Siniraan ng Babaeng Ito ang Kaibigang Tumutulong sa Kaniya Noon; Nagsawa na Kasi Ito Dahil Umaabuso na raw Siya
Buhat nang pumutok ang pand*mya ay labis na naghirap ang pamilya nina Elle. Nawalan kasi ng trabaho ang asawa niyang si Banjo, gayong kapapanganak pa lamang naman niya noon sa kanilang ikapitong supling. Hindi niya alam noon kung saan sila kukuha ng makakain lalo’t ni hindi man lamang makalabas ng bahay ang kaniyang asawa upang makapaghanapbuhay. Kung mayroon namang dumarating na ayuda, ay hindi sumasapat ’yon dahil sa laki ng kanilang pamilya!
Mabuti na lamang at ‘to-the-rescue’ noon ang kaibigan at kababata niyang si Trixie, na bagama’t hindi rin naman ganoon kalaki ang kinikita ay nagawa pa rin siyang tulungan sa pinansyal na pangangailangan nila sa loob ng mahabang panahon. Sa tatlong buwang kasagsagan noon ng lockdown ay ito ang sumagot sa pambigas ng kanilang pamilya, panggatas at pang-diaper ng kanilang anak, dahil sa sobrang awang naramdaman nito sa kanila, tutal ay nag-iisa lamang naman ito sa buhay. Marami ang nakasaksi sa kabutihang loob na ’yon sa kanila ni Trixie, kaya naman marami rin noon ang humanga sa dalaga…ngunit para kay Elle, na siya mismong nakatanggap ng sobra-sobrang tulong na ’yon, lahat ng ’yon ay kulang pa.
Nagsimula ang lahat, nang sa wakas ay mag-anunsyo na ang kanilang lokal na pamahalaan na papayagan nang lumabas ang mga nasa edad bente-uno anyos pataas. Iyon ay upang makapaghanapbuhay na ang mga ito para sa kanilang pamilya. Ngunit si Banjo, na asawa ni Elle ay tila wala nang balak bumalik sa pagtatrabaho, dahil nasanay na siyang mayroong Trixie na nagsusuporta sa pangangailangan ng kanilang pamilya. Ngayon ay nabubuhay na lamang silang mag-asawa na pahila-hilata sa kanilang tahanan, habang si Trixie ay doble kayod naman para lamang matulungan sila!
Nakita ni Trixie na imbes na mapursigeng magtrabaho ang mga dating kaibigan, dahil sa pagtulong niya ay tila ba natuto pa silang maging tamad at maging abusado…kaya naman sa isang iglap ay itinigil niya ang pagsuporta sa mga ito.
“Pasensiya na kayo, Elle at Banjo, pero mukhang hanggang dito na lang ang magiging pagsuporta ko sa inyo. Kailangan ko na kasing makaipon dahil balak ko nang umuwi ng probinsya sa susunod na taon para bisitahin naman ang pamilya ko,” maayos na pagpapaalam pa ni Trixie sa mag-asawa noon, ngunit ismid lamang mula kay Elle ang natanggap niya.
Matapos ang usapang ’yon, gumawa ng hakbang si Elle upang ngayon ay sirain naman si Trixie sa mga tao! Gamit ang kaniyang Facebook account ay nag-post siya ng isang video na pawang patungkol lamang sa ’di umano’y masamang ugali at pagiging ‘maramot’ daw na kaibigan ni Trixie!
“Hinamak niya kaming mag-asawa, dahil sa kaniya na lamang daw kami umaasa. Hindi naman namin hiningi ang lahat ng binigay niya noon! Kung alam ko lang na gagawin niya ito sa amin ngayon, hindi na sana namin tinanggap ang lahat ng tulong niya! Grabe ka, Trixie! Napakasama mong kaibigan!” umiiyak na sabi ni Elle noon sa video na siyang ikinagulat naman ng mga taong nakapanuod na siyang nakakaalam sa tunay na nangyayari!
Hindi naman alam ni Trixie kung paano siya magre-react sa nasabing aksyon ng taong tinulungan niya pa man din nang taos-puso! Pakiramdam niya ay bigla siyang nadalang tumulong sa iba dahil sa nangyari. Bagama’t may mga taong naniniwala sa kaniya ay mayroon din kasing pumanig kay Elle nang mga panahong ’yon lalo pa’t hindi nila alam ang tunay na nangyayari.
Dahil doon ay sinubukang pakiusapan ni Trixie ang dating kaibigan na burahin na lamang ang video, ngunit ito ang naging sagot sa kaniya nito:
“Buburahin ko lamang ’yon kung babawiin mo ang sinabi mong hindi mo na kami susuportahan pa. Ngayon ka pa kasi nagdesisyon nang ganoon kung kailan nasanay na kaming mag-asawa sa tulong mo! Kaya mamili ka, susuportahan mo kami o ipagkakalat ko pa sa lahat na masama ka?” banta pa sa kaniya ni Elle na lalong nakapagpainit ng dugo ni Trixie.
Mabuti na lamang at pinayuhan siya ng iba pa niyang mga kaibigan na huwag na lamang patulan si Elle at daanin na lamang sa legal na pamamaraan ang lahat. Malakas ang naging kaso niya laban sa mag-asawa, dahil sa mga ebidensiyang hawak niya.
Kalaunan ay halos maglumuhod tuloy ang dalawa na huwag na niyang ituloy ang demanda, kapalit ng paghingi nila ng public apology at pagbawi nila sa lahat ng kanilang sinabi laban sa kaniya. At dahil may natitira pa rin namang awa si Trixie sa kanilang mga anak ay pumayag na lamang siya sa ganoon, basta’t ang mahalaga, sa wakas ay nalinis din ang pangalan niya.
Iyon nga lang, dahil sa nangyari ay wala nang gusto pang magtiwala sa dalawa kaya wala silang makuhang trabaho. At dahil hindi nila kayang buhayin ang pito nilang mga anak ay inilayo muna ito sa kanila ng isang ahensiya ng gobiyerno upang maalagaan. Wala tuloy nagawa ang dalawang abusado kundi ang magsisi sa kanilang mga kasalanan. Napakalaki pala ng karmang hatid ng pagiging mapang-abusong kaibigan!