Nababagabag na ang Aleng Ito sa Paghina ng Kaniyang Karinderya, Hindi Siya Makapaniwala sa Dahilan ng Kaniyang Pagkalugi

“Hay naku, Isko! Gumawa ka nga ng paraan para matikman natin ‘yung luto nung bagong bukas na karinderya sa may bungad. Aba, simula nang magbukas iyon ay humina na ang benta natin!” galit na sabi ni Aling Fina sa kaniyang mister habang nagsasalin ito ng niluto niyang ulam mula sa kawali.

“Ikaw naman, parang hindi ka na nasanay sa mga bagong bukas na kakompetensiya natin. Alam mo naman na hindi tatagal ‘yang mga ‘yan. Sa upa pa lang ay lugi na sila at isa pa, tayo na ang pinakamatagal na nagtitinda ng ulam dito at kung malakas man sila ngayon ay babalik pa rin sa atin ‘yang mga suki natin,” sagot ng lalaki habang naglalagay ito ng plastik labo sa bote.

“Ay kahit na! Bumili ka roon ng ulam nang matikman natin ang pinagmamalaki ng mga ‘yun! Naririnig-rinig ko ay mas masarap pa raw sa luto ko! Aba’y labis na insulto na ito!” Mas lalo pang nainis ang ale at napapailing sa mga niluto niyang ulam na hindi pa rin ubos kahit tapos na ang tanghalian.

Bago pa man naging pampublikong pamilihan ang kanilang lugar ay nauna nang magtayo si Aling Fina ng negosyo noon nang gawin niyang karinderya ang labas ng kanilang bahay at simula nga noon ay ito na ang naging hanap buhay ng ale. Halos isang dekada na rin itong nagluluto at kahit maraming nagsusulputang bagong kainan ay mabilis lamang natatapos ang kompetensiya sa pagitan nila. Ngunit labis na nababagabag si Aling Fina sa bagong tayong kainan dahil ngayon lang humina ng ganito ang karinderya niya.

Hanggang sa dumaan pa ang ilang araw at mas tumagal pa ng ilang buwan ay pahina na talaga nang pahina ang negosyos ni Aling Fina kaya naman gumawa siya ng paraan upang matikman ang luto sa kabila.

“Pwe! Puro betsin naman ang luto nilang ito! Ito na ba ang nagugustuhan ngayon ng mga tao? Akala ko ba ay sobrang sarap? Parang wala namang binatbat ito sa mga niluluto ko!” komento ng ale ng matikman ang kalderetang binili niya.

“Pero bakit nawawalan ako ng customer?!” biglang sigaw ng ale saka hinagis ang ulam.

“Onyok, pati ba ikaw ay hindi na rin dito sa akin kakain? Aba, mukhang pati ikaw ay nakakalimot na sa akin!” sita ni Aling Fina nang makita ang isa niyang suki.

Advertisement

“Ikaw naman, Aling Fina, tumitikim lang kami ng ibang putahe! Wala namang makakatalo sa inyo!” sagot ng binata sa kanya at lumapit ito.

“Sus! Ang sabihin mo sa akin ay maganda ‘yung tindera sa kabila kaya kahit hindi masarap ay roon kayo kumakain! Bumalik na kayo rito sa akin at dadamihan ko ang sandok ng kanin mo!” wika pang muli ng ale sa binata.

“Aling Fina, maniwala ka sa akin, masarap ang luto nila roon!” sagot muli ni Onyok sa kaniya.

“Naku, Onyok! Kakatikim ko lang ng kaldereta nila at isang tikim ko pa lang ay alam kong puro betsin ang luto nila at sinasabi ko sa’yo kapag itinuloy mo ang pagkain doon ay maaga kang makakalbo!” baling muli ng ale sa binata.

“O, Aling Fina, puso niyo! Baka kayo ang atakihin kahit walang betsin!” natatawang sabi pa ni Onyok sa kaniya. Mabilis na huminga nang malalim ang matanda at pilit na kinalma ang sarili.

“Sige na, sa’yo ko lang sasabihin ito pero ‘pag napabalik mo ‘yung mga kasamahan mo sa toda na rito kumain sa akin ay ililibre ko na lagi ang sa’yo!” suhol ni Aling Fina kay Onyok.

“Aling Fina, prank ba ‘yan? Lakas niyo ngayon!” natatawang balik ni Onyok sa kaniya ngunit tiningnan lamang siya nang masama ng ale at tumigil ang binata sa paghalakhak nang mapansing seryoso ito.

“Gusto niyo ba talagang malaman kung bakit naglilipatan kami roon para kumain? Ay naku, huwag na at baka ako pa ang kainisan niyo!” sabi ni Onyok sabay tayo sa kaniyang kinauupuan ngunit mabilis siyang hinampas ng pambugaw sa langaw ng ale.

Advertisement

“Ayan, ‘yung ganiyan niyong ugali kaya maraming ayaw nang kumain sa inyo,” mabilis na sabi ng binata.

“Anong ito, ayusin mo!” sigaw ni Aling Fina kay Onyok.

“E kasi naman, Aling Fina, napakasungit niyo na ho talaga, sobra na! Sa tuwing kakain kami rito ay napakarami niyong sinasabi, palagi niyo kaming pinagsasabihan sa mga maliit na bagay. Ni ultimo ‘pag matagal kaming kumain ay nagagalit kayo o kapag maingay ang mga kutsara namin, ni hindi kami makapagpahinga kapag dito kami kakain kasi ang ingay niyo na nga ay napakasungit pa. Samantalang doon sa bagong bukas na karinderya ay may TV na nga at music ay napakapalangiti pa ng nagtitinda. Sana naman ay huwag ninyong masamain ang pagiging totoo ko,” siwalat ni Onyok at labis na ikinagulat iyon.

Ngayon lamang siya nahimasmasan na siya rin pala ang dahilan kung bakit nawawala ang mga kumakain sa kaniya. Masyado siyang naging mayabang sa sarili at aminado siyang lumaki na ang kaniyang ulo dahil alam niyang walang makakatalo sa kaniyang luto ngunit hindi lang pala pagkain ang hanap ng mga tao kung ‘di ang maayos na makakainan.

Simula noon ay binawas-bawasan niya ang pagsigaw sa mga kumakain at nagsimula na rin siyang ngumiti katulad kung paano sila nag-umpisa noon. Kahit papaano ay unti-unti nang bumalik ang kaniyang mga dating suki.