Madalas Mabulas ang Binata Noon at Tanging Drayber Nila ang Kasangga Niya, Maraming Taon ang Nakalipas ay Siya Naman ang Nakapagsukli sa Kabutihan Nito

“Heto’t punasan mo ‘yang gilid ng labi mo,” sabi ni Mang Danny sabay abot sa kaniya ng puting panyo. Tinanggap niya iyon at saka sumakay sa kotse.

Araw-araw siyang hatid-sundo nito sa pribadong eskwelahan kung saan siya pinag-aral ng ama. Sanay na itong makitang lukot ang uniporme at may pasa ang mukha niya ngunit nandoon pa rin ang pag-aalala sa mukha nito. Ipinahid niya ang panyo sa dugong natuyo sa kaniyang labi at saka tahimik na nagpasalamat.

“Nasaan na ang mga lokong iyon ha! Naku, Daniel, kapag talaga naabutan ko ‘yang mga bulas na iyan, makakatikim ng katakot-takot na sermon iyan—“ Napatigil ito sa pagsasalita nang marinig ang mahinang tawa niya.

“Naku Mang Danny! Eh palagi nga kayong huli sa aksyon!” pagbibiro niya dito. Pilit ang kaniyang ngiti dahil masakit ang mukha, pero mas ramdam niya ang sakit sa kalooban mula sa sinabi ng mga bulas, “Ano? Sumbong ka sa dad mo! Ay wala nga palang pake sayo ‘yon. Sumbong ka sa mom mo! Ay wala ka na nga palang mom! Hahaha!”

Pumanaw ang mommy niya pagkapanganak sa kaniya, ang dad naman niya ay abala palagi sa pagpapatakbo sa kompanya nito. Noong bata siya ay si Mang Danny na ang laging tumitingin sa kaniya. Tinuruan pa siya nitong gumuhit at magpinta dahil magaling itong pintor, ngayon ay iyon na ang paborito niyang gawin. Ngayong high school ay madalas siyang mabulas dahil palagi siyang tahimik lang sa isang tabi at nagda-drawing. Tila ba pampalipas oras ng mga kaklase niyang lalaki na kapwa mga anak ng mayayamang negosyante ang pagpunit sa mga drawing niya at pananakit.

Nahahabag naman si Mang Danny nang mapagmasdan ang pasa ng binata sa braso at pagsungaw ng luha sa mga mata nito. Napamahal na siya dito dahil limang taon na rin naman siyang driver nito. Kahit mayaman ay masasabi niyang malungkot ang pagkabata nito, bukod sa hindi nakilala ang ina, nabubulas sa eskwela, tila wala pang amor ang ama nito kay Daniel.

“Daniel… hindi masamang lumaban kung nasasaktan ka na. Hindi ko sinasabing maging katulad ka nila, pero ipakita mong dapat ka din nilang irespeto…” malumanay na payo niya dito dahil sa lubos na awa na nararamdaman niya para dito.

Sa mga sumunod na araw ay tila walang nagbago sa buhay ni Daniel. Sa bahay ay tila hindi nakikita ng kaniyang daddy ang pasa niya sa mukha, ni hindi man lang ito nagtanong saan iyon nanggaling. Sa eskwela naman ay patuloy ang panunukso at pananakit ng mga kaklase. Hanggang isang araw na hindi na niya natiis ang kaklaseng laging nambubulas sa kaniya. Nauwi iyon sa gulo at umabot pa sa mga magulang nila.

Advertisement

“Wala ka na ngang silbi ay pabigat ka pa!” dagundong ng boses ni Felip, ang ama ni Daniel. “Alam mo bang inurong ng daddy ni Jemuel ang deal namin dahil sa ginawa mo sa anak niya?!” sabi ng ama na dinuro pa ang mukha niya. Kabababa niya lang mula sa kotse at ito agad ang sumalubong sa kaniya.

“Eh sir, mahawalang galang na ho, mas malala po ang sinasapit ng anak niyo na pambubulas sa eskwela…” sagip pa sa kaniya ni Mang Danny.

“At isa ka pang kunsintidor! Maghanap ka na ng ibang trabaho! At ikaw Daniel, pumasok ka sa kwarto mo!” pinal na sabi ni Felip.

Simula nang araw na iyon ay mas lalong naging miserable ang buhay ng binatang si Daniel. Si Mang Danny na nga lang ang nagmamahal sa kaniya, ang tanging nagbibigay payo, ang tanging kaibigan niya, nawala pa. Lumipas ang dalawampung taon ay hindi na nagtagpo muli ang dalawa.

Buong buhay ni Daniel ay wala siyang naipaglaban liban lang sa kagustuhang sundin ang kaniyang pangarap – maging isang pintor. Ngayong kilala na siya sa buong mundo ay wala pa rin siyang tunay na kaligayahan sa puso sapagkat itinakwil na siya ng ama nang tumanggi siyang patakbuhin ang kompanya nito. Wala siyang pamilyang mapagbabahagian ng kaniyang tagumpay.

Isang araw ay nagpasya ang binata na hanapin si Mang Danny – ang taong naging inspirasyon ng kaniyang pangarap. Pinaghahanap niya ito ngunit hindi niya matagpuan, hanggang isang kaibigan ang tumulong sa kaniya kaya’t natunton niya kung saan na ito ngayon nakatira.

Madamdamin ang muli nilang pagkikita. Niyakap niya ito nang mahigpit, siya ay nakaluhod, ito naman ay nasa wheelchair. Napag-alaman niyang ilang taon lang ang nakalipas noong masangkot ito sa isang aksidente sa daan habang nagmamaneho. Naparalisa ang mga paa nito at hindi na makapagsalita ng diretso. Ngayon ay tanging pagpipinta ang ibinubuhay nito sa pamilya nitong lugmok sa hirap.

“Mang Danny! Isa na po akong pintor ngayon! Mukhang mas magaling na ho ako sa inyo,” biro niya at saka pinakita ang sikat niyang obra na ito ang modelo.

Advertisement

“Alam niyo po ba,” sabi niya sabay hawak sa kulubot na kamay nito, “kung hindi dahil sa inyo ay malamang hindi ako magkakalakas ng loob na sundin ang puso ko. Kayo po ang naging sandalan at inspirasyon ko sa pagpipinta, salamat po, Mang Danny.”

Nag-uumapaw ang puso ni Daniel nang makita ang mga pininta ng matandang kaibigan. Bilang tulong sa kabutihang dulot nito sa buhay niya ay nagsagawa siya ng exhibit na tampok ang mga obra nito. Dahil sa mabangong pangalan niya sa industriya ay nagawa niyang makakalap ng malaking halaga, lahat ng iyon ay ibinigay niyang lahat sa pamilya nito.

Hindi makapaniwala ang matandang matutupad pa ang pangarap niyang maipakita ang talento sa mga tao. Hindi ito makapagsalita ngunit kitang-kita ni Daniel sa mga mata nito ang kasiyahan at pasasalamat. Doon lang naramdaman ng binata ang tunay na kaligayahan – ang makamit ang tagumpay, at maibahagi iyon sa mga taong bumuo noon kasama siya.