
Pinatalsik ng Anak ng May-ari sa Kainan ang Kanilang Kusinera Dahil Pangit daw Ito; Pagsisisihan Niya Pala Iyon nang Malaki!
Punong-puno na naman ang kabubukas pa lamang na kainang iyon ng Pamilya Hilario. Maaga pa bago magtanghalian ngunit halos okupado na ang lahat ng silya sa naturang kainan. Makikita mula sa mga mukha ng kanilang customers ang galak at pagkatakam habang sinasamyo ang humahalimuyak na amoy ng mga putaheng iniluluto sa kanilang kusina. Nakangiti ang kanilang mga mukha habang hinihintay ang kahilang in-order na pagkain.
“Napakasarap talaga ng pagkain dito. Sa amoy pa lang ay takam na takam na ako,” anang isang kostumer na lalaki sa kaniyang kasama habang hinihimas pa ang kaniyang tiyan.
“Naku, sinabi mo pa! Kaya nga kahit mahaba ang pila rito, aba’y tinitiyaga ko na,” sagot naman ng kasama nito.
Ganoon ang halos lahat ng maririnig na komento ng kanilang mga kostumer sa naturang kainan at ang lahat ng iyon ay dahil sa kusinera nilang si Felissa o mas kilala sa palayaw na “Fe” ng kaniyang mga kasamahan sa trabaho.
“Fe!” Napalingon si Fe sa tawag na iyon ni Daisy, isa sa limang serbidora ng kanilang pinagtatrabahuhang kainan.
“O, Daisy, bakit?” walang lingon-likod namang tugon ni Fe sa katrabaho. Naglalagay kasi siya ng gulay sa iniluluto niya ngayong kare-kare na isa sa pinaka-specialty nila rito.
“Alam mo ba, narinig ko ang feedback ng mga tao tungkol sa mgaluto mo. Sobrang sarap na sarap sila sa mga pagkaing ihinahain natin! Tingin ko nga, kundi dahil sa ’yo, hindi aangat itong kainang ito, e. Dapat kang alagaan ng mga boss natin dahil ikaw ang yaman ng kainang ito,” komento pa ni Daisy na tuloy-tuloy lamang sa pagdaldal habang siya naman ay nangingiti lamang habang ipinagpapatuloy ang pagluluto.
“Masiyado mo namang pinalalaki ang ulo ko niyan, Daisy,” sabi niya, ngunit ang totoo ay tuwang-tuwa siya sa sinabi nito at hindi niya na iyon maitatago sa lawak ng kaniyang pagkakangiti. Minsan lang kasi kung makatanggap si Fe ng mga ganitong salita mula sa ibang tao. Kadalasan kasi ay puro na lamang panlalait ang kaniyang natatamo dahil sa kaniyang hitsura para sa iba.
Nasa masayang kuwentuhan ang dalawa nang bigla na lamang may tumikhim sa kanilang likuran, dahilan upang halos sabay silang mapaigtad sa kanilang kinatatayuan.
“M-madam Lorry!” bulalas ni Daisy nang makilala ang nag-iisang anak ng kanilang boss. “Kayo po pala!”
“Ikaw ba ang kusinera namin?” nakataas ang kilay na tanong ng kanilang amo kay Daisy.
Mabilis namang umiling ang serbidora bilang tugon sabay turo sa nagluluto pa ring si Fe nang mga sandaling iyon. “Siya po.”
Biglang kumunot ang noo ng babae. “Iyang pangit na ’yan? Siya ang kusinera natin?!” pabulalas pa nitong tanong. Agad na rumehistro sa mukha nito ang pandidiri nang makita ang histura ng kanilang kusinera na puno ng taghiyawat sa mukha! “OMG! Hindi ka namin p’wedeng iharap sa mga magiging business partners ng daddy ko! Paano gaganahan ang tao na kumain sa restaurant namin kung makikita nilang ang pangit ng hitsura ng tagaluto?” dagdag pa nito na ’di yata alintana na direkta na niyang iniinsulto ang kanilang kusinera!
Napayuko na lamang si Fe sa kaniyang mga narinig, ngunit ano ang maikakatuwiran niya gayong iyon naman talaga ang totoo? Ngunit ang mas nakapagpagulat sa kaniya nang mga sandaling iyon… ay nang bigla na lamang silang tanggalin ni Madam Lory sa kanilang trabaho!
“Makakaalis na kayong dalawa. Hindi namin kailangan ng mga pangit na kusinera at serbidora dito. Tsupi! Madali lang paltan ang mga katulad n’yo!” iyon ang huling salitang binitiwan nito sa kanilang dalawa bago sila nito tinalikuran.
Lugmok na lugmok si Fe matapos ang pangyayaring iyon dahil lalo siyang nawalan ng kumpiyansa sa kaniyang sarili. Mabuti na lamang at palagi siyang suportado ni Daisy nang mga panahong iyon kaya kahit papaano ay mabilis din siyang nakabawi.
Dahil mahal talaga ni Fe ang pagluluto ay naisipan na lamang nila na magbukas ng maliit na karinderya sa tapat ng kanilang bahay. Nang mga panahong iyon ay kinatulong niya na rin si Daisy kaya sa kaniya na ito tumira.
Katulad ng inaasahan ay agad na pumatok ang karinderya ni Fe at sa loob lamang ng maikling panahon ay lumago na agad ito nang maganda hanggang sa handa na nga silang mag-upa sa mas malaki pang puwesto upang pagtayuan ng kanilang kainan.
Sa kanilang paghahanap ng puwesto ay napadaan sila sa kainang dati nilang pinagtatrabahuhan ngunit nagulat ang dalawa nang makita ang isang karatula na nagsasabing ibinibenta na raw ang puwestong iyon!
Nalaman ng dalawa na nang umalis pala si Fe bilang kusinera ng kainan ay agad na nangawala ang kanilang mga kostumer kaya naman mabilis na nalugi ang kainan. Karma pala ang agad na inabot ng malditang anak ng may-ari nito dahil ngayon ay naghihirap na ang pamilya nito!
Samantala, agad na nakipagtransaksyon si Fe sa may-ari ng dating puwestong iyon ng kaniyang pinagtatrabahuhan noon dahil ngayon ay dito na niya itatayo ang kaniyang negosyo. Nang malaman ito ni Lorry, labis na hiya at panghihinayang ang kaniyang naramdaman ngunit hindi na niya maibabalik pa ang nakaraan.