Inday TrendingInday Trending
Kahit May Tinapos ay Tila Ayaw Nang Bumalik ng Babaeng Ito sa Pagtatrabaho, May Mabigat Pala Itong Pinagdadaanan

Kahit May Tinapos ay Tila Ayaw Nang Bumalik ng Babaeng Ito sa Pagtatrabaho, May Mabigat Pala Itong Pinagdadaanan

“Monica, grabe talaga! Sobrang sarap ng mga luto mo!” bati ni Aya, dating kaklase ng babae.

“Naku naman, binola mo na naman ako. Basta mag-order ka, mas magiging masaya pa ako!” sagot naman ni Monica habang abala pa rin ito sa pagbabalot ng mga bagong bake niyang cookies.

“Sinong magsasabi na magiging baker ka pala, ‘di ba? Pero, Monica, maiba tayo, kailan ka ba babalik sa pag-aaral? Isang taon na lang at magtatapos ka na sa law school. Tara na, bumalik ka na,” wikang muli ni Aya sa babae.

“Hay naku, saka na natin pag-usapan ‘yang pagiging abogado. Masaya na akong abogado na kayo, may kaibigan na akong attorney,” masayang sagot ni Monica rito.

“Ito ka na naman, halos lahat na lang ng offer sa’yo ay tinatanggihan mo. Ano ba talaga ang problema? Ayaw na ba ng asawa mo na mag-aral ka? Sayang ka naman, isa ka pa naman sa pinakamatalino sa batch natin,” malungkot na tugon ni Aya sa kaibigan.

Hindi na nagsalita pa si Monica at nginitian na lamang ang kaibigan. Hindi na rin muling nagsalita pa si Aya at tiningnan na lamang si Monica na tila ba abalang-abala sa kaniyang ginagawa.

Limang taon na ang nakalipas mula nang huminto si Monica sa pag-aaral at mas pinili ang pagiging ina sa kaniyang nag-iisang anak. Dahil sa hirap ng buhay ay kung ano-anong raket ang pinasukan niya makatulong lamang sa pang araw-araw nilang pangangailangan ng kaniyang asawa. Kalauna’y pumatok ang pagtitinda niya ng mga cookies at ngayon ay gumagawa na rin siya ng cake.

“’Pa, alam mo ba nanggaling ulit si Aya rito kanina? Pinakyaw na naman niya ang mga cookies na ginawa ko,” masayang sabi ni Monica sa kaniyang mister.

“Tinanong na naman niya nga ako kung kailan daw ba ako babalik sa pag-aaral,” dagdag pa nito.

“Ano naman ang sabi mo?” tanong ni Noel, mister ng babae.

“Sabi ko ay saka na namin pag-usapan,” maiksing sagot ng babae.

“Babalik ka pa ba? Bakit parang hindi mo naman nababanggit sa akin na babalik ka pa? Dapat ay sinasagot mo na ‘yung mga gan’yang usapan kasi kukulitin ka lang nila nang kukulitin, ‘yun pa naman palagi ang tanong sa’yo ng mga kaibigan mo,” komento muli ni Noel sa kaniya. Ngunit hindi na nagsalita pa si Monica at tumahimik na ito buong magdamag. Hanggang sa hindi na naman sila nag-iimikang mag-asawa.

“Ito na naman tayo, ako na naman ba ang sisisihin mo kung bakit hindi ka na nakapag-aral? Pwede ka naman na bumalik kung gusto mo bumalik hindi naman kita pipigilan hindi ‘yung nag-iiiyak ka riyan at magwawalang-kibo na naman ng ilang araw,” inis na sabi ni Noel sa kaniyang asawa nang hindi na naman ito tumabi sa kaniya sa higaan.

“Hindi mo kasi naiintindihan,” humihikbing wika ni Monica sa mister.

