Nalaman ng Misis na Ito na May Kabit ang Kaniyang Mister; Sa Halip na Magalit, Pinatuloy at Pinatira Pa Niya Ito sa Sariling Bahay
“Pasok, huwag kang mahiya.”
Nakatanga lamang si Judith kay Maraiah na siya pang may hawak sa kaniyang maleta.
“S-Sigurado ka ba…”
“Oo, sigurado ako… halika na. Gusto mo bang ako pa ang kumaladkad sa iyo papasok ng bahay? Ayoko namang mangyari ‘yon ‘di ba? Ayokong gumawa ng eksena,” kikay at nakangiti pang sabi ni Maraiah.
Kaagad na pumasok si Judith at dumiretso sa sofa.
Hindi ito ang inaasahan niyang magiging eksena ng kuwentong ‘kabitan’ nila.
Akala niya, sasampalin, sasabunutan, mumurahin, bubuntalin, at ipapahiya siya ni Maraiah, ang legal na misis ng kaniyang nobyong si Arnold, pero simula nang magkaharap sila, hindi pa sila nagpalitan man lamang ng maaanghang na salita.
Aaminin niya, ginusto niya talaga ang pakikipagrelasyon kay Arnold na nakilala niya sa trabaho. Kahit alam niyang may asawa na ito, ayos lamang para sa kaniya.
Hindi naman niya intensyon na iwanan nito ang sariling pamilya at sumama sa kaniya. Dumarating lang talaga ang mga pagkakataong may mga bagay na hinahanap-hanap niya na natutugunan ng isang lalaki.
Kay Arnold.
Nagkataon lang na may asawa na ito.
Pero nagulat siya nang malaman ng misis ni Arnold ang tungkol sa kanilang relasyon. Hindi niya alam kung paano nangyari iyon. Basta’t isang araw, bigla na lamang itong nagtungo sa kanilang trabaho. Mabuti na lamang at pareho silang abala ni Arnold ng mga sandaling iyon kaya hindi sila magkasama. Hindi naman nag-eskandalo si Maraiah.
Ngunit nagulat siya sa sinabi nito sa kaniya.
“Doon ka matulog sa amin. Sumama ka sa amin sa bahay. Doon ka tumira. Kung hindi, saka ako mag-eeskandalo.”
Kaya narito siya sa bahay ngayon ng mag-asawa.
Maya-maya ay tinawag na siya ni Mariah. Nakahain na pala ito nang hindi niya namamalayan. Malayo na pala ang nalakbay ng kaniyang diwa.
“Halika, kumain na tayo.”
Bantulot na tumayo si Judith mula sa kaniyang pagkakaupo. Nawe-weirduhan siya sa mga nangyayari. Si Arnold, nakatungo naman at nagsisimula na sa kaniyang pagkain.
Marahang naupo si Judith sa hapag.
Nakabibinging katahimikan. Banayad ang kilos ng bawat isa. Tanging kalatog ng mga kubyertos ang maririnig sa pagpipingkian ng kutsara, tinidor, at pinggan.
Nang matapos silang kumain, nagprisinta si Judith na siya na lamang ang maghuhugas ng mga pinagkainan at pinaglutuan.
Matapos ang paghuhugas ng mga pinagkainan, ang iniisip ni Judith ngayon ay kung saan siya matutulog.
Sabagay, malaki-laki naman ang sofa. Doon na lang.
“Oo nga pala, Judith. Doon ka matutulog sa kuwarto namin ni Arnold. Tabi kayo,” tila nahulaan ni Mariah ang nasa isip ni Judith.
Natameme naman si Judith.
Seryoso ba ‘tong babaeng ito?
Ngayon lang siya nakakita ng isang legal na misis na pinatitira ang kabit sa mismong bahay nito kasama ang mister.
At pinatutulog pa siya sa kuwarto nito kasama si Arnold?
Si Judith na mismo ang nakaramdam ng hiya.
“M-Mariah, I think that’s too much. P-Puwede naman ako siguro dito sa sofa…”
“Ay hindi. Doon ka na sa kuwarto. Nag-usap na kami ni Arnold at pumayag na siya. Ano ka ba naman. Ito na nga ang tsansa ninyong magkasarilinan, at take note, may pag-apruba ko pa ‘di ba?” nakangiting sabi ni Mariah.
“H-Hindi, nakakahiya na…”
“Nakakahiya? So alam mo na ngayon ang pakiramdam ng hiya?”
Natigilan si Judith.
Saka niya napagtanto na nahulog siya sa patibong ni Mariah.
“A-Alam mo ba Judith kung bakit hindi ako nag-eskandalo nang malaman kong may ibang babae si Arnold? Kasi ayokong matulad sa mga legal na misis na nagwawala dahil may… may… may kabit ang mga mister nila,” at dito na nagsimulang mabasag ang tinig ni Mariah.
Lumabas naman si Arnold mula sa kuwarto, tumanaw mula sa ikalawang palapag.
“B-Bakit mo ito ginagawa, M-Mariah… bakit dito mo ko pinapatulog, bakit mo ko pinapunta rito…”
“Dahil gusto kong malaman kung ano ba ang nagustuhan sa’yo ni Arnold. Gusto kong malaman kung anong meron sa’yo para ipagpalit ako. Anong kulang sa akin? Anong kamahal-mahal sa’yo.”
“M-Mariah… wala akong intensyong manira ng pamilya, alam ni Arnold ‘yan. Huwag kang mag-alala, ako na mismo ang kusang lalayo. Patawarin mo ako,” sinserong paghingi ng tawad ni Judith.
“Hindi ka aalis, Judith. Ayos lang naman ako na dalawa tayo rito sa bahay. Pero, bakit hindi natin tanungin si Arnold?” at bumaling ito sa mister.
“Mamili ka sa aming dalawa ngayon, Arnold. Hindi na kita pahihirapan pa. Pakatitigan mo kaming dalawa. Magkasama na kami ngayon sa harapan mo. Sino ang pinipili mo, siya… o ako?” pigil ang mga luhang tanong ni Mariah.
At nagdesisyon na si Arnold…
“Ma’am, anything you want po?”
Naputol ang pagmumuni-muni ni Judith sa tanong ng flight attendant. Nasa loob siya ng eroplano, patungong Canada. Matipid na ngumiti si Judith at umiling-iling. Magalang namang nagpaalam ang flight attendant at nagtungo sa upuan ng iba pang mga pasahero.
Patungo na ngayon sa Canada si Judith. Tinanggap niya ang alok na posisyon sa kaniya ng kumpanya upang maging branch manager.
Doon siya magbabagong-buhay. Malayo kay Arnold. Pinili nito si Mariah, ang legal na asawa. Bagay na maluwag niyang tinatanggap.
Totoo ang mga sinabi niya kay Mariah na hindi at wala siyang intensyong manira ng pamilya.
At kung nagkamali at natalisod man siya ng isang beses, naniniwala siyang may pagkakataon pa siya upang ituwid ang lahat.
Samantala, nagkapatawaran naman sina Arnold at Mariah, Kinalimutan nila ang mga bangungot sa kanilang relasyon, at muli silang nagsimula, kasama ng kanilang mga anak.