Inday TrendingInday Trending
Sinuway ng Dalaga ang Lahat ng Payo ng Kaniyang Ina; Akala Niya Kasi ay Ayaw Lang Nitong Maging Masaya Siya

Sinuway ng Dalaga ang Lahat ng Payo ng Kaniyang Ina; Akala Niya Kasi ay Ayaw Lang Nitong Maging Masaya Siya

Labing anim na taong gulang pa lang si Agatha ay nagtratrabaho na siya bilang service crew sa isang fastfood chain upang makatulong sa inang mag-isa lamang na bumubuhay sa kanila. Ngunit bilang isang kabataan ay naghahanap din siya ng ‘thrill’ sa kaniyang buhay. Napakaistrikta kasi ng kaniyang inay pagdating sa kaniya, dahil siya ang panganay at siya lamang ang inaasahan nito.

Naiintindihan naman niya kung bakit ganoon ito. Ayaw lamang nitong matulad siya rito na nabuntis nang maaga at iniwan ng kinakasama para sa ibang babae.

Ngunit minsan, hindi niya maiwasang maramdaman at isiping tila pinipigilan lamang siya nitong maging masaya, kaya naman madalas ay nakagagawa siya ng mga desisyong labag sa kagustuhan ng ina, katulad ng pagsama sa kaniyang mga kabarkada sa tuwing magliliwaliw ang mga ito.

“Tara, uwi na tayo, Agatha. Baka hanapin ka ni tita,” yaya ng nobyo niyang si Ely, isang beses na sumama sila sa gala ng barkada.

“Ang KJ mo naman, Ely! Nag-uumpisa pa lang ’yong saya, o!” kakamot-kamot naman sa ulong katuwiran ni Agatha.

Napailing na lamang ang kaniyang nobyo dahil wala itong magawa sa kakulitan niya. Naparami ang ininom ni Agatha kaya natakot si Ely na ihatid siya sa kanilang bahay. Dahil doon ay napilitan na lamang itong iuwi siya sa bahay nila.

Gumising siyang masakit ang ulo dahil sa hangover, ngunit hindi na niya iyon ininda pa at nagmadali na siyang umuwi sa kanila dahil alam niyang nagpupuyos na sa galit ang kaniyang inay.

Pagpasok niya sa kanilang bahay ay agad siyang sinalubong ng kaniyang inang si Lilibeth. Kitang-kita sa mga mata nito ang pagpupuyos nito sa galit.

“Ano, Agatha? Saan ka nanggaling, ha? Amoy alak ka pa!” sunod-sunod na tanong sa kaniya ng kaniyang inay.

“ I-Inay, ngayon lang po ito. H-hindi na po mauulit, sorry po,” nauutal namang sagot niya.

“Talagang hindi na ito mauulit, dahil pauuwiin na kita sa probinsya! Sa tingin mo, ganitong oras ang uwi ng matinong babae, ha? Sigurado akong kasama mo pa ang pariwara mong nobyo na wala namang maitutulong sa ’yo!”

Nakaramdam siya ng galit sa sinabi ng ina. Hanggang ngayon ba namang nasa tamang edad na siya’y kontrolado pa rin siya nito?!

“Hindi na ako bata! Alam ko ang ginagawa ko, ’nay! Isa pa, mabait na tao si Ely!” sigaw niya na hindi na napigilan ang galit.

“Marunong ka nang sumagot nang ganiyan ngayon?! Puwes, lumayas ka rito! Hindi ko kailangan ng anak na suwail!” galit pang anang kaniyang inay.

Hindi na sumagot pa si Agatha, ngunit pumanhik siya sa kaniyang silid at nagsimulang mag-empake.

Bago siya lumabas ng kanilang bahay ay nagbitiw pa ang kaniyang ina ng mga salitang talagang tumatak sa kaniyang isip…

“Balang araw, maiintindihan mo rin kung bakit ko ito ginagawa.”

Tumuloy siya sa bahay ng kaniyang nobyong si Ely. Hindi man nito gusto ang naging desisyon niya ay wala naman itong nagawa kundi ang sundin siya.

Ilang buwan siyang hindi umuwi sa bahay nila. Gusto niya kasing patunayan sa ina na nagkamali ito sa ginawang paghihigpit sa kaniya nang sobra.

Ngunit hindi yata sumasangayon sa kaniya ang tadhana… dahil ilang buwan pa ang lumipas at nalaman niyang siya ay nagdadalantao na!

Dahil nang mga panahong iyon ay pareho sila ni Ely na walang trabaho, walang ibang pagpipilian si Agatha kundi ang humingi ng tulong sa kaniyang ina. Nahihiya man, ito lang ang paraan upang mabuhay siya at ang batang dinadala niya sa kaniyang sinapupunan.

Huminga siya nang malalim bago pumasok sa kanilang bahay. Sa kaba ay napahigpit ang hawak niya sa kamay ng nobyong si Ely.

Ang buong akala niya ay sasalubungin siya ng galit na ina, ngunit laking gulat niya nang sa pagpasok niya pa lamang ay mahihigpit na yakap na ang sumalubong sa kaniya!

“Inay! Inay, pasensiya ka na kung nagawa ko po iyon sa inyo. Patawarin n’yo po ako. Sobra po akong nagsisisi na nagawa ko po iyon sa inyo!” humihikbing pakiusap ni Agatha sa ina na noon ay humahagulhol din sa iyak.

“Patawarin mo rin ako anak kung natiis kitang hindi kitain nang ilang buwan! Hindi ko kasi alam kung paano ko aamining nagkamali rin ako sa ’yo!”

“Wala po kayong kasalanan, ’nay. Hindi po kayo nagkulang. Desisyon ko pong lahat ’yon. Patawad po!”

Matapos magkapatawaran ay ikinuwento ni Agatha sa ina ang lahat ng nangyari sa kaniya sa nakalipas na mga buwan. Maging ang kaniyang pagbubuntis ay maluwag namang tinanggap nito, lalo na at nangako naman si Ely na pagka-graduate na pagka-graduate nito ay maghahanap agad ng trabaho. Tutal ay ilang linggo na lang naman bago iyon mangyari.

Ilang taon ang nakalipas ay nagkaroon ng magandang trabaho si Agatha, dahil matapos maka-graduate ni Ely ay siya naman ang nagbalik sa pag-aaral sa tulong pa rin ng kaniyang inay. Ngayon ay pinapatayo na nila ng nobyong si Ely ang sarili nilang bahay, tutal ay tapos na rin naman silang ikasal.

Ang kaniyang inay naman ay abala sa pag-aalaga sa pinalago nitong halamanan. Napaayos na rin kasi ni Agatha ang bahay ng kaniyang inay at may mini grocery store na rin itong inaasikaso na siyang ipinangtutustos nito sa kaniyang dalawang kapatid.

Umayon na ang lahat ng gusto niyang mangyari sa kaniyang buhay simula nang sundin niya ang payo ng kaniyang ina. Tunay ngang ang magulang ang siyang pinakamahusay na gabay sa buhay ng bawat tao.

Advertisement