Dahil sa Kagustuhang Kuminis ay Kung Ano-ano ang Ipinapahid ng Dalaga sa Kaniyang Balat; Isang Produkto ang Talagang Nakapagpabago ng Kaniyang Itsura

“Ano na naman ‘yang inilalagay mo sa mukha mo, Carmela?” sita ng ina ng dalaga na si Aling Ditas.

“Wala po ito, ‘nay! E, ang sabi kasi sa magazine na nabasa ko, nakakaganda daw ng balat itong cream na binili ko,” tugon ni Carmela.

“Kung anu-anong mga inilalagay mo sa balat mo at sa mukha mo, Carmela. Baka mamaya ay kung mapaano ka niyan. Nauubos pa ang ipon mo dahil lang sa mga iyan. Bakit kasi hindi ka na lamang makuntento sa kung ano ang itsura mo? Hindi ka ba nagagandahan sa iyong sarili?” pagtataka ng ina.

“Hindi naman kasi ako kaputian, ‘nay! Saka tignan niyo itong mukha ko madaming taghiyawat. Kailan pa ‘to maaalis? Bakit kasi hindi ako pinagpala tulad ng ibang babae d’yan na makinis at maputi?” nalulumbay na tugon ng dalaga.

Bata pa lamang kasi si Carmela ay tampulan na ito ng tukso dahil sa hindi ito kaputian. May itsura naman ang dalaga ngunit malaki ang inggit na nararamdaman niya sa kaniyang kapwa babae na mayroong magandang balat at makinis at malasutlang mukha. 

Maraming pagkakataon nga na dahil sa mga taghiyawat niya sa mukha ay tinutukso siya ng kaniyang mga kaklase. Maging ang kaisa-isa niyang crush ay napansin na rin ito kaya lahat ay ginagawa niya upang kuminis ang kaniyang mukha. Kahit pa ito ay paggamit ng mga kung anu-anong inilalagay sa balat.

“May bago ka na namang sinusubukan sa mukha mo?” sambit ni Aling Ditas. “Carmela, sinasabi ko sa iyo, baka mamaya ay peke ‘yang mga binibili mo at lalo pang makasira sa mukha mo. Pabayaan mo na lang ang mga taghiyawat na iyan. Ang gawin mo ay panatilihin mong malinis ang mga kamay at mukha mo nang sa gayon ay hindi ka taghiyawatin,” payo pa ng ina. 

“Narinig ko kasi sa mga kaklase ko ‘nay na epektib daw ang sabon na ito. Mura lang naman kaya susubukan ko na. Wala rin namang nangyari sa kanila kaya sa tingin ko ay epektibo din ito sa akin,” tugon ng dalaga.

Advertisement

“Iba-iba ang balat ng tao, anak. Nag-aalala ako sa iyo sa mga ipinapahid at inilalagay mo sa mukha mo. Tigilan mo na ang mga ‘yan, anak. Baka kung mapaano ka pa!” paninita ng ina.

Ngunit kahit anong pigil ni Aling Ditas sa kanyang anak ay hindi nito magawang tigilan na pakialaman ang kanyang mukha. Lahat ng marinig niyang pampaganda ay nais niyang subukan. Hindi siya natatakot kahit na alam niyang maaaring mabili niya ay tunay o peke. Basta para sa kaniya ay hiyangan lamang ang lahat.

Hanggang sa isang kaibigan ang nagrekomenda sa kaniya ng isang sabong pampaganda.

“May kamahalan ng kaunti ang produktong ito, Carmela. Kasi hindi lamang sabon ang kailangan mong bilhin kung hindi ang isang set na kasama pa nito. Kailan kumpleto para makuha mo talaga ang gandang inaasam mo,” sambit ng babae.

Agad na nag-ipon ng pera ang dalaga upang makabili ng mga sinasabing produkto. Nakita niya kasi kung gaano kakinis at kaputi ang mukha at balat ng nasabing kaibigan. Halos hindi na kumain sa paaralan si Carmela upang mas mabilis na makaipon. Lahat ng pagtitipid ay kaniyang ginawa upang makasabay lamang sa uso.

Hindi rin nagtagal ay nabili na niya ang mga nasabing pampaganda. Agad niya itong sinubukan nang hindi man lamang kumukunsulta sa eksperto o maging sa kaniyang ina. Sa una ay talagang pakiramdam ni Carmela ay gumaganda at kumikinis ang kaniyang mukha. Kaya patuloy siya sa pagbili at paggamit nito. 

Hanggang sa isang araw ay napansin na lamang niyang nagbabalat ang kaniyang mukha at unti-unti itong humahapdi.

“Talagang ganyan ang epekto niyan. Pagkatapos niyan ay makukuha mo na ang talagang nais mo. Ipagpatuloy mo lang ang paggamit,” saad ng babae kay Carmela. Kaya ganito ang kaniyang ginawa.

Advertisement

Ngunit sa pagtagal ng panahon ay lalo niyang nakikita ang pagbabago ng kaniyang mukha at balat. Unti-unti itong nasusunog at nagkakasugat. Hindi na maipaliwanag ni Carmela ang nangyayari at napansin na rin ito ni Aling Ditas. Kaya ang kawawang si Carmela ay dinala sa espesiyalista upang mapasuri. 

Doon nakita ng espesyalista na peke pala ang mga ginagamit na produkto ni Carmela. May mga sangkap ito na hindi maaaring gamitin sa balat. Ang dating taghiyawatin lamang na mukha ni Carmela’y ngayo’y sugat sugat na at maraming kumplikasyon na kinakaharap.

“May mga bukol pa po sa ibang parte ng mukha, ginang. Kailangan mo itong maoperahan sa lalong madaling panahon kung hindi po ay maaaring malagay sa panganib ang buhay ng inyong anak,” saad ng doktor. 

Hindi makapaniwala si Aling Ditas at Carmela sa kanilang narinig mula sa doktor. Ganito na pala kalala ang pinagdadaanan ng dalaga.

“Minsan sa pagnanais nating magkaroon ng magandang mukha ay nakakalimutan natin na kumonsulta muna sa mga espesiyalista. Hindi lahat ng produktong nangangako sa iyo ng pampaganda ay magiging positibo ang epekto sa’yo,” sambit muli ng doktor. 

“Saka sa lubusan nating pagnanais na magkaroon ng kagandahang pisikal, nawawala na ang pagtanggap natin sa ating sarili. At nawawala na rin ang pagpapahalaga natin sa tunay na kagandahan na mayroon tayo, ang ating panloob na kagandahan,” saad pa nito.

Sising sisi si Carmela kung bakit sa una pa lamang ay hindi na siya nakinig sa kaniyang ina na makuntento sa kung ano ang ibinigay sa kaniya. Sa kaniyang pagnanais na gumanda ay kapahamakan pa ang idinulot nito.

Lalong hindi makatingin ngayon si Carmela sa salamin sapagkat bakas sa kaniyang mukha ang pait na dinulot ng kaniyang masyadong pag-aasam. Naging peklat sa kaniyang mukha ang lahat ng sugat na naidulot ng produktong pinaniwalaan niyang makakapagpaganda sa kaniya.