Lubusan ang Pagkasuklam ng Binata sa Ama Kaya’t Pinaliguan Niya Ito ng Masasakit na Salita; Magsisisi Siya Habambuhay sa mga Sinabi Niya

“Kuya, malapit na ang kaarawan ni tatay. Baka gusto mong sumama sa akin para dalawin siya,” saad ni Martina sa kanyang Kuya Dionie habang kausap sa kabilang linya ng telepono.

“Marami akong ginagawa, Martina. Kung gusot mo ay ikaw na lang. Hindi ko na maisisingit pa sa tambak ng mga kailangan kong gawin,” tugon ng binata. 

“Pero matagal na tayong hindi nakikita ni tatay. Ang huling pag-uusap namin ay gusto ka raw niyang makita,” saad pa ng dalaga.

“Bahala na, Martina. Sasabihan na lang kita kung pupwede ako. Sa ngayon, kailangan ko nang ibaba itong telepono kasi may kailangan pa akong tapusin,” pagmamadali ni Dionie.

Hinayaan na lamang ni Martina ang kapatid sapagkat alam niya na hindi talaga maglalaan ng oras ang kanyang kuya para sa kanilang ama.

Para kasi kay Dionie ay matagal nang wala sa mundong ito ang kanilang ama. Naniniwala kasi siya na ito ang may dahilan kung bakit kailangan nilang pagdaanan ang lahat ng paghihirap noong bata pa sila. Hindi mawala sa isipan ni Dionie ang pagiging lasinggero ng kaniyang ama. Dahil dito ay nagkaroon ng isang malagim na pangyayari na ikinasawi ng kaniyang ina at tiyuhin nito. Ang tinuturong may sala ay ang kaniyang ama na langong-lango sa alak noon. 

Nakulong ang kanilang ama. Ang magkapatid naman ay kinailangang maghiwalay sapagkat hindi kaya ng mga kamag-anak ng kanilang pamilya na buhayin sila nang magkasama. Napunta si Dionie sa pangangalaga ng kapatid ng kaniyang ina at si Martina naman ay napunta sa pangangalaga ng mga magulang ng nanay nila. 

Makalipas ang ilang taon ay tila kinalimutan na rin ni Dionie na mayroon siyang ama. Lubusan ang sama ng loob niya rito na kahit kailanman ay hindi niya ito magawang harapin. 

Advertisement

“Kuya, nagpunta akong kulungan at dinalaw ko ang tatay. Sabi ko galing sa atin ang keyk na dala ko. Hinahanap ka nga niya. Ang sabi ko na lang ay gusto mong pumunta kaso abala ka sa trabaho. Kung mayroon kang oras, puntahan mo siya,” pakiusap ni Martina sa binata.

“Tigilan na natin ito, Martina. Ayoko nang ikonekta ang buhay ko sa walanghiyang lalaking iyan. Kung hindi dahil sa kaniya ay hindi sana naging ganito ang buhay natin, dapat ay narito pa si nanay!” sambit ni Dionie. 

“Naging maayos naman ang buhay natin, kuya. Saka kung wala siya ay wala rin tayo sa mundong ‘to. Kailan mo ba siya mapapatawad? Tumatanda na ang tatay natin. Kailan mo siya magagawang harapin? Kahit anong gawin mo ay siya pa rin ang tatay natin,” wika ni Martina.

“Mas mainam na nga na hindi siya ang naging ama natin! Puro kahihiyan na lamang ang dinala niya sa pamilyang ito. Matagal ko nang kinalimutan na may tatay tayo, Martina, kaya parang awa mo na, tigilan mo na ang pagbabanggit sa akin niyang tinuturing mong ama sapagkat matagal na tayong walang ama!” sigaw ni Dionie sa kapatid. 

“Gusto ko lang malaman mo na araw-araw ay hinihintay ka niya sapagkat gusto ko raw niyang makausap. Bilang panganay niya sa tingin ko ay kailangan mong harapin siya. Kuya, maraming taon na ang lumipas. Sana ay magawa mong harapin ang tatay,” naiiyak na sambit ng dalaga.

Ngunit kahit anong pakiusap ni Martina ay hindi pa rin mapalambot nito ang matigas na puso ni Dionie. Sa katunayan nga ay wala na itong pakialam kung ano man ang mangyari sa kaniyang ama sa loob ng bilangguan na iyon. Mas mainam pa nga para sa kaniya na mawala na lamang ito upang matapos na ang lahat ng paghihirap at bigat sa kaniyang dibdib.

Hanggang isang araw ay hindi na nakayanan pa ni Dionie ang galit na nararamdaman. Alam niyang panahon na ito upang tuluyan niyang putulin ang natitirang koneksiyon niya sa ama. Tinungo niya ito sa kulungan. Masayang-masaya si Mang Rodolfo na makita sa wakas ang kaniyang panganay. 

