Halos Lahat na Lamang ay Gustong Pagkaperahan ng Babaeng Ito; Bakit Anumang Kayod Niya ay Hindi Siya Umaasenso?
“Mare, tingnan mo ’yang si Merlina, nagmimistulan nang lagari sa kapaparuo’t parito,” komento ng isa sa mga tagaroon sa subdibisyong iyon nang makitang dumaan sa kanilang harapan si Merlina.
“Aba’y papaanong hindi ’yan magpapakalagari‘y baon sa utang ’yang si Merlina. Naku, ewan ko nga ba riyan. Masipag naman at madiskarte, pero hindi na mawalan-walan ng utang,” sagot naman ng kausap nito.
Ang pinag-uusapan nila ay ang kapitbahay nilang si Merlina na nagtatrabaho bilang isang accountant. Halos lahat na kasi yata ng pwedeng pagkakitaan ay nagawa na nitong pasukin para lamang kumita ng pera.
Pagtitinda, pagtu-tutor, pagiging event organizer at kung anu-ano pa. Kayod nang kayod si Merlina, ngunit sa ilang taon niyang pagiging mistulang lagari’y wala namang nangyayari sa buhay niya. Gano’t ganoon pa rin ang kaniyang buhay na animo walang ni katiting na pag-asenso siyang natatamasa.
Paano’y kilala rin si Merlina bilang isa sa pinakainggiterang naninirahan sa subdibisyong iyon. Halos lahat na lamang yata’y kinainggitan niya.
Katulad na lamang noong makita ni Merlina na bumili ng bagong telebisyon ang kapitbahay na si Yani noong isang linggo. Aba’y tatlong araw lang ang nakalipas, mayroon na rin siyang gan’on! Iyon nga lang, hindi niya iyon nakuha nang cash. Kumuha siya sa isa pang pahulugan, kahit pa nga hindi pa niya tapos na bayaran ang iba pang gamit na kinuha niya!
Isa pang senaryo ay nang magpaayos ng buhok ang isa pang kapitbahay nilang si Josephine. Aba’y maya-maya, sumugod na rin sa salon si Merlina upang magpaayos din ng kaniyang buhok!
Hindi nakukuntento si Merlina sa kaniyang buhay dahil napakainggitera niya sa lahat. Ultimo sa maliliit na bagay ay hindi siya palalamang sa kapwa! Ni hindi niya man lang naisip na ikonsiderang hindi naman siya mayaman. Tuloy, nabaon siya nang nabaon sa kabi-kabilang utang.
Walang ibang pagpipilian si Merlina kundi ang kumayod nang kumayod upang matustusan lang ang kaniyang mga luho. Wala siyang pagpipilian kundi ang maging masipag, dahil kung hindi ay sa likod ng rehas ang kaniyang bagsak.
Ganoon na nga ang nangyayari sa buhay niya, ngunit ’di pa rin nadadala si Merlina. Patuloy pa rin siya sa pagpapairal ng kaniyang inggit, kaya maging mga anak niya ay lumayo na ang loob sa kaniya.
“Mama, bumili ka na naman ng bagong sala set? Hindi ba’t kabibili lang natin n’yan noong nakaraan?!” kunot-noo at galit na tanong ng panganay na anak ni Merlina sa kaniya. Si Marinold.
“E, hayaan mo na, anak. Mura lang naman kay Bumbay ’yan, e,” tatawa-tawa kunwaring sagot naman ni Merlina.
“Mama naman! Nakita n’yo lang na bumili ng bagong sala set si Aling Pasing, gumaya na kaagad kayo? Mama, kailan ba kayo magbabago?!” galit pang sabi ni Marinold sa ina na hindi na napigilang magsalita dahil punong-puno na siya sa mga ginagawa nito.
“Mama, napakainggitera n’yo. Alam n’yo, ang mga taong hindi marunong makuntento sa kung anong meron sila, anumang gawin nilang pagkayod, hinding-hindi sila aasenso. ’Yan na ’yan ang nangyayari sa inyo, kaya bago pa kami madamay ng kapatid ko sa kamalasan n’yo sa buhay na kayo rin naman ang gumawa, lalayasan na namin kayo!”
Matapos sabihin iyon ni Marinold ay agad na nitong tinalikuran ang ina upang mag-empake ng mga gamit nila ng kapatid. Sa tagpong iyon ay tila natauhan naman si Merlina!
Animo sinampal siya ng katotohanang maling-mali na ang mga ginagawa niya. Kailangan pang mawala muna ang kaniyang mga anak bago siya matauhan!
Kumaripas ng pagsunod si Merlina sa kwarto ng kaniyang mga anak at doon ay naabutan niyang nasa kalagitnaan na ng pag-eempake ang mga ito. Dahil doon ay agad siyang lumuhod sa kanilang harapan upang makiusap na huwag nila siyang iwanan, kalakip ng pangakong siya ay magbabago na.
Hindi rin naman natiis ng magkapatid na Marinold at Marife ang kanilang ina, kaya’t mabilis din naman agad nila itong pinagbigyan sa kondisyong tutuparin nito ang pangako niya sa kanila.
Simula noon, tila ba nagkaroon ng panibagong ibig sabihin ang buhay ni Merlina. Nagpatuloy pa rin siya sa pagkayod, ngunit iyon ay upang bayaran na lamang ang kaniyang mga natitirang utang na hindi na muli niya sinubukang sundan, kahit na minsan ay may mga oras pa ring nakadarama siya ng inggit sa kapwa. Lahat ng iyon ay kaniyang pinigilan para sa kapakanan nila ng kaniyang mga anak.
Unti-unti ay natutunan ni Merlina na magtiis sa kung ano ang mayroon siya at makuntento sa lahat ng kanilang natatamasa. Sigurado siyang sa ganitong paraan, sandaling panahon na lamang ay makakaraos na sila sa buhay at mabibigyan na niya ng mariwasang buhay ang mga anak.