Inday TrendingInday Trending
Binigyan Siya ng Ama ng Isang Buwan Upang Maghanap ng Kaniyang Mapapangasawa, Magawa Niya nga Kayang Makahanap ng Pag-ibig sa Maikling Panahong Iyon? 

Binigyan Siya ng Ama ng Isang Buwan Upang Maghanap ng Kaniyang Mapapangasawa, Magawa Niya nga Kayang Makahanap ng Pag-ibig sa Maikling Panahong Iyon? 

Nagbigay ng isang buwan ang ama ni Michael para maghanap siya ng dalagang mapapangasawa niya na magbibigay ng apo rito. May iniinda na kasi itong malubhang sakit at nais nito na bago mapasakaniya ang pinaghirapan nitong kumpanya, makapagpakasal muna siya.

“Nahihibang na po ba kayo, papa? Isang buwan lang ang ibinibigay niyo sa akin para maghanap ng babaeng papakasalan ko? Hindi naman ganoon kadali hanapin ang pag-ibig, papa!” gulat niyang wika sa ama matapos niyang marinig ang kagustuhan nito.

“Alam mong hindi ko na tiyak kung hanggang kailan pa ako mabubuhay, hijo. Ayos lang naman kung ayaw mong magsumikap na maghanap ng mapapangasawa mo, ipaparte ko na lang sa mga pinsan mong may anak ang kumpanya ko!” panakot nito sa kaniya.

“Bakit ba kasi kailangang may asawa ako bago mo ibigay sa akin ang kumpanya, papa?” inis niyang tanong dito habang inihahanda niya ang mga gamot nito.

“Para sigurado ako na bukod sa may aalalay sa’yo sa pagtataguyod sa kumpanyang iiwan ko, may tao pang mag-aalaga sa’yo. Sundin mo na ang kagustuhan ko, hijo. Ito na ang huling hiling ko sa’yo,” nakangiti nitong wika na talagang ikinailing niya na lamang.

Dahil sa kagustuhang iyon ng kaniyang ama, wala na nga siyang sinayang na panahon. Agad-agad na siyang naghanap ng dalagang maaari niyang mapangasawa at syempre, ang mga dalagang hinanap niya ay mula sa mayayamang pamilya katulad nila.

Sinimulan niyang magtanong-tanong sa mga kasosyo sa negosyo ng kaniyang ama. May mga anak namang gustong ireto sa kaniya ang iba sa mga ito kaya lang, lahat ng dalaga’y hindi pasok sa kaniyang panlasa. Ang iba ay masyadong mabait, mayroon namang masyadong maarte at mayroon pang nanghihingi na agad na pera sa kaniya dahilan upang ganoon na lamang siya panghinaan ng loob.

“Hindi naman yata posible ang kagustuhan ni papa, eh! Paano ko naman tuturuan ang sarili ko na ibigin ang isang dalagang kakakilala ko palang? Sa loob ng isang buwan, kailangan kong makasal? Anong kalokohan ‘yon?” inis niyang sabi sa sarili habang siya’y nagmamaneho.

Mayamaya lang, siya’y nakatanggap ng tawag mula sa kaniyang ama at siya’y pinapapunta nito sa isang kulungan upang sumama sa pamimigay ng mga pagkain doon.

“Papa, mayroon na lang ang tatlong linggo para maghanap ng mapapangasawa ko tapos sasayangin ko lang ang isang araw ko sa pagsisilbi sa mga preso?” nanggalaiti niyang tanong.

“Hijo, sundin mo na lang ako. Mauubusan ako ng lakas kapag nakipagtalo pa ako sa’yo,” sabi nito kaya wala siyang nagawa kung hindi ang magpunta sa naturang kulungan.

Pagdating niya roon, agad niyang inialis sa kaniyang mukha ang inis na kaniyang nararamdaman at nakiisa sa ilang empleyado ng kaniyang ama sa pamamahagi ng pagkain, damit, at ilang personal na gamit sa mga presong naroon.

Habang siya’y abala sa pag-aabot ng mga donasyon sa mga presyong nakapila, napukaw ng isang dalaga ang kaniyang atensyon. Tahimik lamang itong nakapila habang sinusuklay-suklay ang sariling buhok. Nang mapansin siya nitong nakatingin, bahagya itong ngumiti sa kaniya na nagpatigil sa pagtibok ng puso niya.

“Napakaganda niya! Dala lang ba ito ng kagustuhan kong magpakasal agad o sadyang wala na ako sa tamang katinuan? Baka nakakalimutan mo, Michael, isa siyang preso, may kasalanan siya sa batas!” sabi niya habang binabatuk-batukan ang sarili.

“Sa totoo lang, sir, napagbintangan lang ‘yang si Aimee,” sabat ng isang pulis na narinig pala sa kaniya na labis niyang ikinagulat dahilan para usisain niya ang pagkatao nito.

Doon niya nalamang mula ito sa mahirap na pamilya at napagkamalang magnanakaw ng isang mayamang pamilyang pinagsisilbihan nito.

Nang malaman niya ang kwento ng dalaga, siya’y labis na naawa rito kaya agad niya itong nilapitan upang kamustahin. Hindi niya mawari kung bakit sa tuwing ngumingiti ito sa kaniya, pakiramdam niya’y tumitigil ang kaniyang mundo at kakaibang saya ang nag-uumapaw sa puso niya.

Iyon ang dahilan para magpasiya siyang piyansahan at ligawan ito.

“Totoo ba ang sinasabi mo, sir? Makakalaya na ako tapos liligawan mo pa ako?” gulat nitong tanong sa kaniya.

“Wala, eh, kapag talaga siguro si Kupido na ang gumalaw, wala na tayong magagawa. Pasensya ka na, mamadaliin ko na ang pagbihag sa puso mo,” matamis niyang sabi rito na ikinakilig naman ng dalaga.

Sa awa ng Diyos, hindi naging hadlang ang estado ng buhay nito at ang lugar na pinanggalingan nito sa kaniyang ama. Sa katunayan, labis pa itong natuwa nang malamang galing kulungan ang dalaga. Sabi pa nito, “O, ‘di ba? Ako rin pala ang magiging tulay para mahanap ng dalagang mapapakasalan mo!” na talagang ikinatawa na lamang nilang dalawa.

Katulad ng sinabi niya sa dalaga, naging mabilis nga ang takbo ng kanilang relasyon dahil halos dalawang linggo lamang ang lumipas, agad na niya itong pinakasalan.

“Sigurado ka na ba talaga sa akin, Michael?” tanong nito sa kaniya.

“Oo naman, ngayon lang ako nakaramdam ng ganitong klaseng saya,” tugon niya saka na niya ito hinalikan sa harap ng kanilang buong angkan at ng altar na talagang ikinatuwa ng kaniyang ama.

Wala nang mas sasaya pa sa kaniya pagkatapos ng kasalang iyon dahil bukod sa mayroon na siyang makakasamang babae sa buong buhay niya, nakapangalan na sa kaniya ang kumpanya ng kaniyang ama at milagroso pa itong gumaling! Sabi ng doktor, “Nakatulong sa kaniya paggaling niya ang kasiyahang naranasan niya nang malamang ikakasal ka na,” na talagang ipinagdiwang nilang lahat.

Hindi rin niya pinabayaan ang pamilya ng dalaga. Kaniya itong binigyan ng bahay at puhunan pangnegosyo upang magkaroon din ang mga ito nang maayos na buhay.

Advertisement