“Narito ako hindi para dalawin ka. Ang nais ko ay tigilan mo na kaming magkapatid. Lalo na si Martina. H’wag mong bilugin ang utak niya. Tigilan mo na ang pagkukunwari na naiisip mo kami. Sa totoo lang matagal ka nang pat*ay para sa amin!” bungad ni Dionie sa ama.

Advertisement

“Anak, gusto ko lang humingi ng tawad sa inyo. Lalo na sa iyo. Gusto kitang makausap para sa gayon ay malaman mo ang katotohanan,” sambit ni Mang Rodolfo na pilit nagpapaliwanag sa anak.

“Kung hindi dahil sa iyo ay buhay pa sana ang nanay. Kung hindi dahil sa pag-inom-inom mo ay maayos sana tayong namumuhay nang magkakasama. Ikaw ang sumira ng pamilya natin, lalong-lalo na, ikaw ang may kasalanan kung bakit nariyan ka sa kinalalagyan mo ngayon!” sambit ni Dionie. “Kung may natitira ka pa talagang pagtingin sa amin bilang anak mo, tigilan mo na kami ni Martina at hayaan mo kaming mabuhay nang malayo sa kahihiyang dinulot mo,” dagdag pa ng binata. 

Sa sakit ng mga salitang lumabas sa bibig ni Dionie ay hindi na naiwasan pa ni amng Rodolfo na mapaluha. Hindi niya kasi akalain na ganito pala ang sama ng loob na nararamdaman sa kaniya ng kaniyang panganay na anak. Dahil sa mga narinig niya ay hindi na niya ginambala pa ang kaniyang mga anak. At sa tuwing dumadalaw ang bunsong si Martina ay hindi na rin niya ito hinaharap. 

Isang araw ay nakatanggap na lamang sila ng balita mula sa himpilan ng bilangguan. Nakita raw si Mang Rodolfo ng mga kapwa nito bilanggo isang umaga na hindi na humihinga. Agad na nagtungo si Martina at Dionie sa preso upang tignan ang kalagayan ng ama at dito nga niya nakumpirma na wala na ang kanilang ama.

“Nanghihinayang kami sa buhay ni Mang Rodolfo,” sambit ng isang pulis. “Isa siya sa mga pinagkakatiwalaan naming tao dito sa kulungan. Sa katunayan ay malapit na siyang makalaya dahil sa mga mabubuti niyang pinakita ay nagawaran siya ng parole. Lagi nga niyang sinasabi na ang una niyang gagawin ay puntahan kayong magkapatid at ipapaliwanag niya sa inyo ang katotohanan,” dagdag pa ng pulis.

Nagulat ang magkapatid sa kanilang narinig.

“Sa totoo lamang, naniniwala kami rito na walang kasalanan ang inyong ama. Marami nga ang nais na tumulong sa kaniya upang buksan muli ang kaniyang kaso upang malinis ang kanyang pangalan,” wika ng isa pang pulis. 

“A-anong ibig ninyong sabihin, ginoo?” pagtataka ni Dionie.

Advertisement

“Totoo na nak*itil ng inyong ama ang buhay ng kaniyang tiyuhin ngunit nagawa lamang niya ito sapagkat pinagsasamantalahan niya ang inyong ina. Bukod pa dito ay ninanakawan niya ang mga magulang ninyo. Nang hindi na makatiis ang inyong ina sa ginagawa ng tiyuhin niya ay lumaban siya at doon ay napat*ay siya nito. Nang madatnan ito ng inyong ama ay agad niyang sinunggaban ng itak ang lalaki saka ito binawian ng buhay,” sambit ng pulis. 

“Ngunit tulad nga ng laging sinasabi ng inyong ama, sino nga naman ang maniniwala sa isang lasinggero,” pagtatapos ng pulis.

Walang nagawa si Martina kundi ang lumuha. Samantalang hindi pa rin makapaniwala si Dionie sa kaniyang narinig. Sa loob ng mahabang taon ay hinayaan niyang kainin siya ng poot sa kaniyang puso. Ni hindi man lamang niya nagawang pakinggan ang kaniyang ama. At sa huling pag-uusap pa nila ay puro masasakit na salita ang kaniyang binitiwan. 

Lubusan ang pagsisisi ni Dionie. Nais niyang ibalik ang mga taon upang sana ay maitama niya ang kaniyang mga maling nagawa at nasabi sa ama. Ngunit, hindi na mibabalik pa ng pagsisising ito ang buhay ng namayapang ama at mga taong nasayang na sana ay namuhay siyang walang bigat sa dibdib na dinadala.