Mayabang Pa Rin ang Babae sa Paggastos Kahit ang Lahat ay Apektado ng Pandemya; Laking Gulat Niya nang Makita ang Mister sa Isang Parking Lot
“Bebe, mabuti pa ‘yang asawa mo kahit na pandemya na ay hindi pa rin nawalan ng trabaho. Alam mo ba ‘yung mister ko ay palagi na lang kaming magkasama sa bahay? Hindi rin pala masaya,” kwento ni Ilonah habang abala ito sa pagkukulay ng buhok ng babae.
“Ayaw ko naman maging mayabang pero manager na rin kasi ang asawa ko sa trabaho niya kaya siguro hindi siya nawawalan ng pasok. Sabi naman niya sa akin ay maging sila’y apektado rin ng pandemya pero baka ‘yung mas mababa sa kaniya ang mga nawalan ng pasok sa opisina nila,” mabilis naman na sagot ng babae, nakapikit lamang ito habang siya’y kinukulayan ng buhok.
“Isa pa, simula noon ay marami na kami sa bahay kaya sanay na rin siguro ‘yung mister ko na marami kami sa bahay. Sa totoo nga niyan ay halos siya na ang bumuhay sa buong pamilya ko, walang reklamo ‘yun,” pagmamayabang na dagdag pa nito.
“Naku, isa pa ‘yan! Si mister ko lang noon ang may trabaho kaya ngayon na siya ang walang kita ay ramdam na ramdam namin ang hirap. Kaya nga kung ano-anong pag i-extra na lang ang pinasok ko,” kwentong muli ni Ilonah sa kaniya. Hindi naman na umimik pang muli si Bebe at pinakinggan na lamang ang mga hinaing nito at tahimik na naaawang naiirita sa babae.
“Hello dad, nakauwi ka na pala. Ano gusto mong ulam?” tanong ni Bebe sa kaniyang mister na naabutan niyang nagtatanggal ng medyas sa kanilang kwarto.
“Alas otso na, wala pa rin bang ulam? Saka bakit bagong kulay na naman ‘yung buhok mo? Magkano na naman ‘yan?” iritableng imik ni Henry sa kaniyang misis na abalang-abala sa pagkuha ng litrato sa kaniyang sarili.
“Nauna na kanina sila mama at naubos na rin nila ‘yung ulam, tumikim na rin ako ng kaunti saka isa pa, gabi ka na kasing umuwi kaya hindi ka na natirhan ng ulam. Ipagbubukas na lang kita ng de lata at huwag mong pinag-iinitan ang buhok. Ito na nga lang ang treat ko sa sarili ko,” kontra naman kaagad ni Bebe rito.
Hindi naman nagsalita pa si Henry at hindi na rin ito kumain. Nakonsensya naman si Bebe sa kaniyang pagpapabaya sa mister kaya naman naisipan niyang bumawi at pumunta sa opisina ng asawa lalo nga at gusto niyang kumain pati sa labas.
“Naku, wala silang pasok ngayon, tuwing Lunes at Biyernes lang ang pasok nila Henry sa opisina. Hindi niyo po ba alam ‘yun?” tanong ng guwardiya sa kaniya nang makarating ang babae sa opisina ng asawa.
“Ay oo nga pala, nakalimutan kong Miyerkules pala ngayon, nawala sa isip ko,” mabilis na sagot ng babae kahit nga ang totoo ay gulat na gulat siya sa nalaman.
Kung ano-ano na ang naiisip ni Bebe sa mga oras na iyon at hindi niya akalain na magsisinungaling ang mister niya sa kaniya. Hanggang sa umuwi na lamang siya upang hintayin na lamang ang lalaki ngunit mabilis na nahagip ng kaniyang mata ang plaka ng kaniyang asawa na pumasok sa parking ng isang mall.
“T@ng!na, sino’ng ipagsa-shopping mo nang ganitong panahon,” gigil na bulong niya sa sarili at dali-daling bumaba sa sinasakyan niyang jeep at sinundan ang asawa. Animo ninja pa sa pagtago si Bebe upang mahuli sa akto ang mister nito.
