Madamot ang Mag-asawa at Ni Hindi Mapakiusapang Mamigay ng Kakarampot; Ito ang Sinapit Nila
Anihan na naman.
Hitik na hitik ng bunga ang prutasan ng mag-asawang Delfin at Anita, kaya naman kay laki ng ngisi ng mag-asawa.
Planga-plagganang mga prutas ang nakalatag sa kanilang hardin. Tiyak na malaki na naman ang kikitain nila!
Napalingon si Anita nang may tumawag sa pangalan niya. Nalingunan niya ang batang si Buboy.
Sa damit nito ay may naipon itong ilang piraso ng mangga.
“Aling Anita, pwede na na sa akin na lang ang mga ito? Mga bagsak lang naman po ito, at dinampot ko. ‘Yung iba ay may biyak na…” katwiran pa nito.
Tumaas ang kilay niya bago sumagot.
“Hindi, hindi maari! Maari pang maibenta ‘yan sa murang halaga, kaya ‘wag mong kunin. Hala, ilagay mo ‘yan sa mga planggana,” mariing utos niya sa batang nakasimangot.
Bubulong-bulong na tumalikod ito at lumabas sa bakuran nila.
Nang hapon ding iyon ay nagtulong silang mag-asawa na dalhin sa pwesto nila sa palengke ang mga prutas.
Sa tantiya ni Anita, bago magdilim ay ubos na ang paninda nila. Tag-init na kasi at mabili ang mga prutas lalo pa’t madalas na prutas ang gamit ng karamihan sa paggawa ng iba’t-ibang klase ng malamig na inumin.
Hindi naman nabigo ang mag-asawa. Kadarating pa lang nila ay dinumog na ng mga mamimili ang kanilang mga paninda.
Halos isang oras din silang abala sa pagbebenta dahil panay ang pagdating ng bibili.
Nang bahagyang maubos ang mga namimili ay saka lamang nakapagpahinga kahit paano ang mag-asawa.
Pagod man ay ngiti sa labi nila, lalo pa’t malaki na ang kita nila, gayong kalahati pa lang ang nababawas sa tinda nila.
Habang walang bumibili ay naghiwa si Anita ng isang pakwan bilang merienda nilang mag-asawa.
Napangiti si Anita nang malasahan ang matamis na pakwan. Tiyak niya na hindi tatagal ay mauubos din ang tinda nilang pakwan.
Habang kumakain ay nagkukwektuhan ang mag-asawa.
Ngunit naudlot iyon nang dumating ang isang matandang babae na marusing ang ayos.
Nanghihingi ito ng pagkain.
“Pahingi naman ng ilang pirasong dalandan… Pamatid uhaw lang…” pakiusap ng matanda.
Inis na binalingan ni Anita ang matanda. Masangsang kasi ang amoy nito at hindi kaaya-aya ang itsura.
“Umalis ka sa pwesto namin, tanda! Sa iba ka humingi!” naiiritang taboy niya rito.
Ngunit hindi ito tuminag. Matiim lang ang tingin nito sa kanilang mag-asawa. Bukod pagpapaawa ay may nakita pa siya na emosyon sa matanda na hindi niya matukoy kung ano.
Umalis lang ito nang ambahan niya na babatuhin niya ito ng busal ng pakwan na kinain nilang mag-asawa.
Ngunit bago ito umalis ay may iniwan itong salita na sa hindi niya matukoy na dahilan ay nag-iwan ng kilabot sa kaniyang sistema.
“Ang sinumang madamot ay siyang pagkakaitan…”
Hindi naunawaan ni Anita ang matalinghagang salita ng matanda hanggang sa isa-isang bumalik ang mga kustomer na pinagbentahan nila ng prutas.
May iisang reklamo ang mga ito, pawang galit na galit.
“Ang sabi niyo, matamis ang prutas, bakit ganoon, puro mapakla!” reklamo ng isang lalaki, na sinegundahan ng lahat.
Hindi makapaniwala si Anita. Kilala niya ang mga tanim nilang mag-asawa kaya alam na alam niya ang kalidad ng mga prutas na tinda nila.
Wala sa loob na kinagatan niya ang pakwan na kinakain nilang mag-asawa. Halos masuka siya nang imbes na tamis ang pakla ang nangibabaw na lasa sa kaniyang dila.
Noon sumagi sa isip niya ang sinabi ng matandang pulubi.
“Ang sinumang madamot ay siyang pagkakaitan…”
Sa huli ay walang magawa ang mag-asawa kundi ang ibalik ang pera ng mga mamimili at kunin ang mga prutas.
Ang tindahan nila na kanina lang ay hitik sa mamimili ay nilangaw. Mukhang marami yatang nakarinig sa naging isyu ng paninda nila na wala nang nais bumili.
Nang sumapit ang gabi ay tuluyan na silang nawalan ng pag-asa na mabibili ang kanilang paninda. Ni singko ay wala siyang kinita.
Ngunit bago sila umuwi ay dumaan muna sila sa isang parke na pinamumugaran ng maraming pamilya na walang tirahan.
Napagtanto na kasi nilang mag-asawa ang dapat nilang gawin.
“Libreng prutas!” sigaw ni Delfin.
Agad silang dinumog ng tao. Ilang sandali lang ay ubos ang prutas.
Ilang sandali silang nanatili sa parke habang minamasdan ang mga namamasyal na nabahaginan ng libreng prutas.
Nagkatinginan ang ang mag-asawa nang marinig ang sinabi ng iilan.
“Salamat ho! Napakatamis at napakasarap ng prutas niyo. Nawa ay dumami pa ang pagpapala sa inyo, maraming salamat sa pamamahagi!”
Habang pauwi ay tahimik ang mag-asawa. Pawang iniisip ang misteryo na nangyari nang araw na iyon.
May mga nangyari man noong araw na iyon na kakaiba ay isang bagay ang natitiyak ng mag-asawa: pinaparusahan ang mga mayroong higit sa sapat, ngunit hindi marunong magbahagi sa iba.