Inday TrendingInday Trending
Siya ang Nag-iisang Mananahi na Inaasahan ng Buong Baranggay; Paano Kung Hindi Na Niya Magampanan ang Kaniyang Tungkulin

Siya ang Nag-iisang Mananahi na Inaasahan ng Buong Baranggay; Paano Kung Hindi Na Niya Magampanan ang Kaniyang Tungkulin

Nagising si Ising sa malakas na katok sa pinto.

Nabungaran niya si Thelma, isa sa mga kapitbahay nila. Bakas sa mukha nito ang hiya nang pagbuksan niya ito ng pinto.

“Thelma, anong atin?” tanong niya habang pilit na pinipigil ang paghikab na sanhi ng nararamdaman niyang antok.

“Aling Ising, baka naman ho pwede makisuyo. May interview kasi ang anak ko ngayong araw, ang kaso natastas ang pantalon niya, wala naman siyang ibang maisuot…” anito habang bitbit ang isang pantalon.

Kinuha niya ang hawak nitong pantalon bago iyon sinuri. Maliit lang ang tastas noon, ngunit sa harapang bahagi kaya halatang-halata iyon.

Tipid na nginitian niya ang kapitbahay.

“Walang problema. Bumalik ka makalipas ang isang oras, at ako na ang bahala rito…” aniya.

Tila isang malaking pasanin ang nawala sa balikat ni Thelma. 

“Naku, Aling Ising, hulog talaga kayo ng langit! Maraming salamat ho!” anang babae bago nilisan ang maliit niyang bahay.

Nagtimpla si Ising ng kape bago niya nilapitan ang luma niyang makina. Dekada na ang tagal noon, ngunit kasama niya pa rin.

Isa siyang matandang dalaga. Marami siyang naging nobyo noon, ngunit walang tumatagal sa mga ito. Iisa ang mga naging reklamo nila—wala raw siyang panahon para sa pag-ibig. Ang mahalaga lang daw sa kaniya ay ang trabaho.

Hindi niya naman ikakaila iyon. Ang totoo ay isang siyang sikat na fashion designer noong kabataan niya.

Nananahi siya ng kasuotan ng kung sino-sinong sikat na personalidad. Politiko, artista, at kung sino-sino pa.

Masasabi niya na ang kaniyang kabataan ang pinaka-maliwanag na bahagi ng kaniyang buhay.

Ngunit tapos na iyon. Nang nagkaedad kasi siya ay unti-unti na ring nabawasan ang kaniyang mga kliyente lalo pa’t marami na ring nagsusulputang bagong fashion designer.

Sa huli ay sinubukan niya na magtayo ng sarili niyang tindahan ng mga damit, ngunit hindi rin iyon pinalad na lumago.

Kaya naman napakahalaga sa kaniya ng luma niyang makina. Ito na lang kasi ang nagsisilbing alaala ng masayang buhay niya noon.

Sa ngayon ay isa siyang mananahi sa baranggay nila. Sa tuwing may ipatatahi ang kaniyang mga kabaranggay ay handang-handa siya na tumulong. 

Mayroong mga nagbabayad sa kaniya, mayroon din namang walang kakayahang makabayad. Ngunit hindi naman kaso sa kaniya iyon. Ang mahalaga sa kaniya ay magawa niya ang bagay na paborito niyang gawin—ang pananahi.

Wala pang isang oras ay tapos niya nang tahiin ang pantalon.

Napangiti siya nang makita na halos wala na ang bakas ng punit na kanina lang ay halatang-halata.

“Maraming salamat po, Aling Ising! Hayaan niyo, kapag naka-sweldo na ang anak ko ay ako mismo ang babawi sa inyo…” pangako ni Thelma.

“Naku, ‘wag mo nang isipin iyon. Alam mo naman na kaligayan ko nang makapanahi sa aking makina. ‘Wag kayong mahihiya sa akin, lumapit kayo kung may gusto kayong ipatahi,” wika niya sa babae.

