Inday TrendingInday Trending
Kahit Walang-Wala Na Rin, Pinautang Pa Rin ng Ginang ang Kaniyang Kumare at Binigyan Pa Ito ng Bigas at Gulay; Makalipas ang Halos Isang Linggo, Muli Na Namang Itong Bumalik sa Kanila

Kahit Walang-Wala Na Rin, Pinautang Pa Rin ng Ginang ang Kaniyang Kumare at Binigyan Pa Ito ng Bigas at Gulay; Makalipas ang Halos Isang Linggo, Muli Na Namang Itong Bumalik sa Kanila

Napabuntung-hininga na lamang si Aling Mercy nang makita niya ang 200 piso sa kaniyang pitaka. Ito na lamang ang natitirang pera sa budget na iniwan sa kaniya ng mister na si Mang Herminio, na isang maestro karpintero. Sumasakit ang ulo ni Aling Mercy kung paano niya ito mapagkakasya sa kanilang pamilya. May tatlong anak sila.

Kung bigas ang pag-uusapan, wala namang problema. Sagana sila sa bigas. Tinitiyak ni Aling Mercy na laging puno ang sisidlan nila ng bigas. Katwiran niya, mawalan man ng ulam, mahalaga ay may kanin. Sanay silang umulam ng talbos ng kamote na isasawsaw sa bagoong isda na may suka, o kaya naman ay toyo-mantika, o mas malala pa, asin de sabog.

Pero silang mag-asawa, kahit ganito ang ulam ay solve na. Paano naman ang mga anak nila na maliliit pa?

Hindi naman siya makakapagtrabaho basta-basta para matulungan sana ang mister sa pagbabanat-buto. Walang magbabantay sa mga anak nila, at walang mag-aasikaso sa mga gawaing-bahay.

Maya-maya, mahihinang katok sa pinto ang nagpagising sa naglalakbay na diwa ni Aling Mercy.

Bumungad sa kaniya ang kaibigang si Aling Tonietta na nagmula pa sa kabilang barangay. Natunugan na niya kung bakit ito nagpunta sa kaniya. Uutang.

“Oh, Tonietta, napadalaw ka? Naistorbo mo tuloy ang pag-iisip ko kung paano ko mapagkakasya ang pera namin eh,” saad ni Aling Mercy. Inunahan na niya kaagad ang kaibigan para maramdaman nitong wala rin siyang pera.

“Naku, ganoon ba? Mare, maglalakas-loob na sana akong mangutang sa iyo. Walang-wala kasi talaga ako ngayon. Hindi pa kumakain ang mga anak ko. Hindi ko na alam kung anong gagawin ko. Ni bigas para sana mailugaw wala kami,” nangingilid ang luhang sabi ni Aling Tonietta.

Kahit na hindi pa nakakabayad si Aling Tonietta sa mga utang nito sa kaniya, tila hindi naman maaatim ni Aling Mercy na may mga taong nagugutom o ni walang makain kahit na bigas.

“Oh siya, halika mare, may 200 piso pa ako rito. 100 piso lamang ang maipapahiram ko sa iyo. Pero ganito na lang, bibigyan kita ng bigas, tapos pumitas ka ng mga pananim kong gulay sa likod-bahay para makapananghalian kayo ng mga anak mo,” wika ni Aling Mercy.

At agad na nga niyang inasikaso ang paglalagay sa plastik ng tatlong kilong bigas para sa kaibigan.

Bukod doon, binigyan din niya ito ng talbos ng kamote, ampalaya, talong, at sigarilyas na mga pananim niya.

Halos mangiyak-ngiyak si Aling Tonietta.

“Salamat, mare! Buti ka pa. Ang mga kamag-anak ko, halos ipagtabuyan na ako eh. Palaasa raw ako. Eh anong magagawa ko? Wala naman akong pinag-aralan. Wala rin naman akong maayos na trabaho. Pa-ekstra ekstra lang si Nanding. Mababayaran din kita sa mga utang ko, mare.”

“Huwag mo nang intindihin ‘yon, basta, bayaran mo na lang ako kapag nakaluwag-luwag ka na,” saad naman ni Aling Mercy.

Kahit na nabawasan ang kaniyang budget para sa bahay gayundin ang kanilang bigas, matiwasay na makakatulog sa gabi si Aling Mercy dahil alam niyang nakatulong siya sa kapwa.

Isa pa, sa toto lamang ay hindi na niya iniisip pa na mababayaran siya sa mahabang utang ng kaibigan. Naiisip niya, mas kawawa ang kalagayan nito kumpara sa kaniya, kaya ganoon na lamang ang pasasalamat niya sa Poong Maykapal.

Kung mababayaran siya nito sa takdang panahon na hindi niya alam kung kailan at kung mangyayari pa ba, eh ‘di mainam. Kung hindi naman, ayos lang. Tulong na lamang.

Makalipas ang anim na araw, humahangos na nagtungo sa kaniyang bahay si Aling Tonietta. Inakala niyang uutang na naman ito. Tamang-tama naman dahil sumahod na ang mister at nagbigay na ito ng intrega para sa bahay.

Ngunit laking-gulat niya sa magandang balitang hatid ng kaibigan.

“Mare, hindi ka maniniwala sa sasabihin ko, subalit nanalo kami ng milyones sa lotto! Tatlo kaming nanalo sa jackpot, pero ayos lang, malaki pa rin ang take home!”

At ipinagtapat ni Aling Toinette na nang araw na makautang siya kay Aling Mercy, sa labis na desperasyon sa kakulangan ng pera ay tumaya ito sa naraanang lotto outlet. Hindi naman niya akalaing masusungkit niya ang jackpot prize. 300 milyong piso ang jackpot prize kaya tig-100 milyong piso silang tatlo ng mga kapwa masuwerteng nanalo.

Nagulat si Aling Mercy nang abutan siya ng 5 milyong piso ni Aling Toinette bilang balato.

Bayad na bayad na ang mga utang nito, sobra pa!

“Masyado yatang malaki ito, Toinette…”

“Hindi… kung tutuusin ay kulang pa ‘yan sa lahat ng mga tulong at kabutihan na ipinakita mo sa akin, mare. Higit ka pa sa isang kadugo. Pasasalamat ko ‘yan sa iyo,” wika ni Aling Toinette.

Simula noon ay naging maganda na ang buhay pareho ng pamilya nina Aling Mercy at Aling Toinette. Alam na nila ang hirap ng buhay-mahirap kaya hindi na nila hinayaan pang makabalik sa lusak na kanilang kinalagyan. Ginawa nila ang lahat upang mapalago ang perang ipinagkaloob sa kanila.

Napatunayan ni Aling Mercy na ang kabutihan sa kapwa ay bumabalik din; siksik, liglig, at umaapaw!

Advertisement