Hindi Nawalan ng Pag-asa ang Babae na Gagaling pa ang Kaniyang Anak sa Kabila ng Taning nito; Susi Pa Pala Ito sa Pagbuo ng Kanilang Pamilya

Mga karayom na nakatusok sa parehong maliliit na kamay. Mga binting halos hindi maigalaw. Mumunting katawan na tinutubuan ng mga pasa. Matang puno ng pinaghalong kirot at pag-asa.

Iyan ang mga nasisilayan ng ina na si Jenny sa kaniyang sampung taong gulang na anak na lalaki na si Bri. Simula sanggol pa lamang ito ay labas pasok na sila ng ospital. Hanggang sa umedad ito ng pitong taon, doon na sila inamin ng doktor na may malalang karamdaman sa dugo ang bata at nalalabi na lamang ang mga oras at panahon nito.

Bilang isang ina, hindi iyon matanggap ni Jenny. Kung kaya naman, hindi niya sinusukuan ang kaniyang nag-iisang anak.

“Panginoon, hindi ko po makakayang mawala si Bri sa akin… Huwag muna po… Parang awa niyo na po…” ang palagiang dasal ni Jenny tuwing gabi.

Isang katirikan ng araw, habang namimili ng mga pagkain at gamit si Jenny, biglang may tumawag sa kaniya na nagpakaba ng kaniyang dibdib at nagpaiyak sa kaniya nang husto. Tumawag kasi ang ospital at sinabing lumalala daw ang mga pasa at sintomas ng bata. Kung ipagpapatuloy pa ang mga gamutan, ay maaaring mas umiksi pa ang buhay ng bata.

Tumigil ang mundo ni Jenny nang makita ang kaniyang pinakamamahal na anak habang siya’y nakasilip sa bintana ng ICU kung saan naroon si Bri. Hindi nila ito malagyan ng tubo dahil nagkaroon na rin ng komplikasyon sa ibang parte ng katawan nito. Patuloy ang pagluha ng ina na nasa labas lamang. Ganoon din ang kaniyang pagkapit sa pag-asang mapasaya pa nang mas matagal ang kaniyang anak.

Muli niyang naalala ang huling nais ni Bri. Ang makita at makilala ang kaniyang tunay na ama. Hindi na kasi iyon nakilala ni Bri dahil nang mabuntis siya, inilayo na siya ng kaniyang mga magulang at dinala siya sa Maynila.

Habang nakatingin sa kawalan, pinunasan ni Jenny ang kaniyang luha at nagpunta sa banyo. Huminga siya nang malalim at pinapatag ang kalooban.

Advertisement

“Kaya ko ‘to… Kaya…” pag-aalo ni Jenny sa kaniyang sarili. Hindi naman iyon unang beses lamang nangyari.

Maya maya’y tinawagan ni Jenny ang kaniyang matalik na kaibigan upang magbantay kay Bri. Kung ito man ang huling hiling ng kaniyang anak, bakit pa niya ito ipagkakait pa na magkakilala sila ng kaniyang tunay na ama.

Hindi nagtagal ay lumuwas na si Jenny sa kanilang probinsya. Marami ang bumati sa kaniya ngunit hindi naman iyon ang pinunta niya roon. Hinahanap niya ang dati niyang nobyo na si Rex. Nang puntahan niya ang bahay nito, sawi siyang matagpuan ang lalaki. Mukhang hindi niya matutupad ang kahilingan ng kaniyang anak. Muling bumagsak ang kalooban ni Jenny at nawalan ng pag-asa. Naglakad siya ng dahan-dahan habang patuloy na lumuluha.

“Uy! Jenny! Ikaw ba ‘yan?” isang tinig ng babae ang kaniyang narinig sa ‘di kalayuan. Nang lingunin niya kung saan nanggagaling ang tinig, napakunot siya dahil hindi niya makilala kung sino iyon.

“Ako to? Day!” hiyaw ng babaeng ito.

Maya-maya’y nagbago ang emosyon ng dalawa at naghiyawan. Ito pala ay ang kaniyang matalik na kaibigan simula noong siya ay nasa elementarya pa lamang.

Nagkwentuhan ang dalawa na para bang walang bukas. Noong una’y masaya pa nilang inaalala ang mga nakaraan. Subalit ng mapunta ang usapan sa buhay ni Jenny, hindi niya mapigil ang luha para sa kaniyang anak na si Bri. At nang mabanggit niya ang tungkol kay Rex, nabuhayan siya ng loob matapos sabihin ng kaniyang kaibigan ang bagong tirahan ng lalaki na lumipat na pala sa Maynila.

Magkahalong saya at lungkot pa rin ang nararamdaman ni Jenny nang mga oras na iyon matapos siyang magpaalam sa kaniyang kaibigan.

Advertisement

“Magiging okay din ang lahat, Jen. Kaya mo ‘yan! Ikaw pa ba?” mga huling salitang binitawan ng kaniyang kaibigan na nagpalubag loob sa kaniyang mabigat na dinadala.

