Siya ang Anak Ngunit Siya Pa ang Pilit Umaayos sa Relasyon ng mga Magulang; Nagsisi ang Ama at Ina sa Kinahantungan ng Pagmamatigas Nila

“Ma, sige na po. Ayaw niyo ba akong makitang abutan ng diploma at sabitan ng medalya?” panglalambing ni Gia sa inang si Marites. Nang hapong iyon ay naroon siya sa bahay ng lola niya kung saan pansamantalang tumutuloy ang ina. Mag-iisang taon na kasi simula noong magkaroon ng matinding pag-aaway ang mga magulang niya, simula noon ay lumayas ito ng bahay upang makalayo-layo sa kaniyang ama.

“Ay siyempre gusto kong sabitan ka ng medalya! Pero kung makikita ko lang din ang pagmumukha ng ama mo, naku! Baka ma-high blood lang ako!” sabi ni Marites sa dalagang halatang biglang nanlumo.

Labis na pinagbuti ni Gia sa huling taon sa high school dahil sa kagustuhang kahit papaano ay maging proud ang mga magulang sa kaniya, at magbati na ang mga ito, ngunit mukhang walang pinatutunguhan ang lahat ng paghihirap niya.

Nalungkot ang dalaga ngunit pilit na tinatagan ang loob. Nagpasya siyang bumalik ulit sa apartment ng kaniyang ama na isang kanto lang ang layo mula sa bahay ng kaniyang lola.

“Oh anong sabi ng mama mo?” salubong sa kaniya ng ama pagpasok niya.

“Eh pa, o-okay naman daw sa kaniyang umattend ng graduation ko pero… “ sabi niya na hindi magawang sabihin sa ama ang katotohanang ayaw pa rin itong makita ng ina. Nabasa naman ni Lito sa malungkot na mukha ng anak ang sinabi ng asawa, malamang ay ayaw pa rin siyang makita nito.

“Oh siya, eh bahala siya sa buhay niya. Siya na lamang ang papuntahin mo,” mapaklang sagot ni Lito.

“Pero pa. Sana po makapunta ka pa rin…” tahimik na sabi na lang ng dalaga atsaka lumabas ng apartment.

Advertisement

Noon pa man ay madalas nang magbangayan ang mag-asawa. Talagang bungangera kasi si Marites, si Lito naman ay may pagkabatugan, kaya’t hayun at palaging parang may sabong sa kanilang tahanan. Hanggang isang araw na nawalan na naman ng trabaho si Lito ay nagpasya ang babae na humiwalay ng bahay at nagtatangkang tuluyan siyang hiwalayan. Lingid sa kaalaman ng mag-asawa na ang lubos na naaapektuhan sa kanilang pagmamatigas ay ang nag-iisang anak na si Gia.

Mula nang maghiwalay ng tahanan ang mga magulang ay palipat-lipat ito sa magkabilang poder. Sa awa ng Diyos ay hindi naman masasamang bagay ang napagtuunan ng dalaga ng pansin, bagkus ay ito pa ang gumagawa ng kung ano-anong gimik maayos lamang ang gusot sa pamilya.

Upang matuwa ang mga magulang at mabawasan ang pag-aaway ng mga ito dahil sa pera ay nagpasya si Gia na umekstra sa karinderya ng lola niya. Sa eskwela ay hindi na ito nakakasama sa mga dating kaibigan dahil purong pag-aaral lang ang inaatupag. Sa murang isip kasi nito ay kung magiging top siya sa batch nila sa eskwela ay tiyak hindi makatatanggi ang mga magulang na pumunta sa graduation at magiging dahilan iyon ng pag-aayos ng mga ito. Mukhang nagkamali si Gia, wala pala gaanong halaga ang kaniyang mga pinaghirapan kumpara sa taas ng pride ng mga magulang.

Nahulog sa matinding depresyon ang dalaga. Gabi-gabi siyang umiiyak dahil sa tindi ng bigat na nararamdaman. Sa umaga naman ay luting ang kaniyang diwa. Unti-unting pumait ang matatamis na ngiti ni Gia, napalitan ng lumbay ang sigla nito. Ngunit sa lahat ng ito ay wala man lang kina Marites at Lito ang nakapansin, dahil abala sila sa pagpaparinig at panunumbat sa isa’t isa.

Hanggang isang araw ay bigla na lamang may nakarating na balita kay Marites.

“Ate Marites hinahanap na po ni Ma’am Castro si Gia,” balita ni Chito na kaklase ng dalaga, “tatlong araw na po kasing ‘di pumapasok, okay lang po ba siya?”

Nagtaka naman si Marites, kilala niya ang anak na kahit may sakit ay ayaw um-absent sa eskwela.

“Naku Marites! Aba’y bisitahin mo naman ang anak mo doon sa bahay ng ama niya. Walang kasama iyon tuwing umaga dahil alam mong may trabaho na ang asawa mo. Napapansin ko ngang madalas tulala ang batang iyon nitong nakaraan,” sabi ni Lola Martha sa anak.

Advertisement

Buti na lamang at wala ang asawa sa apartment nito. Pagpasok niya ay kinatok niya ang kwarto ng anak ngunit walang sumasagot.

“Gia? Gia, anak? Si mama ito,” katok niya. Tuluyan na siyang kinabahan dahil nakalock ang pinto nito, hindi kasi nito iyon ugali.

“Oh anong ginagawa mo dito?” halos mapatalon si Marites nang marinig ang boses ni Lito na kauuwi lang mula sa trabaho.

“Hindi ka talaga maaasahan eh ‘no! Tatlong araw na daw hindi pumapasok ang anak mo aber. Nasaan ang susi ng kwarto niya, bilis!” sigaw ni Marites sa asawa.

“Eh paano ko naman malalaman, maaga akong pumapasok sa trabaho!” ganting sigaw ni Lito sabay abot dito ng susi.

Tuloy pa rin sa pagratatat ang bunganga ni Marites hanggang sa mabuksan nila ang pinto at magulantang sa nakita – si Gia, nakahandusay sa sahig!

Lumipad sa bintana ang bangayan ng mag-asawa dahil sa taranta nilang maisugod agad ang dalaga sa ospital. May mga sugat ito sa dalawang braso at maputlang-maputla. Walang nagawa ang mga ito kung hindi sabay na maghintay kasama ang mga kamag-anak na kapwa nag-aalala. Ilang araw hindi gumising si Gia kaya’t naging daan iyon para tuluyang makapag-usap nang maayos ang mag-asawa.

“Nakita ko i-iyong, iyong s-sulat ni Gia para sa a-atin,” sabi ni Marites na hindi mapigilang maluha. “Hindi ko alam na siya pala ang pinakanabibigatan sa problema nating dalawa, Lito, anong nagawa natin?” sabi ni Marites. Inalo naman ito ng asawa at nagsabing, “Patawarin mo ‘ko Marites sa mga pagkukulang ko sa pamilya natin, sana ay maayos natin muli ang lahat, para na rin kay Gia,” sabi ni Lito at niyakap ang asawa.

Advertisement

Sa paggising ni Gia ay namulatan niya ang ama at inang kapwa nakangiti sa kaniya. Tanging hagulgol at paghingi lang ng tawad ang namutawi sa labi ng dalaga. Unti-unting bumalik ang ngiti at sigla ng dalaga dahil sa kagaangan ng kalooban. Ngayon kasi ay hindi na niya mag-isang dinadala ang bigat ng mga problema. Ngayon ay natuto na ang mga magulang na akuin ang responsibilidad ng pag-aayos sa kanilang pamilya, at nagpasyang mas mabuting piliin ang magpatawad at magmahal.