Lumaki sa Insulto ang Dalaga kaya Ikinabigla Niya nang Manligaw sa Kaniya ang Gwapong Binata; Totoo nga Kaya ang Damdamin Nito sa Kaniya

Isang matalino, mabait at responsableng dalagang si Matilde. Kilala siya sa mga katangiang iyon ng kaniyang mga kapitbahay at ilang kaibigan. Ngunit sa kabila ng magagandang asal na kaniyang tinataglay, si Matilde ay kinalakhan nang makarinig ng mga panlalait at pang-iinsulto patungkol sa kaniyang hitsura, mula mismo sa kaniyang sariling madrasta.

Pangit, kulot-salot, ulikba, uling at kung anu-ano pang mga tawag ang ibinansag sa kaniya nito na dahil madalas ding naririnig ng ibang tao ay kanila itong ginagaya kaya’t nakasanayan na nila iyong itawag din sa kaniya, na hindi man lamang inisip kung siya ba ay naaapektuhan o nasasaktan sa kanilang mga pamumuna.

Sa tagal ng panahon na nararanasan ni Matilde ang ganoon mula sa kanila ay nakasanayan na lamang niya iyon. Tila ba namanhid na siya sa sakit na dulot ng kaniyang mga natatanggap na pang-iinsulto dahil lamang sa kaniyang hitsura. Sa katunayan, maging si Matilde ay naging ganoon na lamang din ang tingin sa kaniyang sarili. Naniwala na siya sa kanilang mga insulto sa araw-araw ba namang kaniyang nadirinig ang mga iyon, hanggang sa siya ay magkolehiyo.

Unang araw ng pasukan noon. Isang matanda ang lumapit kay Matilde habang siya ay papasok pa lamang sa kanilang unibersidad. Nanghihingi ito ng tinapay na noon ay nakagatan na niya.

“Sige na, ineng. Kahit hatian mo lang ako nang kapiraso. Sige na, hilong-hilo lang ako sa gutom,” anang nakakaawang mukha noon ng nasabing matanda. Agad namang natunaw sa awa ang puso ng mabuting dalagang si Matilde, kaya naman imbes na ibigay ang tinapay na kaniya nang nakagatan ay binawasan niya na lamang ang kaniyang pamasahe pauwi upang ibili ito ng panibagong tinapay na noon ay mainit-init pa dahil kahahango lamang mula sa lutuan.

“Lola, kumain din ho kayo nitong cup noodles. Maigi ho ito nang mainitan man lang ng sabaw nito ang sikmura n’yo. Pasensiya na ho kayo’t ito lang ang nakayanan ko. Pamasahe na lang ho kasi ang pera ko, e,” kakamot-kamot ngunit nakangiting sabi ni Matilde sa matanda na tinugon naman siya ng matamis na ngiti at pasasalamat.

Lingid sa kaalaman ni Matilde, kanina pa pala siya pinanunuod ng isang binatang kaniya lamang kaeskuwela mula sa malayo. Nakasandal ito sa pader habang nakangiting tinititigan ang mabait na dalagang si Matilde. Iyon ay walang iba kundi si Clark na kilala sa kanilang unibersidad dahil sa angkin nitong kakisigan. Pinagkakaguluhan ito ng halos lahat ng mga babae sa kanilang eskuwelahan, ngunit ni isa ay wala itong napusuan sino man sa kanila…

Sa kauna-unahang pagkakataon, isang dalaga ang nakakuha sa kaniyang pansin dahil sa kabutihan ng loob nito. Hindi alintana ni Clark ang hitsura ni Matilde dahil para sa kaniya ay maganda na ito sa hitsura nito. Tanging sa mga mata lamang ng mapanghusgang mga tao hindi nagiging ganoon.

Advertisement

Matagal ding pinagmasdan lamang ni Clark si Matilde mula sa malayo. Hinahangaan ng binata ang dalaga at hindi iyon lingid sa kaalaman ng mga kaibigan niya. Nagkaroon ng pagkakataon si Clark na makipagkilala kay Matilde, ngunit mailap ito sa kaniya. Tila nahihiya. Ganoon pa man, lalo pang lumalim ang paghanga ni Clark sa dalaga kaya naman kalaunan ay hindi na niya napigilan pang ligawan ito. Iyon nga lang ay ayaw namang maniwala ni Matilde sa kaniya dahil wala itong tiwala sa sarili. Tuloy ay inabit na ng taon ang kanilang ligawan.

“Hindi mo ba nakikita ang hitsura ko? Pangit ako, Clark! Ang guwapo-guwapo mo, pero malabo ang mata mo,” minsan pa ay komento noon ni Matilde kay Clark nang bigla na lamang siyang bigyan nito ng bulaklak bilang tanda ng hindi nito pagsuko sa panliligaw sa kaniya.

“Ikaw nga ang gusto ko, e. Maganda ka para sa akin dahil mabuti ang kalooban mo. Paano ko ba patutunayan sa ’yo na totoo nga ang sinasabi ko?” tugon naman ni Clark na noon ay tila nanlulumo na dahil sa tagal na nitong nanliligaw ay ayaw niya pa ring maniwala. Lingid sa kaniyang kaalaman ay lihim na rin pala siyang minamahal ni Matilde. Natatakot lamang itong umamin.

“Ano ba ang dapat kong gawin, Matilde, para maniwala kang totoo ang nararamdaman ko para sa ’yo? Tatlong taon na kitang nililigawan, hindi pa ba sapat?” halos maiyak na dagdag pa noon ni Clark.

Doon ay napangiti na lamang si Matilde. Totoo ang sinabi nito. Matagal nang pinatutunayan ni Clark sa kaniya na mahal nga siya nito, kaya ngayon ay siya naman ang babawi. Hindi na dapat siya magkulong sa kinalakhan at pinaniwalaan niyang mga insulto mula sa ibang tao ngayong may tao nang tumatanggap sa kung ano at sino siya… at si Clark iyon.

Ikinagulat ni Clark ang biglaang paghalik ni Matilde sa kaniyang pisngi! Iyon ang hudyat na sa wakas ay ibinibigay na sa kaniya ng dalaga ang matamis nitong “oo!”