Inday TrendingInday Trending
Maayos at Organisado ang Naging Kasal at Reception ng Bagong Mag-asawa; Sino Kaya ang Mahusay na Wedding Coordinator?

Maayos at Organisado ang Naging Kasal at Reception ng Bagong Mag-asawa; Sino Kaya ang Mahusay na Wedding Coordinator?

Kanina pang umaga abalang-abala si Lerma sa pagmamando ng pag-aayos ng venue ng reception para sa kaniyang kliyenteng ikinakasal na ngayon sa simbahan na sina Camille at Roger.

Nang nagsisimula na ang seremonya at makita niyang nasa maayos naman ang lahat, nagbilin na lamang siya sa kanang kamay na si Olga.

“Olga, ikaw na ang bahala rito ah? Text o tawagan mo ‘ko kapag nagka-aberya. Pupunta ako sa reception venue, tingnan ko kung okay na ro’n. Update mo ‘ko ah,” bilin ni Lerma sa assistant.

“Opo, Ma’am areglado po, ingat po kayo. Pero… sigurado po ba kayo na hindi na ninyo papanoorin ang palitan ng wedding vows ng ikinakasal?” tanong ni Olga.

May ilang segundong napatingin si Lerma sa mukha ni Olga. Tila nailang naman ito.

“Ay sorry po Ma’am, nagbibiro lang naman po ako…”

Hindi na ito inurirat pa ni Lerma. Agad siyang lumabas ng simbahan at nagtungo sa kaniyang kotse. Pumasok sa loob. Isinuksok ang susi. Binuksan. Marahang nagmaneho.

Pagdating sa reception venue, agad niyang sinulyapan ang lahat ng mga aspeto.

“Parang nakapaling yung litrato ng bride at groom, paki-ayos naman please…”

“Parang maalikabok pa ang sahig, puwede palinis pa ulit…”

“Okay na ba ang catering? Mamaya, initin ulit ‘yan ah, kasi may programa pa.”

“Plantsado na ba ang iskrip ng emcees? Tingnan ko nga ang huling draft…”

Talaga namang abalang-abala si Lerma sa pag-aasikaso. Ayaw niyang mapahiya sa kaniyang kliyente.

Maya-maya, tumawag na si Olga.

“Ma’am, tapos na po. Papunta na sila diyan,” timbre nito.

Sinabihan na niya ang lahat na maghanda na. Mabilis lang ang byahe mula simbahan patungo sa reception venue.

Ilang minuto nga at ang isang kotseng paparating ay nadagdagan ng dalawa, tatlo, apat… hanggang sa magsidatingan na nga ang mga panauhin, ang mga kaanak ng ikinasal, at ang mismong ikinasal.

Tinimbrehan niya ang mga emcee na magsimula na sa pagdaldal.

Habang isinasagawa na ang programa ay inaasikaso naman ni Lerma ang mga souvenir na ipamimigay. Cute na miniature na gitara at piano. Pareho kasing musikero ang mga ikinasal.

Habang sinusuri kung mainit na ba ang pagkain ng mga catering ay pinakikinggan ni Lerma ang pinagsasabi ng mga emcee upang malaman niya kung nasaan na bang bahagi ng programa ang mga nagaganap.

Maya-maya ay inihudyat na ng emcee ang pagpila ng lahat para sa pagkain. Syempre, hindi na kailangang pumila ng mga ikinasal at mga ninong at ninang dahil dudulutan na sila ng mga nakatalagang waiter, na kanina pa nakausap ni Lerma.

Sa wakas ay medyo nakahinga na nang maluwag si Lerma. Maayos naman ang lahat. Walang reklamo sa pagkain. Mukhang masaya naman ang mga panauhin, ang mga kaanak ng ikinasal.

Saka siya kumuha ng pagkain.

Nagtungo siya sa isang bakanteng mesa, sa bandang likuran, upang sumubo kahit paano. Ang huling laman yata ng sikmura niya ay matapang na kape kaninang paggising niya. Hindi naman kasi siya nag-aalmusal.

Maya-maya, nagulat na lamang siya nang may magsalita mula sa kaniyang likuran.

“L-Lerma…”

“R-Roger? Uy… bakit? May problema ba?” gulat na tanong ni Lerma kay Roger, ang ikinasal.

“Wala naman… gusto ko lang sanang magpasalamat. Napakahusay mong wedding coordinator. Magmula sa simbahan hanggang dito sa reception venue, talagang organisado. Wala akong masabi. Sulit na sulit ang bayad.”

“Wala ‘yun… trabaho lang…” wika ni Lerma. Hindi siya makatitig kay Roger.

“Sinong mag-aakala na ang wedding coordinator ko, siya palang dati kong nobya na una kong pinangakuan ng ganitong klaseng kasal?” wika ni Roger.

Hindi nakahuma si Lerma sa mga binitiwang pahayag ni Roger, ang dati niyang nobyo.

“A-Ano ka ba… tapos na ‘yun. Napatawad na natin ang isa’t isa. Nagkasala ka, nagkasala rin ako. Masyado akong naging magagalitin doon at subsob sa trabaho kaya naghanap ka ng iba… at siya nga ang misis mo ngayon. Pero okay na ‘yun, ano ka ba. Kaya ko tinanggap ang trabahong ito ay dahil nangangahulugang naka-move on na ako sa iyo,” pabirong sabi ni Lerma.

Natawan naman si Roger.

“Oh sige na, balik ka na ro’n at baka hanapin ka ng misis mo, pag-isipan pa tayo nang masama,” nakangiting sabi ni Lerma, “Saka kumakain ako oh.”

Tumango nang marahan si Roger at tumuloy na.

Sa wakas ay natapos na rin ang reception. Nakauwi na ang lahat. Naiwang nakatulala si Lerma habang nasa loob ng kaniyang sasakyan.

Napangiti siya.

Kinaya niyang asikasuhin ang lahat para sa kasal ng kaniyang dating nobyo, at sa misis nito ngayon, na siyang ipinagpalit sa kaniya, nang mag-away sila dahil nawawalan na siya ng oras dito.

May kaunting kurot sa kaniyang puso, hindi siya magpapakaipokrita.

Panghihinayang?

Paano kung siya ang ikinasal? Paano kung siya ang pinangakuan ng panghabambuhay na pagsasama?

Tama na Lerma, kasal na nga eh. Hindi ka nabubuhay sa pantasya. Hinaharap mo ang realidad, sigaw ng isipan niya.

Nakangiting pinaandar na ni Lerma ang kaniyang kotse at sumibad niya. Naalala niya, may date pala siya bukas sa kaniyang manliligaw na si Jerome.

Naniniwala siyang darating din ang lalaking nararapat para sa kaniya. Siya na mismo ang ikakasal…

Advertisement