“Ano na naman ang hindi ko naiintindihan? Hindi ba’t hindi naman ako nagkulang sa pagpapasalamat sa’yo dahil pinili mo kami ng anak mo? Kung ano-ano na lang ang pinasok mo para lang makadagdag sa pinansiyal natin, ano pa ba ang hindi ko nasasabi? Ano na naman ang hindi ko nakikita? Ano na naman bang kulang ko bilang asawa rito?” inis na baling ng lalaki.

“Paano ako makakapag-aral? Ano’ng ipambabayad ko sa tuition ko? Sa mga libro? Paano si Amanda?” naiiyak na sigaw ni Monica sa lalaki.

“E ‘di magtrabaho ka ulit sa opisina, ikaw itong mataas ang pinag-aralan sa ating dalawa. Kumuha tayo ng katulong, magtrabaho ka ulit tapos mag working student ka,” mabilis na balik ni Noel sa babae.

“Akala mo ganoon lang kadali ang lahat! Wala ka talagang alam! Hindi mo alam ang lahat!” mas lalo pang naiiyak na sabi ni Monica sa lalaki.

“Ayan ka na naman, dadaanin mo na naman ako sa mga iyak na gan’yan!” sigaw ni Noel sa misis niya.

“Akala mo ba hindi ako nasasaktan na sa tuwing ito ang pinaguusapan natin? Palagi mong pinaparamdam sa akin na walang kwenta ang buhay mo kasi hindi ka naging abogado kaya palagi ka nalang umiiyak kapag ito ang usapan. Para bang gusto mo nang isigaw na nagsisisi kang pinakasalan mo ako at ito ang buhay mo ngayon,” dagdag pang muli ni Noel.

“Kahit kailan, hindi ‘yan ang naramdaman ko sa atin. Hindi mo ako naiintindihan, hindi galit mo ang kailangan ko, suporta’t pang-unawa,” hagulgol ni Monica.

“Ano pa bang suporta ang kulang?” gigil na tanong ng lalaki.

“Wala na akong ibang alam gawin, Noel! Ang alam ko na lang ay maglinis ng bahay, mag-alaga ng anak, maglaba ng mga damit mo, magtimpla ng kape mo, gumawa ng mga pagkain na makakadagdag sa pera natin. Hindi na ako ang dating matalinong Monica, wala na akong silbi sa mundong ito ngayon! Wala na, wala na ‘yung dating Monica, wala na,” mas lalo pang iyak pa ng babae.

Doon na natigilan si Noel sa totoong pinagdadanan ng kaniyang asawa, ngayon niya napagtanto na hindi lamang panahon ang lumipas sa kanila kundi maging ang kumpyansa ng babaeng nakilala niyang napakatapang, napakataas ng tingin sa sarili, at palaging positibo sa lahat ng bagay.

Mabilis niyang niyakap ang babae at sa unang pagkakataon ay doon niya naramdamang bagsak na bagsak ito. Kaagad siyang humingi ng tawad kay Monica dahil hindi niya lubos akalain na ganito na kababa ang tingin ng kaniyang asawa sa sarili. Simula rin noon ay hindi na lamang sa salita niya ito tinutulungan kundi maging sa maliliit na bagay na rin na makapagpaparamdam sa babaeng kaya pa rin nitong tuparin ang kaniyang pangarap. Nariyang kinukuha muli nito ang mga libro ng babae at binibigyan niya ng oras na makapagbasang muli ang asawa na matagal na nitong hindi ginagawa. Mas naging malinaw rin kay Noel na hindi lamang asawa o ina si Monica dahil may Monica pa rin sa katauhan nito na kailangan niyang suportahan.

Hindi nagtagal, sa tulong at pagsuporta ng kaniyang mister, ay muling naibalik ng babae ang kaniyang kumpyansa sa sarili. Bumalik ito sa pag-aaral ng pag-aabogasya at makalipas ang anim na taon ay naging ganap na abogado na ang babae! Pinatunayan niyang kailanma’y hindi naging hadlang ang pagkakaroon ng masayang pamilya sa pag-abot sa iyong mga pinapangarap.

Advertisement