Dahil Hindi Pa Siya Inaalok na Magpakasal ng Nobyo ay Ipinagpalit Niya Ito; Laking Pagsisisi Niya Kinalaunan

Sampung taon nang magkasintahan si Marie at Chito. Sa tagal ng kanilang relasyon ay tanging kasal na lamang ang kulang sa kanila. Tampulan na nga sila ng kantiyawan dahil magpahanggang ngayon ay hindi pa rin inaaya ng binata na magpakasal ang dalaga. 

“Babe, hindi naman sa pine-pressure kita, pero may balak ka pa ba na pakasalan talaga ako?” sambit ni Marie kay Chito.

“Wala akong gustong makasama sa buhay kong ito kung hindi ikaw, babe. Siyempre darating tayo diyan. Pero sa ngayon ay kailangan ko munang pagtuunan ang trabaho ko para makaipon tayo at mabigyan kita ng magandang buhay,” tugon ng binata.

“Ilan taon pa ba ang kailangan kong hintayin, babe? Kaya mo naman sigurong pagsabayin ang pagbibigay ng magandang buhay sa akin kahit na kasal na tayo,” pangungulit ng dalaga.

“Nangako ako sa mga magulang mo at magulang ko na hindi tayo magpapakasal hanggang hindi ko nasisigurado ang future natin. Siyempre, pati na rin ang magiging mga anak natin. Sandaling panahon na lang, babe, darating din tayo d’yan,” paliwanag ni Chito.

Ngunit hindi kumbinsido ang dalaga sa mga sagot ng kaniyang kasintahan. Nadagdagan pa ang kaniyang mga agam-agam sa tuwing makakausap niya ang kaniyang mga barkada. 

“Sis, kung talagang mahal ka niyan ay hindi ka na pakakawalan. Parang nagdadahilan na lamang siya sa mga sinasabi niya. Napakatagal ninyo nang magkasintahan hanggang ngayon ay hindi ka pa rin binibigyan ng singsing?” saad ng isang kaibigan ni Marie.

“E, gusto pa raw niyang mag-ipon pa ng kaunti para sa future namin,” paliwanag ni Marie.

Advertisement

“Kailan ka pa niya pakakasalan? Kapag uugod-ugod na kayo?” kantiyaw ng isa pang kaibigan. “Manmanan mo ‘yang kasintahan mo, sis. Baka mamaya ay matanda ka na, marami na kaming anak tapos ikaw hindi ka pa rin kasal!” natatawang wika ng kaibigan ni Marie.

Dahil dito ay madalas mapaisip si Marie. Hindi niya sigurado kung mahal ba talaga siya ni Chito at kung mayroon ba talaga itong balak na pakasalan siya.

May mga panahon na abala ang kaniyang nobyo sa trabaho. Kaya madalas ay hindi niya ito nakakausap. Kung manghihingi din siya nga panahon sa kasintahan ay madalas nitong sabihin na sa ibang araw na sapagkat may tinatapos pa ito. Dahil sa pagkabugnot sa nobyo ay mas pinili na lamang ni Marie na sumama palagi sa kaniyang mga kaibigan at nagtutungo sila gabi-gabi sa mga bar. 

Doon ay may isang lalaking nagpakilala kay Marie.

“Sige na, kausapin mo na. Hindi naman malalaman ni Chito. Saka sa gabing ito, wala lang nobyo, wala kang kasintahan at walang lalaki sa buhay mo na iniintay mo na yayain kang magpakasal. Kaya go na girl!” pambubuyo ng isang barkada ni Marie.

Dahil na rin sa kalasingan ay nakipagkilala na rin si Marie sa lalaki. Mula noong gabing iyon ay madalas na ang pag-uusap nila ng kanyang nakilala sa bar na si Rodney.

Dahil kay Rodney ay muling nakaramdam ng kilig si Marie na madalas niyang hinahanapan kay Chito. At dahil din sa mabulaklak ang bibig nitong binata ay agad niyang niyaya si Marie na magpakasal kahit na ilang buwan pa lamang silang magkakilala.

Hindi makapaniwala si Marie sa narinig niya kay Rodney.

Advertisement

“Wala akong pakialam kung ano pa man ang nakaraan mo, Marie. Ikaw ang gusto kong makasama sa habang buhay, kaya magpakasal na tayo!” paanyaya ng binata.

Agad na nakipaghiwalay si Marie sa kaniyang kasintahang si Chito upang tuluyang magpakasal kay Rodney. Hindi lubos maisip ni Chito kung paanong ganoon na lamang naitapon ng dalaga ang tagal ng kanilang pagsasama. 

“Dahil malakas ang loob niyang harapin ang buhay na kasama ako. Niyaya niya ako ng kasal, Chito. Isang bagay na matagal ko nang hinihiling sa iyo,” wika ni Marie.

“Puwede ka nang umalis, Chito. Hindi ka imbitado sa kasal namin,” saad pa ni Marie.

Lubusang nasaktan si Chito sa nagawang ito ng dalaga.

Ilang taon pa ang lumipas at hindi akalain ni Marie na puro hirap at pasakit lamang pala ang aabutin niya kay Rodney. Bukod kasi sa sugarol ito ay marami itong bisyo. Madalas din niya itong mahuli na may babae. At ayaw na ayaw nitong nalalaman na walang bumawang daloy si Lisa dahil ayaw nitong magkaanak at magkaroon ng dagdag na responsibilidad. 

Isang araw ay nagkrus muli ang kanilang landas ng dating kasintahan. Napakasaya ni Chito ng makitang muli ang dating nobya at ganoon din si Marie. Niyaya ni Chito si Marie na magkape sa hindi kalayuan upang sa gayon ay makapagkuwentuhan. Halata sa pustura ni Chito na malayo na ang narating nito. Kaya ganoon na lamang din ang pagsisisi ni Marie.

“P-patawarin mo ako sa nagawa ko sa’yo, Chito,” nahihiyang sambit ni Marie.

Advertisement

“Wala na ‘yon sa akin. Matagal na ‘yon. Kalimutan mo na ang lahat nang iyon,” saad ni Chito.

Naging matatamis ang mga ngiti ng bawat isa habang binabalikan nila ang mga nakaraan. Galak na galak si Marie na malaman na hanggang ngayon ay may espesyal pa rin pala siyang lugar sa buhay ni Chito.

Ngunit ang akala niyang pag-asa na may mabubuo muling pagtitinginan sa kanilang dalawa ay biglang naglaho ng marinig niya ang mga salitang sinambit ni Chito. 

“Marami akong natutunan sa relasyon natin, Marie. Kaya nais kong magpasalamat. Ngayon ay mas binibigyang panahon ko na ang relasyon ko sa aking asawa at mga anak. Hindi natin hawak kung ano man ang mangyayari sa hinaharap, kaya ineenjoy ko na lamang ang mga panahon na kasama ko sila,” wika ni Chito.

Napangiti na lamang si Marie sa dating kasintahan. Masaya siya sa buhay na sinapit nito at natanggap na niya na kung naghintay lamang siya ng panahon ay hindi sana ganitong buhay ang kaniyang dadanasin. 

Ngunit nagpapasalamat siya sa panahong muli niyang nakasama ang dating kasintahan sapagkat para isa itong sandaling nakatakas siya sa katotohanan ng kaniyang buhay. Ngunit alam niyang paglabas niya sa kapihang iyon ay muli na naman niyang kakaharapin ang tunay na buhay na mayroon siya kapiling ang kaniyang asawang si Rodney.