Inday TrendingInday Trending
Anak ng Dating Panadero, Isa na Ngayong Milyonaryo; Ano nga ba ang ‘Sikretong Sangkap’ sa Kanilang Pag-unlad?

Anak ng Dating Panadero, Isa na Ngayong Milyonaryo; Ano nga ba ang ‘Sikretong Sangkap’ sa Kanilang Pag-unlad?

Tulala sa kawalan ang mga kapatid ni Ester. Ni walang lakas ang mga itong magreklamo man lang sa kaniya tungkol sa nadarama nilang gutom simula pa kahapon. Naubos na nila ang natitira nilang pagkain at wala nang kahit na anong maaari nilang maipanglamang tiyan bukod sa kakarampot na harinang natirang nakatambak sa dating panaderya ng kanilang ama.

Tatlong buwan na buhat nang pare-pareho silang maulila ng kanilang nag-iisa na pa namang magulang. Binawian kasi ng buhay ang kanilang ama dahil sa sakit nito sa baga, kaya naman ngayon ay naiwan na sa balikat ni Ester ang lahat ng obligasyon sa kaniyang mga kapatid. Katorse anyos lamang siya, habang ang kambal na sina Mila at Milo ay pawang mga walong taong gulang pa lamang. Hindi kasi siya nakadelihensya sa pagbebenta ng kalakal kahapon, dahil ’di niya alam kung bakit walang bukas na junkshop sa kanilang lugar nang magkakasunod na araw na ’yon.

Gusto na niyang maiyak. Inaalo niya ang mga kapatid na parehong nakahawak sa kanilang kumakalam na mga sikmura. Labis na ang awang nadarama niya para sa mga ito, kaya’t ni hindi na rin maramdaman pa ni Ester ang sariling paghihirap.

“Huwag kayong mag-alala. Gagawa ng paraan si ate, ha?” naiiyak na aniya sa mga kapatid ngunit pilit pa rin niyang tinatatagan ang kaniyang loob.

Lumabas siya ng bahay upang humingi ng tulong sa pinakamalapit nilang kapitbahay sa lugar na ’yon. Baka sakaling may maibigay na pagkain man lang ang mga ito. Umuwi siyang dala ang isang pirasong kalabasa mula sa pananim ng kanilang kapitbahay, pati na rin malunggay na pinitas niya sa naraanang puno nito. Ang problema’y wala naman silang bigas na maaaring isaing, kaya naman nag-isip ng paraan si Ester kung paano patatagalin ang mga ’yon…

Nalala niya ang harinang naiwan ng kaniyang ama sa dati nitong panaderya. Tutal ay may alam naman siya sa pagmamasa at pagluluto ng tinapay ay naisip niyang doon na lamang ihalo ang mga nahingi niyang sangkap upang kahit papaano ay madagdagan ang naturang harina at ’yon ay dumami.

“Ate, ang sarap po!” nanlalaki ang mga matang sabi sa kaniya ng kapatid na si Mila, nang sa wakas ay maluto na niya ang nasabing tinapay at ipinatikim niya ’yon sa mga ito. Si Milo naman ay patuloy lamang ang paglantak sa nasabing pagkain na talaga namang swak na swak sa panlasa ng mga bata.

“Ganoon ba? Sige, kumain lamang kayo ng marami,” sagot naman ni Ester sa mga kapatid.

Akala niya ay dala lamang ng gutom kaya’t nasabi ng mga kapatid niya na masarap ang tinapay na ’yon, dahil wala naman siyang ibang inilagay doon kundi harina, tubig, kaunting asin at asukal, pati na rin ’yong mga gulay na naipanghingi niya sa kapitbahay…ngunit nang sa wakas ay matikman na ni Ester ang nasabing tinapay na ginawa niya ay nagulat siya sa naging lasa nito! Masarap nga!

Dahil doon ay isang ideya ang pumasok sa isip ni Ester. “Paano kaya kung magbenta ako nito sa bayan? May bibili kaya?” tanong niya sa kaniyang sarili, kaya naman nang araw ding ’yon ay isinama niya ang dalawang kapatid sa bayan upang subukang ibenta ang iba sa mga nagawa niyang tinapay ngayon, tutal ay naparami naman siya ng gawa.

Inilagay nila iyon sa isang styrofoam na binalutan ng mga katsa sa loob upang mapanatiling mainit ang mga tinapay at ibinenta nila iyon sa halagang limampiso ang isa. Ganoon na lang ang tuwa ng magkakapatid nang may bumili sa kanila ng isa…hanggang sa sunod-sunod na’t naubos ang kanilang paninda!

Kulang-kulang sa limang daang piso ang kinita ng magkakapatid nang araw na ’yon dahil sa naisip nilang pakulo. Naisip ni Ester na ibiling muli iyon ng mga sangkap sa paggawa ng nasabing tinapay upang kinabukasan ay may maibentang muli ang magkakapatid. Doon nagsimula ang kanilang negosyo, na siyang naging daan upang nang sumunod na pasukan ay pare-pareho silang makabalik muli sa eskuwelahan!

Dahil sa pagtitiyaga ng magkakapatid sa pagbebenta ng nasabing tinapay ay hindi nila inaasahang nakaipon sila ng perang maaari nilang ipangsimula upang muling buksan ang panaderya ng kanilang ama. Agad namang pumatok ang kanilang bersyon ng bagong panaderya, dahil sa kakaibang mga pakulo at mga bagong lasa ng tinapay na naiisip ni Ester sa tuwina. Lalo pa ngang pumatok ang kanilang negosyo nang makatapos siya ng hayskul at kumuha ng vocational course tungkol sa pagluluto ng tinapay.

Ngayon ay kilala na ang magkakapatid bilang may-ari ng isang sikat na bakeshop na may branch sa iba’t ibang lugar na siyang nagbibigay sa kanila ng milyon-milyong kita! Salamat sa sikretong sangkap ng kanilang tagumpay na nakuha pa nila, dahil sa labis na hirap ng buhay noon…at iyon ay ang pagtitiyaga, na hanggang ngayon ay isinasagawa pa rin ng magkakapatid.

Advertisement