Inday TrendingInday Trending
May Balak Na Masama ang Binatilyong Ito sa May-ari ng Isang Karinderya; Ngunit Hinandaan Pa Siya Nito ng Pagkain

May Balak Na Masama ang Binatilyong Ito sa May-ari ng Isang Karinderya; Ngunit Hinandaan Pa Siya Nito ng Pagkain

Kanina pa masama ang titig ni Atong sa maliit na karinderyang nasa tabi ng bangketa.

Tamang-tama sa balak niya. Nais niyang gamitin ang pagkakataong ito upang makulimbat ang anumang pinagbentahan nito. Madali lang naman para sa kaniya. Isang matandang lalaki ang may-ari nito, na sa palagay niya, hindi makakapalag kapag itinutok na niya rito ang paltik na kaniyang ginawa.

Walang permanenteng bahay si Atong. Matagal na siyang lagalag. May kaanak sana siya sa Gagalangin, Tondo, Maynila, ngunit masahol pa sa alagang aso ang turing sa kaniya. Kaunting pagkakamali, malakas na batok sa ulo ang iginagawad sa kaniya. Umidlip lamang siya sa tanghali upang magsiesta, katakot-takot na mura ang inaabot niya.

Kasalanan ito ng mga magulang niya na parehong iresponsable, nagtagpo, nag-anak, pero hindi naman nagawang mapanindigan. Lumaki siyang walang tiwala sa kapwa dahil paano siya magtitiwala sa ibang tao gayong sariiling mga kadugo niya, basura ang tingin sa kaniya?

Nang hindi na niya matiis ang mga batok ng kaniyang tiyuhin at pagmumura ng kaniyang tiyahin, minabuti niyang maglayas na lang. Lalo siyang nawalan ng tiwala sa kapwa dahil nakahalubilo niya ang iba’t ibang klaseng tao, lalo na ang mga kagaya niyang nagsilbing tahanan ang malawak na kalsada. Patibayan ng sikmura. Matira ang matibay.

Natuto ng mga masasamang gawain si Atong. Nakailang beses na siyang manalisi; hindi namalayan ng mga biktima niya na wala na pala ang mga pitaka nila.

Ilang beses na ba siyang nangupit nang hindi namamalayan ng kahera, sa kaha nito, sa isang maliit na tindahan sa looban ng palengke?

Sa kabila nito, hindi niya kayang manakit. Siguro, naaalala niya kung gaano kasakit mabatukan.

Mas masakit ang tusok ng patalim kaysa sa batok.

Ngayon, susubukan niyang kunin ang benta ng karinderya, pero pangako niya sa sarili, hinding-hindi siya mananakit.

Maliban kung nagkakagipitan na…

Dahan-dahan siyang lumapit sa karinderya. Paikot-ikot ang mga mata niya sa kaliwa’t kanan. Baka kasi may biglang dumating. Pero wala.

“Uy, iho, kakain ka ba? Halika, halika, ikaw ang aking unang customer para sa araw na ito,” nakangiting sabi ng matanda. “Pumili ka lamang ng putaheng nais mo. Gagawin ko na lamang kalahati ang bayad.”

Nagtaka naman si Atong sa sinabi ng matanda na siya ang kauna-unahang customer nito gayong malapit na itong magsara.

“Sige na, mamili ka na ng kakainin mo, bago ako umuwi at itabi ang mga paninda ko na hindi man lamang nabawasan maghapon” sabi ng matanda.

Mukhang masasarap nga ang pagkaing paninda ng matanda. Adobo, menudo, tinolang manok, at bopis ang mga putahe nito.

Dahil sa tagal magsalita ni Atong, ang matanda na mismo ang kusang sumandok sa bawat ulam kasama ang kaning bahaw.

“Halika, kumain ka na,” aya nito.

Naramdaman naman ni Atong ang pangangalam ng kaniyang sikmura.

Hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa.

Halos mahirinan siya sa paglantak ng masasarap na pagkaing inihain sa kaniya ng matanda. Kaagad naman siya nitong dinulutan ng isang basong tubig. Itinabi pa sa kaniya ang pitsel.

Hindi napigilan ni Atong ang pagdighay matapos niyang kumain.

“Mukhang gutom na gutom ka iho ah… mabuti na lamang din at nakakain ka. Hindi sayang ang pagod ko sa araw na ito,” nakangiting sabi ng matanda.

Naisip ni Atong, paano kaya siya magbabayad sa mga kinain niya? Wala siyang pera.

Naalala niya, hindi nga pala siya nagpunta roon para kumain. Kabaligtaran pa nga. Nais sana niyang holdapin ang matandang lalaki, subalit anong gagawin niya, gayong pinakitaan na siya ng kabutihan?

Tila nakahalata naman ang matandang lalaki.

“Okay lang iho, huwag mo nang bayaran ang mga kinain mo. Pasasalamat ko na iyan sa iyo dahil may nagtiwala sa akin, may nagtiwalang kainin ang mga putaheng inihanda ko,” sabi nito.

“Bakit ho?”

“Sinubukan ko lang namang magtinda… kita mo naman kung saan nakatirik ang karinderyang ito. Kaya lang, ano bang laban ko sa iba? Walang mag-iisip na malinis at masarap ang mga paninda ko,” malungkot ngunit nakangiting sabi ng matanda.

Umiling si Atong.

“Hindi ho, masarap po ang mga paninda ninyong ulam. Nabusog nga ho ako. Salamat ho sa panlilibre. Nakokonsensya po ako sa inyo.”

“Bakit naman? Oo nga pala, ako pala si Poldo. Bakit ka nakokonsensya?”

At ipinagtapat ni Atong ang talagang pakay niya kung bakit siya lumapit doon.

“Ako naman ang may ipagtatapat sa iyo. Natunugan na kita. Kanina pa kita nakikitang tila alumpihit sa paglapit dito. Taong lansangan din ako, Atong. Hindi ako manghuhula o wala akong salamangka pero nababasa ko ang takbo ng utak ng isang tao batay sa mga ikinikilos niya.”

Hindi nakakibo si Atong. Nagbaba siya ng kaniyang paningin. Hiyang-hiya siya kay Mang Poldo.

“Ang mabuti pa Atong, sumama ka na sa akin. Tulungan mo ako sa pagpapatakbo nitong karinderyang ito. Hindi pa rin ako sumusuko na balang araw, may makakapansin dinng customer na kakain dito. Hahatian kita sa anumang kikitain nito. Wala na rin naman akong kasama sa buhay,” alok ni Mang Poldo.

Pumayag naman dito si Atong.

Tamang-tama naman na nagsimula na ang konstruksyon ng isang gusali malapit sa pinagpupuwestuhan ng karinderya ni Mang Poldo. Ang mga naging customer ni Mang Poldo at Atong ay mga karpintero.

Hanggang sa nagtuloy-tuloy na ito. Anumang kita ng karinderya ay pinaghatian nilang dalawa. Nagsimulang mangarap si Atong hanggang sa turuan na rin siyang magluto ni Mang Poldo.

Masayang-masaya sina Mang Poldo at Atong na sa hindi sinasadyang pagkakataon, nakasumpong sila ng isang pamilya sa lansangan. Balang araw, ang karinderya nila ay magiging restaurant din. Parang mag-ama na ang turingan nila sa isa’t isa.

Pero sa ngayon, magsusumikap muna sila patungo sa bagong buhay na kanilang hinaharap nang magkasama.

Advertisement