Pinagtawanan ng Babaeng Ito ang ‘Pangit’ na Karibal nang Iwan Ito ng Nobyo para sa Kaniya; Mas Masakit pala ang Ganti sa Kaniya ng Kapalaran
Inismiran ni Miranda si Flora, ang kasalukuyang nobya ng lalaking kinakalantari niya, habang umiiyak itong nakaluhod sa harapan nila. Bitbit na kasi ng nobyo nitong si Jasper ang mga gamit nito, dahil handa na nitong iwan si Flora para sa kaniya.
“Pangit ka kasi kaya ka iniiwan. Magpaganda ka, Flora, para sa susunod ay hindi na kayang agawin ng kahit sino ang nobyo mo,” natatawang sabi pa ni Miranda na talagang ipinararangya pa ang mapuputi niyang hitang nakahayang ngayon sa kanila, dahil sa suot niyang napakaiksing shorts.
Dahil sa kaniyang tinuran ay lalong napahagulhol na lamang si Flora sa sahig ng inuupahan nitong apartment at ni hindi na nagawang lumaban pa sa kaniya o ni ang sumagot man lang. Pagkatapos no’n ay iniangkla ni Miranda ang kaniyang kamay sa braso ng lalaking inagaw niya sa iba upang isama na ito sa kaniyang bahay.
Ngayon ay opisyal nang hiwalay si Jasper at Flora. Sa wakas ay nagbunga rin ang matagal na niyang pang-aakit sa binata, buhat nang ipakilala pa lamang ito sa kaniya ng dating katrabaho at kaibigang si Flora. Oo, mayroong pinagsamahan ang dalawang babae, ngunit hindi iyon naging hadlang upang hindi agawin ni Miranda si Jasper sa dating kaibigan. Ginawa niya ang lahat upang mapasakaniya ang binata, at ngayon ay nakuha na niya ang kaniyang gusto.
“Napakaganda mo talaga, Miranda. Kaya nga kahit matagal na kami ni Flora ay ipinagpalit ko siya para sa ’yo,” madalas ay sinasabi sa kaniya ni Jasper na ikinatutuwa naman ni Miranda. Masayang-masaya siya sa tuwing pupurihin ni Jasper ang ganda niya, at ni hindi niya naisip na dapat niya ’yong ikabahala.
Noong una ay ayos naman ang pagsasama nina Miranda at Jasper. Animo sila mga bagong kasal na parehong sabik sa isa’t isa at animo ayaw nang maghiwalay pa, habang si Flora noon ay patuloy pa ring naghihinagpis sa ginawang pang-iiwan sa kaniya ni Jasper.
Hindi naman akalain ni Miranda na ang lahat ng ’yon ay panandalian lamang, dahil unti-unti ay tila naramdaman ni Jasper ang tunay na pagkakaiba niya at ng dating nobya nitong si Flora. Bigla ay nasabik muli kasi si Jasper sa uri ng pag-aalaga sa kaniya ni Flora noon na ni hindi magawa-gawa ni Miranda ngayon. Hinahanap-hanap niya na ang presensiya ng dating minamahal, at unti-unti nang nawawalan ng saysay ang kagandahan ni Miranda sa kaniya.
Dumating ang mga panahong palagi nang umuuwi nang lasing si Jasper galing sa trabaho. Ipinagtataka ni Miranda kung bakit tila malaki ang problema ng kinakasama, at lahat ng iyon ay nabigyan ng kasagutan nang malaman niyang ngayon ay may bago na rin palang nobyo si Flora!
“Nagkakaganyan ka ba dahil nalaman mong naka-move on na sa ’yo si Flora, ha, Jasper?! Huwag mong sabihin sa aking mahal mo na ulit ang babaeng ’yon?” galit na pagkokompronta ni Miranda sa nobyo nang umagang ’yon na hindi ito nakapasok sa trabaho dahil sa sobrang kalasingan noong nagdaang gabi.
“E, paano kung sabihin ko sa ’yong oo? May magagawa ka ba?” malamig lamang namang tugon sa kaniya ng lalaki na lalo pang ikinausok ng kaniyang ilong.
“Ano, ipagpapalit mo ako sa pangit na ’yon?! Babalik ka na ulit sa pangit na ’yon?!” galit pang paghihisterikal ni Miranda na ikinapikon naman ni Jasper kalaunan.
Isang sampal ang hindi nito naiwasang ibigay sa kaniya at dahil doon ay natulala si Miranda, lalong-lalo na nang sundan pa nito ng mga salita ang pananakit nito sa kaniya!
“Huwag na huwag mo na ulit iinsultuhin si Flora nang ganiyan, Miranda! Kung alam mo lang kung gaano ko pinagsisisihang ipinagpalit ko siya sa isang katulad mong ‘ganda lang’ ang meron!” galit na galit pang sabi sa kaniya ni Jasper pagkatapos ay dumiretso ito sa kanilang kwarto.
Nang makita ni Miranda na nag-eempake ng gamit ang nobyo ay halos maglumuhod siyang nakiusap dito. “Please, huwag mo akong iwan! Hindi ko kayang mawala ka, Jasper!” humahagulhol na pakiusap niya sa nobyo ngunit tila hindi iyon naging sapat.
“Ayoko na, Miranda. Tapos na tayo,” tanging sagot naman sa kaniya ng binata bago siya nito tuluyang tinalikuran.
Naiwan siyang nakaluhod sa sahig habang humahagulhol, dahil iniwan siya ng kaniyang nobyo sa kabila ng kaniyang taglay na kagandahan. Mas masakit, kaysa sa naramdaman at naranasan noon ni Flora, na tinawanan niya pa. Ngayon ay pinagsisisihan niyang nagawa niya ’yon. Ngayon ay alam niya na ang pakiramdam.