Inday TrendingInday Trending
Hindi Na Masaya ang Binatilyong Ito sa Kursong Kaniyang Inaaral; Bakit Kaya?

Hindi Na Masaya ang Binatilyong Ito sa Kursong Kaniyang Inaaral; Bakit Kaya?

Pabalagbag na hinagis ni Joe ang lapis na kanina pa niya ginagamit sa pagguhit ng mga plano na proyekto sa kanilang paaralan. Tumayo siya mula sa pagkakaupo sa kaniyang desk. Lumabas sa kanugnog na balkonahe sa kaniyang silid.

Tinanaw niya ang mga alagang kalapati ng kapitbahay na malayang lumilipad-lipad sa paligid. May ilang sumabit sa kable ng kuryente. May mga nanginain naman sa sahig.

Naisip ni Joe, parang masarap na maging ibon na lang. Walang iniintindi. Malaya pang nakakalipad-lipad. Noong bata pa siya, pangarap niyang magkaroon ng pakpak. Pakpak na kayang liparin ang himpapawid, makapunta sa ibang lugar, sa ibang bansa, sa ibang mundo… sa ibang kalawakan.

“Anak… magmeryenda ka muna.”

Naputol ang pagmumuni-muni ni Joe nang akyatin siya ng inang si Aling Judith upang bigyan siya ng kaniyang meryenda.

“Salamat, Ma…”

“Alam ko pagod ka na kakaaral mo kaya pinagdalhan na kita ng meryenda, alam mo na, dating gawi. Oo nga pala anak, mamaya tatawag ulit ang Papa mo ah. Mangungumusta ‘yun tungkol sa pag-aaral mo.”

Napalunok naman si Joe. Ang kaniyang Papa na walang ibang bukambibig kundi ang maging engineer siya.

“Ma… paano po kung…”

Napaharap si Aling Judith sa kaniyang anak. Mukhang nahulaan nito ang sasabihin ng anak.

“Napag-usapan na natin ito ‘di ba anak? Heto na naman tayo. Ang Papa mo, walang ibang pangarap sa iyo kundi ang makatapos ka ng pag-aaral at maging matagumpay na engineer ka. Hindi ba’t madalas ninyong mapagkuwentuhan noong bata ka pa na gusto mong gumawa ng mga gusali? Sabi mo pa nga, balang araw, hihigitan mo pa ang Eifel Tower. Posible iyon, anak, at naniniwala kami sa kakayahan mo…”

“Pero Ma… hindi na po ako masaya sa ginagawa ko. Gusto ko na pong mag-shift. Gusto ko pong magsulat ng mga kuwento. Iyon po ang gusto ko, Ma…”

“Itigil mo na ‘yan, Jose Carlo,” maya-maya ay nagpormal ang kaniyang Mama.

Alam na niyang seryoso na ito dahil tinawag na siya sa buong pangalan. Pinili na lamang niyang manahimik. Tila wala naman siyang magagawa kung makikipagtalo pa siya sa kaniyang ina.

Pero sa kaniyang ama, baka-sakali.

Kaya nang tumawag ito para kumustahin siya, muli na naman nitong inungkat ang tungkol sa kaniyang pagiging engineer. Si Mang Orly ay isang karpintero sa Dubai.

“Anak, todo-pagmamalaki ko rito sa mga kasamahan ko na ang kaisa-isang anak ko ay magiging mahusay na inhinyero balang araw,” nakangiting sabi ni Mang Orly. “Ikaw anak ang magbibigay-katuparan sa naudlot na pangarap ko na maging inhinyero.”

At marami pang sinabi ang kaniyang Papa na hindi na niya pinakinggan.

“Pa, balak ko po sanang mag-shift.”

Kitang-kita niyang natigalgal si Aling Judith sa kaniyang mga sinabi. Napahawak sa ulo. Nanlalaki ang mga mata.

“P-Parang humihina ang signal ng internet ko rito anak,” maang-maangan na sabi ng kaniyang Papa.

“Pa… ang sabi ko po, ayoko na. Hindi na po ako masaya. Gusto ko pong kumuha ng Malikhaing Pagsulat. Gusto ko pong maging manunulat.”

“Ano? Anong sinasabi mong gusto mong maging manunulat lang? Bubuhayin ka ba niyan? Saka isa pa, hindi ‘yan ang gusto ko para sa iyo. Paano na ang pangarap ko sa iyo na maging mahusay na inhinyero?” saad ni Mang Orly.

“Pa… paano naman po ang mga sarili kong pangarap? Pangarap ko po ba talaga ang gusto ninyo maabot ko, o pangarap ninyo na naudlot?”

Hindi nakapagsalita si Mang Orly, gayundin ang nakikinig na si Aling Judith. Napaiyak ang ina sa mga sinabi ng anak.

“Mag-uusap pa tayo, Joe. Hindi pa tayo tapos,” pinal na sabi ni Mang Orly at binitiwan na ang kabilang linya.

“Ma… hindi ko na po talaga kaya. Hindi po ako masaya sa ginagawa ko. Ayoko naman pong masayang ang pera ni Papa na alam kong pinaghihirapan niya sa ibang bansa,” emosyunal na sabi ni Joe.

“Anak… nakukuha ko naman ang punto mo. Huwag kang mag-alala, kakausapin ko ang Papa mo.”

Kaya nang muling tumawag ang kaniyang Papa, mas kalmado na ito. Nakangiti na rin ito.

“Patawarin mo ako anak. Tama ka at sang-ayon ako sa mga sinabi mo. Hindi ko dapat ipilit sa iyo ang isang bagay na hindi mo naman gusto. Kahit na anak kita, hindi ibig sabihin na gusto ko ay gusto mo na rin. Malaya ka nang gawin ang gusto mo at susuportahan ka namin ng Mama mo,” wika ni Mang Orly.

Hindi maunawaan ni Joe ang ligayang pumuno sa puso niya.

Hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa. Agad na siyang nag-shift ng kurso, mula sa pag-aaral ng Inhinyerya patungo sa talagang gusto niya—-ang Malikhaing Pagsulat.

Tuwing hapon, masayang tinitingnan at pinapanood ni Joe ang mga kalapati ng kanilang kapitbahay na malayang lumilipad-lipad sa himpapawid.

Para niyang nakikita ang sariling kasama nilang lumilipad-lipad, gamit ang sariling mga pakpak.

Advertisement