Inday TrendingInday Trending
Bagitong Abogado ang Binatang Ito at Kinakabahan na Siya sa Resulta ng Unang Kaso na Kaniyang Hinawakan: Llamado o Dehado ba ang Hatol sa Kliyente Niya?

Bagitong Abogado ang Binatang Ito at Kinakabahan na Siya sa Resulta ng Unang Kaso na Kaniyang Hinawakan: Llamado o Dehado ba ang Hatol sa Kliyente Niya?

Nakahanda na ang abogadong si Tristan, 24 na taong gulang, na magtutungo sa korte kung saan ihahayag na ang hatol sa kaso ng kaniyang kliyente. Tiniyak niyang guwapong-guwapo siya ng mga sandaling iyon.

Maayos niyang inilagay ang kurbata sa kaniyang leeg.

Sinuring maigi kung hapit ba at maayos ang bagsak ng kaniyang amerikana. Turo iyon ng Papa niya. Dapat, bago humarap sa mga tao, presentable. Iyon kasi ang unang huhusgahan.

At kung maayos ang damit, mahalaga ring makintab at malinis ang mga sapatos.

“Anak, tatandaan mo, mga sapatos natin ang tumutulong sa atin para mas maipakita nating nakatindig tayo. Sa korte, kahit magpalakad-lakad ka pa sa harapan, ayos lang, basta malinis ang sapatos mo. Tatandaan mo ‘yan,” laging paalala ng kaniyang Papa.

“Opo, Papa, tatandaan ko po ang mga bagay na ito,” pagsang-ayon naman ni Tristan.

Matapos magwisik ng pabango sa magkabilang likod ng mga tenga, pulsuhan, at balikat, lumabas na ng kaniyang kuwarto si Tristan. Binagtas niyang pababa ang hagdanan. Tanaw na kaagad ang sala at komedor. Abala ang kaniyang Mama sa paghahanda ng pagkain sa hapag.

“Tristan, anak, halika’t kumain ka na muna,” alok ng kaniyang Mama.

Pansin niya, wala na ang Papa niya. Baka umalis na ito.

Gaya ng nakagawian, mga paborito nila ng Papa niya ang inihanda nito. Sinangag na malutong pero hindi gaanong mamantika, longganisang Vigan, piniritong itlog, at syempre, hindi mawawala ang paborito niyang kape. Kung kakagatin siya ng bampira ngayon, malalaman nitong kape ang dumadaloy sa mga ugat niya.

Syempre, mana niya sa Papa niya. Mahilig din itong uminom ng kape. Ganoon nga kaya kapag propesyunal?

“Goodluck sa unang kaso mo anak… kung anoman ang resulta, lagi mong tatandaan ang mga payo ng Papa mo,” nakangiting sabi ng Mama niya habang pinagmamasdan siyang kumain. Sinisimsim nito ang isang tasa na may tsaa.

“Sa totoo lang po, kabado ako… umaasam ako na manalo kasi unang beses ko ito bilang isang legal counsel, pero sabi nga ni Papa, sa isang labanan, may nananalo at may natatalo. Kung mananalo po ang kampo namin, mabuti po… pero kung hindi naman po Ma, ayos lang po siguro. Magaling po ang legal counsel sa kabila,” nakangiting sabi ni Tristan.

Hindi naman sumagot ang Mama niya, ngunit ngumiti lamang ito at tumango-tango.

Matapos ang pag-aalmusal, humalik na si Tristan sa pisngi ng kaniyang ina. Sumakay na sa sariling kotse. Nagmaneho. Mga 45 minuto lamang ay nakarating na siya.

Pumasok na siya sa loob ng court room. Agad siyang nagtungo sa panig ng kaniyang kliyente. May hawak na rosaryo ang ina ng akusado, tahimik na nagdarasal. Nakayuko naman ang akusado. Malungkot ang mga mata nitong sumulyap sa kaniya.

“Attorney, paano kung matalo tayo?” nanginginig ang boses na tanong ng akusado.

“Puwede tayong umapila. Huwag kang mag-alala,” saad ni Tristan.

Ngunit sa totoo lamang, kung lalabas sa pagiging abogado si Tristan, mas nanaisin niyang makulong ito. Batay kasi sa mga pag-amin nito, totoong may kasalanan ito. Ginalaw nga nito ang sariling pamangkin.

Ngunit abogado siya. Trabaho niyang ipagtanggol ang kahit na sinomang magnanais at kumuha ng kaniyang serbisyo. Napatingin siya sa kalabang abogado, may edad na, at masasabing matagal na sa larangan na kaniyang kinabibilangan. May matapang at kakaiba itong awra na marahil ay hinulma na ng panahon. Napasulyap din ito sa kaniya. Nagtama ang mga paningin nila.

Si Tristan ang unang nagbawi ng tingin. Aminado niya, napakagaling nito. Hanga siya sa giting at tikas nito kapag nagbabatuhan na sila ng argumento. Kaya mas lalo siyang kinakabahan.

Maya-maya, ipinukpok na ng hukom ang hawak na ‘martilyo’. Nagtungo na rin sa gitna ang tagabasa ng hatol.

Habang nagbabasa ito, panay ang sulyap ni Tristan sa kalabang matandang abogado. Seryosong-seryoso ang mukha nito. Nakakatakot. Gustong purihin ni Tristan ang kaniyang sarili dahil ang isang gaya niyang bagito, nabigyang-pagkakataong makasagupa sa korte ang isang matapang at batikang abogado na marami nang naipanalong kaso.

Napapikit na lamang si Tristan nang marinig ang salitang ‘Guilty!’ bilang hatol sa kaniyang kliyente. Bilang isang karaniwang tao, napausal pa siya na ‘Salamat sa Diyos!’ dahil alam niyang nanaig ang nararapat na katarungan para sa biktima nito.

“Hayaan ninyo, aapila tayo,” saad naman ni Tristan sa pamilya, bilang isang abogado.

At bilang isang propesyunal, lumapit si Tristan sa kalabang abogado. Muli silang nagkatitigan. Nagsalubong ang mga mata nila. Inilahad ni Tristan ang kanang kamay.

“Congrats, pañero,” pagbati ni Tristan sa kalabang abogado.

“Salamat, pañero, you did a good job naman. Pero that’s not enough sa kalibre ko,” biro ng matandang abogado sabay kindat sa kaniya.

“Alam ko naman po iyon, pañero. Pero sa basketball, mas lamang ako…” bulong ni Tristan.

“Uwi na tayo… nagluto raw ang Mama mo ng tinola, paborito natin,” bulong ng matandang abogado kay Tristan.

Ngumiti naman si Tristan.

Sa hapag-kainan, maganang ikinuwento ni Tristan kung ano-ano ang mga natutuhan niya sa nakalabang abogado sa unang kasong nahawakan niya, na walang iba kundi ang kaniyang Papa.

Sa mga susunod na kaso, alam na niya ang gagawin. Hindi na siya matatalo, dahil natuto na siya sa pinakamahusay.

Advertisement