Masasabing Guwapo Naman ang Binatang Ito Subalit Nilalayuan Siya ng mga Babae Kapag Kinakausap Na Niya; Anong Mali sa Kaniya?
Guwapo, matikas, matangkad, at magaling magdala ng damit.
Iyan ang mga katangian ni Arvin.
Bata pa lamang siya, sanay na siyang ma-nominate bilang eskorte ng kanilang klase. At noong nasa hayskul siya, lagi siyang kinukuha bilang kandidato para sa Mr. and Ms. United Nations, Mr. and Ms. Intramurals, o Mr. and Ms. Campus.
Hindi na rin mabilang sa daliri ang mga babaeng nagkainteres sa kaniya, subalit nagtataka siya kung bakit hindi sila nagtatagal sa kaniya.
Hanggang sa kolehiyo at makatapos siya ng pag-aaral, may mga babaeng nahuhumaling sa kaniya subalit kapag nakausap na siya, hindi na tumutuloy.
May problema ba sa kaniya?
Minsan, diretsahan niyang tinanong ang kaniyang kaibigang si Miguel tungkol dito.
“Mabait naman ako, galante… pero hindi ko talaga maintindihan ‘tol kung bakit hindi nagtatagal. Ano bang mali sa akin? Sabihin mo nga,” sabi ni Arvin.
“Tol, gusto mo ba talaga ng real talk?” tanong ni Miguel.
“Oo naman. Sige lang. Baka may nakikita sila sa akin na hindi ko nakikita. Para mabago ko naman.”
“Tol, hindi nakikita eh….”
“Ha? Hindi nakikita?” tanong ni Arvin.
“Oo. Naaamoy.”
Namutla si Arvin sa sinabi ni Miguel.
“Naaamoy? Tol, naglalagay ako ng deodorant kapag umaalis ako. Saka araw-araw ako naliligo.”
“Hindi naman ‘yan ang problema mo ‘tol. Siguro panahon na rin para… para kumonsulta ka sa isang dentista…”
Nanlamig si Arvin nang marinig ang salitang dentista. Ito ang kaniyang kinatatakutan. Hindi niya alam kung bakit takot na takot siyang makalikot ng dentista ang mga ngipin niya.
Naalala niya kasi noong nabubuhay pa ang tatay niya. Nakikipaglaban ito para sa kanilang karapatan ng mga manggagawa. Madalas siyang isama noon sa mga demonstrasyon.
Hinding-hindi niya malilimutan kung paano nasubsob ang tatay niya sa semento ng kuyugin ito ng mga hindi na niya naaalalang lalaki. Dugong-dugo ang bibig nito at nalagas ang mga ngipin.
Kaya siguro nakaramdam siya ng takot sa mga dentista dahil para pa niyang naririnig ang malalakas na hiyaw ng kaniyang ama nang ayusin ng dentista sa ospital ang mga ngipin nitong napudpod dahil sa malakas na pagkakangudngod sa semento.
“Tol, medyo may amoy kasi kapag nagsasalita ka. Baka kailangan mo nang ipakonsulta ang mga ngipin mo. Baka may nabubulok o may sira na. Kahit kasi anong sepilyo mo diyan o mouthwash, ganoon pa rin. Hindi ‘yan makukuha sa mint candy, ‘tol… kaya siguro nate-turn off sa iyo ang mga chikababes,” pag-amin ni Miguel.
Kaya pala napapansin ni Arvin na madalas ay nagtatakip ng ilong o kaya ay nangangamot ng ilong ang mga nakakausap niya.
Ngunit ni isa, wala pa namang nagreklamo sa kaniya tungkol dito.
Sabagay, sa realidad, medyo nakakahiya nga namang sabihin nang harapan sa isang tao ang kaniyang mga kapintasan. Kaya nga lamang niya nalaman ang tungkol dito ay dahil nakiusap siya kay Miguel, hindi ba?
“Sige ‘tol, susundin ko ang payo mo,” sabi ni Arvin.
“Importante tol ang pagkonsulta sa dentista. Mga dalawang beses nga sa isang taon, dapat nagpapalinis. Sayang ang gandang lalaki mo tol kung hindi mo maaayos ‘yan. Alam mo, may nakapagsabi sa akin na mas gusto ng mga babae ang mabango kaysa guwapo.”
Kaya naman, nang sumunod na mga araw ay naglakas-loob na nga si Arvin na ipakonsulta ang kaniyang mga ngipin sa isang dentista.
“Sir, may kailangan na po tayong ipasta na mga bagang. Kailangan na rin po nating linisin ang mga ngipin ninyo dahil tadtad na po ng tartar. Magaganda pa naman po sana ang mga ngipin ninyo. Agapan na po natin at huwag na sanang mabulok, kundi ay magpupustiso na po kayo,” sabi ng dentista.
Kahit na medyo may kamahalan at mabigat sa bulsa ay sinunod ni Arvin ang payoing medikal na sinabi sa kaniya ng dentista.
Pinapasta na niya ang mga bulok na ngipin.
Nagpalinis na rin siya.
Bukod doon, nagpaputi na rin siya ng ngipin o tinatawag na ‘whitening’.
Mas nakadagdag sa kaniyang tiwala sa sarili ang mas malinis na bibig at ngipin. Hindi rin siya nakalilimot na magsepilyo sa tuwing matatapos ang meal.
Pagkatapos niyon, napansin ni Arvin na hindi na siya nilalayuan ng mga babaeng kinakausap niya o nais niyang makilala.
Hanggang sa makatagpo siya ng isang babaeng mamahalin, at sa kauna-unahang pagkakataon, ay nagkaroon na siya ng nobya na hindi umiwas sa kaniya!
Napagtanto ni Arvin na bukod sa pagiging guwapo, matikas, at maganda ang pangangatawan, mahalaga rin na nilalangkapan ito ng kalinisan o maayos na hygiene.