Maraming mga tumakbo sa isipan ni Jenny habang nagmamaneho papunta sa address na binigay ng kaniyang kaibigan upang kitain ang dating nobyo. Ano nga ba ang sasabihin nito sa kaniya. Kung may pamilya na din ba ito. Kung matatanggap ba iyon ng lalaki.

Nang marating ang eksaktong address, namangha siya nang makita ang napakalaki, maganda at magagarang sasakyan sa tapat nito. Huminga siya nang malalim at akmang lalabas na sana ng sasakyan. Subalit bigla siyang napahinto nang makita ang papalabas na sasakyan at isang magandang babae na wari’y nagpapaalam.

Muli siyang napaisip. Malamang ay asawa iyon ng lalaki. Ayaw niya ng anumang gulo at ayaw rin niyang magmukhang desperada. Ibinaling niya ang atensyon sa kaniyang sarili at muling nagmaneho pabalik sa ospital.

Habang nasa kalsada, nakita niya ang litrato na nakasabit sa bandang salamin ng kaniyang sasakyan. Ang mga malalaking ngiti ng kaniyang anak na nagbibigay saya at buhay sa kaniya. Ilang minuto lamang, tumawag siya sa kaniyang kaibigan upang makausap ang anak.

“Hello, baby? Si mama ito…” mahina niyang wika.

“Mama! Mama! Sabi ni Tita Cess pupunta na daw po kayo dito ni papa? Excited na po ako mama sobra! Okay lang po ako. Tinanggal na po nila lahat ng nakakabit sa akin at nilipat na po nila ako sa isang kwarto na wala na po yung mga bad na nurses. Ibig sabihin po bumubuti na ang lagay ko!” masayang balita at tinig ni Bri sa kaniyang ina na hindi mapigil ang luha.

“Ibigay mo muna kay Tita Cess ulit baby. Kakausapin ko lang siya ha? Pahinga ka muna. See you in a bit, baby. I love you.” Tugon naman ni Jenny sa anak.

Advertisement

Tinigil ni Jenny ang sasakyan sa sobrang bigat ng kaniyang nararamdaman. Hindi dahil bumubuti na si Bri kaya tinanggal na ang lahat ng gamot sa kaniya, kundi dahil hindi na ito tinatanggap pa ng katawan ng bata. Ang balitang ito ang nagbigay ng lakas ng loob kay Jenny upang muling bumalik sa bahay nila Rex at tuparin ang huling kahilingan ni Bri.

Akma sana siyang pipindutin ang door bell nang may dumating na isang babae sa kaniyang likod. Muli siyang nabalot ng hiya ngunit kinausap pa rin niya iyon. Kung ano anong dahilan ang kaniyang sinabi at maya maya pa’y lumabas ang kapatid ni Rex. Ang babae pala’y asawa ng kapatid ni Rex.

Nakilala siya ng kapatid nito at tinawag ang lalaki. Ilang sandali pa, muling nagkaharap si Rex at si Jenny. Hindi malaman ni Jenny ang kaniyang nararamdaman. Halong tuwa at sakit dahil magkamukhang magkamukha ang lalaki at ang kaniyang anak.

Nang malaman ni Rex ang katotohanan tungkol sa kaniyang anak, hindi na sila nagsayang ng oras pa. Sabay silang tumungo sa ospital upang puntahan ang kanilang anak.

“Hindi nagbago ang nararamdaman ko para sa’yo, Jenny…” naiiyak na wika ng lalaki kay Jenny.

Hindi rin nagtagal, nagkita na rin si Bri at ang kaniyang tunay na ama. Walang pagsidlan ang saying naramdaman ng bata. Kitang-kita iyon sa kaniyang mga ngiti, tawa at mga mata. Ito na yata ang pinakamagandang tanawin na nasilayan ng mga mata ni Jenny- magkasama ang kaniyang anak at ang nag-iisang lalaki na kaniyang minahal.

Araw-araw, magkasama ang magpapamilya. Inalok ni Rex si Jenny ng kasal at pumayag naman iyon. Inuwi na rin nila si Bri dahil iyon ang rekomendasyon ng doktor sa kanila.

Isang umaga, nagising si Jenny na wala sa kaniyang tabi ang asawang si Rex. Tinignan niya ang silid ni Bri, naroon ang asawa. Napangiti siya nang makitang nakayakap ang asawa sa kaniyang anak. Lumapit pa siya ng kaunti. Dahan-dahan at narinig ang hikbi ng lalaki. Tuluyan nang binawian ng buhay ang kanilang anak. Ngunit tulad ng dati, may ngiti iyon sa kaniyang mga labi.

Advertisement

Nawala man sa kanila ang kanilang anak, patuloy pa rin silang mabubuhay dala ang ala-ala at mga ngiti ni Bri.