Biglang Asenso Kahit Nasa Bahay Lang ang Dalagang Ito, Sa Huli’y Siya Mismo ang Magsisiwalat ng Sikreto

“Tonya, Tonya! Napapansin mo ba ‘yang si Jamaica? Aba’y biglang nagbago ang pananamit ng batang iyon at kahit na nasa bahay ay isang kilo ang nakakabit na pilik-mata!” sabi ni Gina sa kaniyang kapitbahay.

“Naku, Gina, grabe na nga ‘yung kumakalat na balita tungkol sa kaniya. Nalulungkot ako para kay Jamaica. Alam kong kakapanaw lang ng mga magulang niya at mukhang wala na siyang alam na ibang paraan para mabuhay kaya naman pumasok na sa ganoong trabaho,” malungkot na sagot ni Tonya sa babae habang abala itong magpabaga ng uling para sa kaniyang ihaw-ihaw na negosyo.

“Ibig sabihin, totoo talagang bayarang babae na siya?” mahinang paglilinaw pa ni Aling Gina sabay takip ng abanikong hawak niya sa kaniyang bibig.

“Ayaw kong manggaling sa akin ang sagot na ‘yan pero lahat tayo ay iyan ang iniisip. Ikaw ba naman nasa bahay ka lang tapos ang mga suot mo lagi ay halos labas na ang kaluluwa at kahit na wala kang trabaho ay marami kang pera! Isa pa, usong-uso ngayon ‘yung ganun sa online! Mas mabilis nga raw at mas malaki pati ang kita!” sagot ni Tonya at sabay na napailing ang dalawa.

Halos amin na buwan pa lang simula nang pumanaw ang mga magulang ni Jamaica at bukod sa naiwang mga utang ng kaniyang magulang ay naiwan ding mag-isa ang dalaga. Naging saksi ang mga kapitbahay niya sa iba’t-ibang trabaho na pinasok nito mairaos lamang ang araw-araw kaya naman mabilis ding napansin ng marami ang biglaang pagbabago sa babae. Bukod sa nagbagong itsura nito ay sobrang naging mahahal@y ang suot ni Jamaica na siyang mabilis na nakatawag ng pansin ng marami.

Lalo pa ngang mas naging usap-usapan ang dalaga nang dumarami ang nagpupunta sa bahay nito at katulad niya rin ang pananamit.

“Hija, matanong ko lang, hindi ba kina Jamaica ka galing? Ano mo siya?” ngiting tanong ni Aling Tonya nang bumili ang babae ng sigarilyo sa kaniya.

“A, katrabaho po,” maiksing sagot nito sabay sindi ng sigarilyo.

Advertisement

“Anong trabaho niyo?” mabilis na tanong ni Gina na nakatambay pa rin sa ihawan ni Tonya.

“Online po,” natatawang sagot muli ng babae sa kaniya at mabilis itong umalis.

Kaagad na napa-iling ang dalawang babae ngunit kaagad silang napahinto nang nakita nilang paparating si Jamaica.

“Ate Tonya, papakyawin ko na ho ang mga isaw niyo ngayon. Huwag niyo nang itinda sa iba ha, bale magkano po ba lahat ng ‘yan?” sabi ni Jamaica sa babae.

“Ha? Bibilangin ko muna saka ko na lang sasabihin kung magkano lahat,” mabilis na sagot ni Tonya rito. Habang abala sa pagbibilang ng pera ang dalaga ay hindi talaga napigilan magtanong ni Gina rito.

“Jamaica, sino ‘yang mga ‘yan? Mukhang parami nang parami ang mga kaibigan mo,” sabi ni Gina na tumutulong sa pagpapaypay sa inihaw na isaw.

“Mga katrabaho ko ‘yang mga ‘yang, Ate Gina, ang gaganda ‘no? Bukod sa maganda ay malaki rin ang kita ng mga ‘yan! Sa kanila ako natuto!” masayang sabi ni Jamaica sa kaniya.

