignments, projects at mga quizes dahil abala si Faye sa mga gawain niya sa bahay.
Nasaksihan nina Aling Tessa at ng kaniyang asawa kung gaano naapektuhan n’yon ang kanilang anak na si Faye. Kahit hindi ito magsabi ay alam nilang masama ang loob nito dahil sila ang dahilan kung bakit nagkaganoon ang kaniyang mga grado. Ang mga obligasyong iniatang nilang mag-asawa sa anak ang siyang pumigil sa paglago nito bilang mag-aaral at bilang batang nagsisimula nang magdalaga. Napakalaki ng pagkukulang nila rito at alam nilang kailangan nilang bumawi.
“Faye, anak…” Naupo si Aling Tessa sa tabi ng anak na si Faye na ngayon ay nakadapa sa kaniyang kama at umiiyak. “Anak, patawarin mo sina mama at papa. Alam naming malaki ang pagkukulang namin sa ’yo. Hindi namin naisip na malaki pala ang magiging epekto sa ’yo ng kapabayaan namin. Dapat ay kami ang nag-aalaga sa inyo ng mga kapatid mo.”
Nagsisisi si Aling Tessa. Sana pala ay noon pa nila naisip na ang hindi nila pag-iingat sa pagpapalago ng kanilang pamilya ay makasasama sa kanilang mga anak lalo na sa kanilang panganay.
“Anak, napagdesisyunan namin ng papa mo na titigil na lang ako sa pagtatrabaho para maka-focus ako sa pag-aalaga ko sa inyo. Pero, mag-o-online selling ako, para naman kahit papaano ay may kikitain pa rin si mama, okay ba ’yon sa ’yo?”
Napalingon si Faye sa ina nang marinig ang tinuran nito. Ibayong tuwa ang kaniyang naramdaman dahil doon. “Talaga po, mama?” masigla nang pagkukumpirma niya sa ina. Agad namang tumango si Aling Tessa.
“Basta anak, ipangako mo na tutulungan mo pa rin si mama kapag hindi ka busy sa school, ha?”
“Opo, naman, ’ma!”
Tila napaganda pa ang ginawang desisyon ni Aling Tessa, dahil mabilis na lumago ang kanilang negosyong online. Mas malaki pa ang nagiging kita nila ngayon kaysa noong nagtatrabaho pa siya sa pabrika, at mas naaalagaan niya pa ang kaniyang mga anak dahil nasa bahay na lang ang kaniyang trabaho.
Kitang-kita agad nila ang malaking pagbabago sa pag-aaral ni Faye, dahil mabilis nitong nabawi ang kaniyang mga grado at ngayon ay nangunguna pa siya sa kanilang klase! Napakahalaga pala talaga ng tamang pagpaplano sa pamilya. Ngayon ay natutunan na iyon nina Aling Tessa, kaya naman ngayon ay maayos na ang takbo ng kanilang buhay.