Pinagmalakihan ng Lalaking Ito ang mga Taong Tumulong sa Kaniya Noon; Isang Sampal ng Katotohanan ang Babago sa Kaniyang Pananaw
“Patrick, p’wede bang pakitingnan mo saglit ’yong sinalang ko sa kusina? Ayan na kasi ang ulan, e. Kailangan kong kanlungin ’yong mga sinampay ko, dahil baka mabasa ang uniporme ni Madam,” pakiusap ni Aling Osang, ang kasambahay ni Ginang Cruz na siyang kumupkop at nagpapaaral ngayon kay Patrick.
Ngunit imbes na sundin siya nang maayos ay ganoon na lang ang gulat niya nang bigla na lamang nitong ibalibag ang hawak nitong lapis at papel. “Utos naman nang utos! Ano ba ako rito? Hindi ba’t tutor ako ng pamangkin ni Madam? Hindi ako katulad n’yong ‘chimay’ lang!” inis na sabi pa ng binata na dahilan kaya napahawak na lamang si Aling Osang sa kaniyang dibidb.
Siya namang pasok ng isa pang katulong sa bahay na ’yon, ang pamangkin nitong si Isay, na halos kaedad lamang ni Patrick. Kadarating lamang kasi nito galing sa pamamalengke, kaya walang katulong kanina si Aling Osang sa mga gawaing bahay.
“Aunty, asikasuhin n’yo na lang po ’yong mga iniluluto n’yo. Ako na po ang bahala sa sinampay,” sabi na lamang ni Isay sa kaniyang tiyahin habang hindi inaalis ang masamang pagkakatingin niya kay Patrick. “Huwag n’yo na hong utusan ’yang senioritong ’yan na hindi marunong lumingon sa pinanggalingan,” pasaring pa niya sa binata na agad namang kumunot ang noo sa sinabi niya.
“Hindi ko kasalanang matalino ako, samantalang kayo’y mga tamad mag-aral. Hindi ko kasalanang nananatili kayong katulong lang, habang ako, malapit nang maging propesyonal! Palibhasa, mga wala kayong pangarap sa buhay kaya hanggang d’yan lang kayo, e,” balik pasaring naman niya kay Isay na dahil doon ay napuno na sa kaniya!
“Ang kapal naman ng mukha mo para sabihin ’yan kay Aunty, Patrick! Seryoso ka? Nagagawa mong insultuhin ang taong naging dahilan kung bakit mo narating at mararating ’yang kinalalagyan mo ngayon?” inis na tanong niya sa binata.
Tandang-tanda pa ni Isay kung paanong ang noo’y batang kalyeng si Patrick ay nanlimos ng pagkain sa kanila ng kaniyang tiyahin sa kalagitnaan ng kanilang pamamalengke. Noon din kasi ay kinupkop ito ng kaniyang Aunty Osang. Dahil doon ay nadiskubre nilang matalino pala ito kaya naman inendorso ito ni Aling Osang sa among si Ginang Cruz, na kilalang nagpapaaral ng mga batang katulad ni Patrick, bilang isa itong retiradong punongguro.
Maayos naman sana ang mga naunang taon ni Patrick bilang iskolar ng nasabing amo nina Aling Osang, ngunit buhat nang itanghal ito bilang valedictorian ng kanilang batch sa elementarya ay nagsimula na ring magbago ang pag-uugali ni Patrick. Yumabang siya at naging mataas ang tingin sa sarili, kasabay ng panghahamak naman niya sa taong dati ay tumulong sa kaniya!
“Ito ang tatandaan mo, Patrick…hindi man kami kasing talino mo, hindi naman namin kailangang manghamak ng tao para lang magmukha kaming mataas kaysa sa iba. Matalino ka nga, pero wala ka namang respeto…sa tingin mo, nakakainggit maging katulad mo?”
Matapos bitiwan ang maaanghang na salitang ’yon ay tinalikuran na ni Isay si Patrick na noon ay naiwan namang tulala. Pakiramdam ng binata ay sinampal siya ng katotohanan dahil sa naging salita ni Isay sa kaniya. Alam niya kasi na totoo ang mga sinabi nitong ’yon.
Dahil wala na siyang mukhang maiharap pa sa mga ito ay nagpasiya na lamang na umalis si Patrick sa puder ni Ginang Cruz. Lumipat din siya sa ibang eskuwelahan upang hindi na siya mahanap pa ng mga ito, dahil nais ni Patrick na maranasan niya naman ang hirap kapag walang taong tutulong sa kaniya.
Sa paraang ’yon kasi ay muling nanumbalik ang kaniyang dating pag-uugali. Naalala niya nang hindi nga pala madaling manilbihan sa mga tao, tulad ng ginagawa nina Aling Osang at Isay. Dahil doon ay bumalik ang respeto niya sa mga ito lalo pa at muli niyang naranasang maghirap. Nagbago ang kaniyang pananaw at nanatili na ’yon hanggang sa siya ay makatapos na ng pag-aaral at makahanap ng magandang trabaho.
Nang mangyari ’yon ay saka lamang binalikan ni Patrick ang mga taong dating nagbigay sa kaniya ng pag-asa sa buhay. Sina Aling Osang, Isay, at Ginang Cruz. Ipinakita niya sa mga ito na sa wakas ay narating niya ang tagumpay sa pamamagitan ng sariling pagsisikap, hindi upang pagyabangan sila, kundi upang kilalanin ang ipinakita nilang kabutihan sa kaniya.
“Patawad po sa naging asal ko noon sa inyo. Nakalimot ako sa pinanggalingan ko dahil nakukuha ko lahat ng gusto ko nang ganoon lang kadali. Ngayon ay naiintindihan ko na pong muli ang lahat. Ngayon ay alam ko nang wala palang halaga ang tagumpay ko, kung ko naman kayang ibigay ang papuri sa mga taong naging daan upang makamit ko iyon. Kaya maraming salamat po sa inyo…”
Napangiti na lamang sina Aling Osang, Isay, at Ginang Cruz sa tinuran ni Patrick. Hindi naman doon nagtapos ang kanilang pag-uusap dahil simula noon ay bumawi si Patrick sa kanilang lahat. Ngayon ay ito naman ang naglaan ng tulong sa abot ng makakaya nito para sa kanila.