Malaki ang Kinita ng Tindero ng Fishball na Ito; Ngunit Nagulat ang Lahat nang sa Isang Iglap ay Ipinamigay Niya Lamang Iyon
Nakasakay noon sa kanilang kotse ang mag-asawang Arnel at Donita, nang madaanan nila ang isang fishball vendor na nakapuwesto sa kanto ng kanilang subdibisyon. Matanda na ito at halos hindi na nga makatayo nang tuwid, ngunit hindi pa rin ito tumitigil sa pagkayod.
Hindi maiwasan ni Donita na mapagmasdan ang nasabing matanda, na ngayon ay nagbibilang ng baryang inihuhulog nito sa hawak nitong alkansyang gawa sa lata. Halos maantig ang babae nang makitang nakangiti pa ang nasabing matanda habang ihinuhulog nito isa-isa ang mga hawak na barya sa nasabing alkansya. Naalala niya ang kaniyang yumaong ama, na noon ay binuhay din sila sa pagtitinda naman nito sa palengke, na siyang dahilan kung bakit ngayon ay pawang mga matatagumpay na silang propesyonal ngayon ng kaniyang mga kapatid.
“Mahal, magkano ang hawak mong cash d’yan sa wallet mo?” tanong ni Donita sa asawa na agad namang napangiti dahil nakuha agad nito ang ibig nitong sabihin. Kanina pa rin kasi ito nakatingin sa kaniya habang nakamasid siya sa nasabing tindero.
“Nag-withdraw ako kanina ng limang libo, mahal. Gusto mo bang babain si tatay?” nakangiting sagot din sa kaniya ng asawang tulad ni Donita ay malambot din ang puso sa mga mahihirap. Nagkakilala sila sa isang community program na naglalayong magtawid-gutom noon sa mga mahihirap na matanda at bata, kung saan pareho silang volunteer, kaya naman pareho silang may pusong tumulong lalo na kung mayroon silang kayang ibigay.
Bumaba ang mag-asawa upang kausapin ang vendor na kanilang nakita. Doon ay napag-alaman nilang ang pangalan pala nito ay Tatay Mario, na tatlumpung taon nang naghahanapbuhay bilang isang fishball vendor.
“Ang galing naman, Tatay Mario, kahit sitenta’y tres anyos na kayo, e, naghahanapbuhay pa rin kayo para sa pamilya n’yo,” natutuwang puri pa ni Donita sa matanda.
“Naku, hija, wala na akong pamilya. Ang totoo ay hindi na ako nakapag-asawa pa buhat nang mawala ang misis ko, dahil sa sakit niya noong bago pa lang kaming nagsasama. Hindi na rin tuloy ako nabigyan ng anak,” sagot naman ni Tatay Mario na lalo namang naghatid ng kirot sa puso nina Donita at Arnel.
“Kung ganoon po, tatay, hayaan n’yong kami ang maging anak n’yo ngayon. Gusto ho sana naming pakyawin ang lahat ng mga paninda n’yo ngayong araw para naman ho makapagpahinga kayo,” sabi naman ni Arnel at dahil doon ay nanlaki ang mga mata ni Tatay Mario.
“Talaga?” Masayang napatanong ang matanda. “Kung ganoon ay maraming-maraming salamat sa inyong mag-asawa! Naku, napakalaking tulong nito para sa akin! Tamang-tama’t gusto ko ngang magpahinga kahit sandali sana,” dagdag pa nito kaya naman wala nang inaksaya pang sandali ang dalawa at ibinigay na ang hawak nilang limang libo sa matanda.
Matapos ’yon ay nagpasiya nang bumalik sina Arnel at Donita sa kanilang sasakyan, ngunit maya-maya ay nagbago ang isip ng babae. Gusto niya raw kasing makita kung ano ang gagawin ni Tatay Mario pagkatapos nitong kumita nang malaki.
Dahil doon ay palihim na sinundan ng mag-asawa ang matanda, na ngayon ay mabilis namang dumiretso sa isang grocery store at ipinamiling lahat ng kaniyang kinita! Nagtaka pa ang mag-asawa nang makita nilang napakarami nitong biniling instant noodles, gatas, asukal at biskwit, gayong sabi nito ay mag-isa lamang naman ito sa buhay.
Sa patuloy na pagsunod ng mag-asawa kay Tatay Mario, ganoon na lamang ang naging gulat nila nang makita nilang agad itong sinalubong nang yakap ng napakaraming batang kalsada, na animo siya ay kanilang lolo! Pagkatapos ay isa-isa silang pinapila ng matanda at kaniya-kaniyang binigyan ng tig-iisang supot ng mga ipinamili niyang pagkain!
Hindi napigilang maluha ni Donita sa nakitang pagkakawanggawa ng matanda. Dahil doon, muli ay binaba nila ito upang lapitan at kausapin…
“Tatay, hindi namin akalain na sa ganito mo pala ilalaan ang perang ibinigay namin sa ’yo. Napakabuti po ng inyong kalooban,” naaantig pa ring puri ni Donita sa matanda na sinegundahan pa ng kaniyang mister.
“Oo nga po, Tatay Mario. Ang buong akala namin ay magpapahinga kayo imbes ay ito pa pala ang ginawa n’yo. Walang dudang mahal na mahal nga kayo ng mga batang ’to,” sabi pa ni Arnel.
Nginitian naman sila ni Tatay Mario. “Ito nga’t nagpapahinga na ako, mga anak…” sabi nito at nilingon ang mga batang lansangang iyon nang may pagmamahal, “Sila ang aking pahinga,” dagdag pa niya na lalo pang umantig sa puso ng mag-asawa.
Simula noon ay itinuring nilang tunay na ama si Tatay Mario. Ibinigay din ni Arnel at Donita ang lahat ng tulong na kaya nilang ibigay dito tulad ng ginagawa nitong pagtulong sa mga bata. Tulong, kapalit ng pagtulong. Isang napakagandang adhikaing nabuo, sa pagtatagpong iyon ng tatlong mabubuting taong sina Tatay Mario, Arnel, at Donita.