Ngunit makalipas ang ilang araw, kasalukuyan siyang nananahi nang lumikha ng kakaibang tunog ang kaniyang makina.

Isa iyong mahinang ugong, kaya naman nagawa niyang iwaksi iyon sa kaniyang isip. Ngunit maya-maya ay biglang tumigil ang kaniyang makina.

Kahit anong pokpok ay hindi niya na iyon napaandar ulit.

Bagsak ang balikat ni Ising habang minamasdan ang kinakalawang niyang makina.

Ano na lang ang gagawin niya ngayong nasira na ang kaniyang makina?

Agad siyang lumabas ng bahay upang maghanap ng maaaring mag-ayos ng kaniyang nasirang makina.

Ngunit nadismaya lamang siya sa sagot ng mga ito.

“Naku, lumang-lumang modelo na ho kasi. Hindi na ho kami nag-aayos kapag ganyan. Bumili na lang kayo ng bago…”

Hindi kasi alam ng mga ito ang halaga ng makina niya. Isa pa, wala naman siyang pambili ng bago.

Sa paghahanap ng magkukumpuni ay napadpad siya sa maliit ng mall sa karatig bayan. Nakaramdam siya ng pag-asa nang makausap ang isang binata sa isang repair shop.

Ngunit agad na bumagsak ang balikat niya nang marinig ang presyo na hinihingi nito.

“Trenta mil ho. Kami na ho ang kukuha sa bahay niyo, at kami na rin magde-deliver pabalik…” anang binata.

Napailing si Ising. Saan naman siya kukuha ng ganoon kalaking pera? Halos pagkasyahin niya na nga lang ang maliit niyang kita sa araw-araw.

Malamya siyang naglakad pauwi. Nabungaran niya sina Tess at Lani, mga kabaranggay niya. Pawang may hawak na damit ang dalawa, kaya naman nahinuha niya na magpapatahi ang mga ito.

Hindi niya na tuloy mapigil na mapaiyak at ikwento sa dalawa ang nangyari.

“N-nasira na ang makina ko, at hindi na ako makakapanahi ulit…” kwento niya habang walang patid ang pag-agos ng luha.

“Maraming salamat pa rin sa lahat ng naitulong mo sa amin, Aling Ising. Ikaw ang pinakamagaling na mananahing nakilala namin. ‘Wag kang mag-alala dahil narito lang kami kung kailangan mo ng tulong…” litanya ni Tess.

Napahagulhol na lamang siya sa labis na lungkot.

Kinabukasan, gaya ng ibang araw ay ginising siya ng malakas na katok.

Tamad siyang bumangon ng pinto upang pagbuksan ang bisita.

“Siguro ay hindi pa nila alam na sira na ang makina ko…” sa loob-loob niya.

Nagulat siya nang mapagbuksan ang ilang kababaihan sa kanilang baranggay. Pinapangunahan iyon nina Tessa, Thelma, at Lani.

“Nalaman namin ang nangyari sa makina mo, kaya naman nagpatak-patak kami para makalikom ng pera. Alam ho namin kung gaano kahalaga sa’yo ang pananahi…” ani Thelma bago iniabot sa kaniya ang isang makapal na puting sobre.

“Malaki ang utang namin sa inyo, Aling Ising. Hayaan niyo po kami na bumawi,” sabi naman ni Lani.

Nang silipin niya ang laman ng sobre ay nalula siya sa laki ng halaga. Sapat na iyon para makabili ng bagong makinang panahi!

Awtomatikong tumulo ang luha ni Ising. Binalot siya ng pag-asa at pasasalamat.

Sa huli, hindi man niya napagawa ang kaniyang lumang makina at nagkaroon naman siya ng isang bagong makina.

Labis ang saya ni Ising. Dahil pagmamahal at pagtanaw ang kaniyang mga kabaranggay ay patuloy niya pa rin na magagawa ang kaniyang pinakamamahal—ang pananahi.

Advertisement