“Diyos ko po,” mahinang bulong ni Tonya habang nagpapahid ng sauce sa iniihaw.

Advertisement

“Bakit naman ganyan ang reaksyon mo, Ate Tonya? Hindi ba kayo ang laging nagpapaalala sa akin na dapat matuto akong tumayo sa sarili kong paa para mabuhay? Hindi ba kayo masaya ngayon para sa akin na kahit papano ay nakakaahon-ahon na ako sa mga utang at kahit papano ay hindi na nahihirapan humanap ng maipanglalaman ng tiyan?” tanong ni Jamaica sabay hithit ng sigarilyo.

Pilit na ngumiti si Tonya at Gina sa dalaga at hindi nagsalita.

“Kayo ba ang nagpapakalat ng chismis dito sa atin tungkol sa trabaho ko? Bakit, gusto niyo ba malaman paano kumita nang malaki sa pamamagitan ng ganitong itsura?” tanong pang muli ni Jamaica sa dalawa.

“Naku hindi, pilit nga naming pinipigilan na kumalat ang chismis kasi naawa kami sa’yo. Baka bukod sa pwede kang mawalan ng trabaho ay pwede ka rin makulong nang wala sa oras!” kaagad na sagot ni Tonya sa kaniya.

“Hayaan mo, Jamaica, ipagdarasal ko lagi na huwag kang mahuli riyan sa trabaho mo. Basta, sana ay huwag kang malululong sa dr*g@ kasi sa ganiyang trabaho ay iyon palagi ang kasunod. Sana ay-” naputol na sabi ni Gina nang hindi magkandamayaw sa kakatawa si Jamaica nang marinig ang dalawa.

“Teka lang! Ano ho ba sa tingin niyo ang trabaho ko?” natatawa pa ring tanong ng dalaga sa kanila.

“Naku huwag na, hindi na namin sasabihin, sige na, mauna ka na roon at ihahatid na lang namin itong isaw mo,” sabi ni Tonya rito.

“Okay lang po talaga, ibulong niyo na lang sa akin kung ano ba sa tingin niyo ang trabaho ko,” pagpupumilit ni Jamaica sa babae.

Advertisement

“Naku naman, hindi na nga! Sige na, Jamaica, mauna ka na,” tanggi ni Tonya sa kaniya.

“Siya kung ayaw niyong sabihin ay ako na lang ang maglilinaw ng trabaho ko. Dealer po ako,” malinaw na sinabi ni Jamaica iyon.

“Dr*g dealer?! Diyos ko ka, Jamaica!” hampas ni Gina sa kaniyang braso.

“Casino dealer mga ateng! Casino! Online C-A-S-I-N-O dealer,” isa-isa at malakas niyang sinabi iyon.

“Kaya ganito ang suot namin kasi kailangan maganda kami sa harap ng camera at walang mali o ilegal sa trabaho ko kaya kung akala niyo ay nagbebenta ako ng laman ay hindi! Malaking hindi kaya tigilan niyo na sana ‘yung pagkakalat ng chismis na p*kP@k ako kasi, Diyos ko! Nagtratrabaho ako nang maayos!” dagdag pa ng dalaga saka umalis at iiling-iling ang dalaga.

Matagal nang naririnig ni Jamaica ang balitang iyon tungkol sa kaniya ngunit hindi na lang niya iyon binigyan ng pansin dahil alam niya sa sarili na marangal ang trabaho na mayroon siya ngunit masaya rin pala kung malilinaw niya iyon sa harap mismo ng taong nagkakalat ng maling balita.

Kaagad na humingi ng paumanhin ang dalawa sa dalaga at simula din noon ay natigil ang balitang iyon kay Jamaica. Labis na kahihiyan ang nararamdaman nila Gina at Tonya dahil alam nila sa kanilang sarili na sila naman talaga ang nagkalat ng malaswa at maling balita na iyon tungkol sa dalaga.