Inday TrendingInday Trending
Trabaho ng Lalaking Ito na Gumawa ng mga Huwad na Social Media Accounts Upang Siraan ang Artistang Ito; Nagulat Siya sa Koneksyon Nito sa Kaniyang Kapatid

Trabaho ng Lalaking Ito na Gumawa ng mga Huwad na Social Media Accounts Upang Siraan ang Artistang Ito; Nagulat Siya sa Koneksyon Nito sa Kaniyang Kapatid

Matapos sumabak sa oryentasyon kung ano ang kailangang gawin, naghanda na si Carlito sa kaniyang gagawing trabaho.

Wala siyang ibang kailangan kundi laptop at malakas na internet connection.

Ay, hindi pa pala.

Kailangan niyang gumawa ng maraming-maraming-maraming-maraming account sa social media.

“Wala tayong gagawin kundi komentuhan nang masasakit ang social media post ni Minerva Garcia,” saad pa ng kaniyang kaibigang si Makmak na siyang nagpasok sa kaniya sa trabahong ito.

Si Minerva Garcia ay isang sikat na artista at pilantropo.

Wala raw silang gagawin kundi pintasan ito, gumawa ng mga nakakatawa at mapanirang memes tungkol dito, at gumawa ng mga huwad na impormasyon tungkol sa kaniya.

Sino ba ang nagpapagawa nito?

“Eh ‘di kung sino ang nasa isip mo,” sagot sa kaniya ni Makmak nang tanungin niya ito tungkol dito.

“Ang naiisip ko, ang dati niyang mister na si Erwin Lagmay. Siya ba?”

“Oo, siya nga. Basta huwag ka nang maraming tanong. Basta gawin lang natin ang trabaho natin. 24,000 ang bayad kada buwan, may internet allowance pa. Saan ka pa, ‘di ba? Pakuya-kuyakoy ka lang diyan. Puwede pa tayo makapaglaro ng ML,” sabi ni Makmak.

“Hindi ba masama ang gagawin natin? Naninira tayo ng kapwa…”

“Sus, hayaan mo sila. Mga artista sila. Isa pa, malalaki na sila at kaya na nila ang mga sarili nila.”

At iyon na nga ang ginawa nila. Nakabantay sila sa mga social media post ng aktres at agad nila itong tinatadtad ng masasamang komento upang masira ang magandang imahe nito sa social media.

Dahil mahusay sa digital arts si Carlito ay gumagawa rin siya ng mga memes at art cards na ginagawa niyang katatawanan si Minerva.

Ang tawag pala sa kanila ay ‘troll’.

Nang mag-usisa ang kaniyang inang si Aling Fely kung ano ang pinagkakaabalahan niya, sinabi niya na ito ay pagiging isang social media manager.

“Ah ganoon ba anak? Ang galing naman ng anak ko! Sige lang anak. Mas gusto ko naman na may katuturan ang pagbabad mo sa harapan ng laptop mo kaysa inuubos mo ang oras sa paglalaro ng mga online game na wala ka namang napapala,” wika ni Aling Fely.

Sa tuwing narereport naman ang kaniyang huwad na account ay kaagad niya itong dinedeactivate at gumagawa na naman siya ng panibago.

Minsan ay nakapanayam sa isang celebrity talk show si Minerva at nabanggit nito ang tungkol sa ‘troll farm’ na ginawa raw para sa kaniya.

“Gusto ko nga sanang malaman kung sino-sino ba ang mga ito. May araw din sila,” pagbabanta ni Minerva.

“Hindi nila alam kung gaano kabuti ang puso mo, Minerva. Kung alam lang nila na marami kang natutulungan,” wika ng talk show host.

“Ay alam mo Bhoy, wala naman akong hangad na babalik sa akin ang mga kabutihang naibigay ko na sa aking kapwa. Ang sa akin lang, huwag na sana akong siraan. Nagsasayang lang sila ng oras,” reaksyon at tugon naman ni Minerva.

Isang araw, nagkasakit ang kapatid ni Carlito. Nagkaroon ito ng ulcer. Agad itong dinala sa isanbg ospital.

Mabuti na lamang at may scholarship ang kapatid ni Carlito. Kasama sa benepisyo ang pagsagot sa mga usaping pangkalusugan, kung sakaling maoospital. Ganoon na lamang ang pasasalamat nila dahil hindi na nila kinailangan pang magbayad nang malaki sa gamutan.

“Salamat na lamang talaga at may scholarship ang kapatid mo. Kung hindi, naku, tiyak na mamomroblema tayo sa ibabayad pa lamang sa ospital,” saad ng kanilang inang si Aling Fely.

“Sino po ba ang isponsor ng scholarship ni Brenan?” tanong ni Carlito.

“Eh sino pa, kundi ang artista at pilantropong si Minerva Garcia!”

Napalunok na lamang si Carlito sa kaniyang narinig.

“Si Minerva Garcia?”

“Oo, siya nga. Naku, kaya nga nakakainis ang mga naninira sa kaniya ngayon sa social media. Kung alam lang nila kung gaano kabuti ang puso ng artistang iyan, mahihiya ang mga troll na ‘yan! Iyan ang pangit sa panahon ngayon eh. Lahat na lang puwede magkomento. Lahat na lang may masasabi. Lahat na lang may bahid-dungis!” pahayag ni Aling Fely.

Nang gabing iyon ay hindi nakatulog si Carlito. Hindi rin siya nagtrabaho. Hindi siya makapaniwala na ang taong sinisira niya, nila, ay siya palang nagpapaaral at tumutulong sa kaniyang kapatid.

Kaya naman, agad siyang nagbitiw sa kaniyang trabaho.

Bago niya burahin ang lahat ng mga huwad na account na ginawa niya ay lakas-loob muna siyang nagpadala ng mensahe sa account ni Minerva Garcia at humingi ng tawad dito. Nagbigay rin siya ng ilang impormasyon tungkol sa ‘troll farm’ na ginawa para sa kaniya, upang siya na ang gumawa ng hakbang kung paano ito matatapos.

Sa kaniyang pangungumbinsi ay nahikayat niya si Makmak na lisanin na rin ang trabahong iyon.

Kaagad silang naghanap ng trabaho na mas may dignidad. Mapalad namang nakapasok sila bilang call center agent para sa ticketing company ng isang paliparan.

Makalipas ang isang buwan, nabalitaan na lamang nila na nahuli na ang promotor ng pagkakaroon ng troll farm laban kay Minerva, kaya laking pasasalamat nila na nakaalis na sila roon at hindi na nadamay pa.

Advertisement