Nang makita niyang pumarada ang sasakyan ni Henry ay kaagad siyang naghintay sa pagbaba nito ngunit ibinaba lamang bahagya ng lalaki ang bintana at hindi pa rin ito bumaba. Mabilis na lumapit si Bebe at sinilip ang ginagawang kababalaghan ng asawa ngunit nagulat siya sa kaniyang nakita.
“Henry, bakit ka rito natutulog?!” katok ni Bebe sa mister at gulat na bumangon ang lalaki.
“Bakit ka nandito?” gulat na balik ni Henry sa asawa.
“Huwag mong ibalik sa akin ang tanong!” baling ng babae at mabilis itong pumasok sa sasakyan.
“Kailan ka pa nawalan ng trabaho? Bakit hindi mo sinasabi sa akin? Bakit araw-araw ka pa rin umaalis? Saan ka nagpupunta?” sunod-sunod pang tanong muli ni Bebe sa mister.
“Wala, dito lang sa parking, nagpapahinga,” malungkot na sagot ni Henry sa kaniya.
“Naku, Henry, lumang tugtugin na ‘yan. Sino ang hinihintay mo rito? May babae ka? Ngayon pa talaga?!” hampas muli ni Bebe sa kaniyang mister.
“Wala nga, maniwala ka. Suma-sideline na lang ako sa tuwing walang pasok sa opisina at dito naman ako nagpapahinga sa parking lot,” malungkot na pahayag ni Henry sa kaniya.
“Bakit hindi ka sa bahay magpahinga?!” singal pa rin ni Bebe rito.
“Hindi naman ako nakakapagpahinga sa atin dahil nandoon lahat ng pamilya mo tapos kapag nandoon ako ay walang humpay ang labas ng pera, nahihirapan rin ako, Bebe. Hindi ko lang masabi sa’yo kasi alam kong bubungangaan mo na naman ako. Kaya imbes na sa bahay ako magpahinga ay dito na lang kasi masyado na akong maraming iniisip para idagdag ko pa ang pagbubunganga mo at ng pamilya mo,” naluluhang siwalat ni Henry sa kaniya.
Doon na natahimik ang babae nang maramdaman niyang totoo ang iyak ng kaniyang asawa. Kaagad siyang humingi ng tawad sa lalaki at maging siya ay nahiya sa sarili dahil hindi niya man lang namalayan ang hirap na dinadala ng kaniyang mister.
Mula noong sila ay nagsama, si Henry na ang sumagot sa lahat ng gastusin at hindi niya kailanman naisip na nahirapan ito dahil ang alam niya’y mataas ang posisyon ng lalaki sa kumpanyang pinapasukan. Nariyang maging ang pamilya niya ay pinasandal na rin niya sa mister dahil para sa kaniya sila ang nakakaluwag at noon pa niya napapansin na hindi ito madalas lumabas ng kwarto mula nang patirahin niya ang kaniyang pamilya noon. Akala niya ay nahihiya lang ang mister niya ngunit sila pala ang dapat mahiya kay Henry dahil kahit na nahihirapan na ito ay sila pa rin ang pinipili ng lalaki. Hiyang hiya si Bebe sa kaniyang sarili dahil pakiramdam niya ay labis niyang napabayaan ang asawa at walang humpay ang pagyayabang, paggastos, at paglamon nila sa bahay nang hindi man lang niya naisip ang hirap nito. Simula noon ay hinahayaan na niyang makapagpahinga ang lalaki sa kanila. Sinabihan na rin niya ang kaniyang pamilya sa kanilang sitwasyon at inunahan na niyang kailangan nilang magtipid kahit pa nga pamilya sila ni Bebe.
Mula rin noon ay sinimulan niyang kausapin ang kaniyang pamilya na kailangan na nilang bumukod at tumayo sa sarili nilang mga paa. Noong una ay naging mahirap ngunit para sa babae, kailangan niyang piliin ang kaniyang mister at turuan na rin ang kaniyang pamilya na matutong magbanat ng buto para sa kani-kanilang mga sarili.