Isang Masamang Balita ang Dumurog sa Mag-anak; Paano Nila Iyon Tatanggapin nang Maluwag sa Dibdib?
Bigong lumabas ng opisina ng doktor ang matandang si Arturo. Katatanggap niya lang kasi ng balita na may taning na ang buhay niya.
Anim na buwan. Iyon na raw ang pinakamahaba.
Nanlalambot na napaupo siya sa isa sa mga upuan sa labas ng opisina. Akala ni Arturo ay handa na siyang mamat*y, ngunit nang marinig niya ang sinabi ng doktor ay tila may sumipa sa dibdib niya.
Paano na ang asawa niya? Ang mga anak niya? Ang mga apo niya? Ni hindi man lang siya nabigyan ng pagkakataon na makasama ang mga ito nang matagal.
Pinunasan ng matanda ang luha na tumulo mula sa kaniyang mga mata. Kailangan niya pang mag-ipon ng lakas ng loob. Hindi niya sigurado kung paano niya sasabihin sa kaniyang mga kaanak ang masamang balita.
Una niyang sinabi ang masamang balita sa asawa. Gaya ng inaasahan niya ang labis-labis nga ang pag-iyak nito.
“Paano na ako kung wala ka? Ayokong maiwan nang nag-iisa, Arturo!” humagahulhol na bulalas nito.
Natatawang niyakap niya ang asawa, kahit ang totoo ay tila dinudurog ang puso niya.
“Hindi ka naman mag-iisa. Nariyan pa naman ang mga anak at mga apo natin…” alo niya sa babae.
Matagal-tagal pa itong nag-iiyak bago nakabawi.
“Sa kaarawan mo, imbitahin natin ang buong pamilya. Doon natin sasabihin sa kanila,” suhestyon ng asawa, na sinang-ayunan niya.
Sumapit ang kaniyang kaarawan. Gaya ng tradisyon ng pamilya nila kapag may okasyon ay muling nagsama-sama ang pamilya nila sa bahay nilang mag-asawa.
Ginagawa nila iyon sa tuwing may mayroong may kaarawan, o ‘di kaya ay Pasko, Bagong Taon, at iba pang mga okasyon.
Matapos ang kainan at palaro ay nagtipon ang lahat sa sala.
“May nais sana ako sa inyong sabihin…” panimula ni Arturo.
Tahimik na naghintay ang lahat.
“Noong nakaraang araw ay kumonsulta ako sa doktor dahil sa madalas ng pagsakit ng tiyan ko. Sa pagsusuri ng doktor ay nalaman na may sakit pala ako. Binigyan ako ng doktor ng anim na buwan, iyon na raw ang pinakamatagal…” dire-diretsong kwento niya sa mga kapamilya.
Kitang-kita niya ang gulat at pagkabigo sa bawat isa.
Nang mapabunghalit ng iyak ang bente otso anyos niya na bunsong anak ay bumuhos na ang luha ng lahat.
Matatanda man o bata, bawat isa ay lumuluha dahil sa napipintong paglisan ng kanilang kapamilya.
“H-hindi na ba pwede pang gamutin, Papa? Baka may magawa pa tayo,” umiiyak na tanong ni Edna, ang panganay niyang anak.
Bigo siyang umiling.
“Hindi na raw pwede, anak. Matanda na raw ako at hindi ko na kakayanin ang operasyon. Gusto ko sana na maging komportable ako sa mga nalalabi kong araw. Sana ay maunawaan niyo,” naluluhang wika niya sa kaniyang mga anak.
Walang patid ang pagbuhos ng luha. Walang sinumang makatanggap ng masamang balita. Ang araw na puno sana ng kasiyahan ay nauwi sa iyakan.
“Pero ‘wag kayong mag-alala, mga anak. Hindi ba’t mabuti na rin ito na nalaman natin nang mas maaga? May panahon pa ako para makasama kayo,” alo niya sa pamilya.
Gabi na nang matapos ang salu-salo ng mag-anak. Lahat ay umuwing matamlay at bagsak ang balikat.
Ngunit kinabukasan, nagulat silang mag-asawa nang mabungaran nila muli ang kanilang mga anak kasama ang kani-kanilang mga pamilya.
“Anong ginagawa niyo rito?” gulat na usisa niya.
Ang bunso ang sumagot.
“Papa, sabi mo kasi, wala na tayong ibang magagawa para gumaling ang sakit mo. Pero naalala ko ‘yung madalas nating gawin noong mga bata pa kami…” anito.
“Sabay-sabay tayong nagdarasal noon. Kaya nais namin na gawin ulit natin iyon bilang isang pamilya,” sabat ni Andrei, ang nag-iisang lalaki.
Pigil na pigil ni Arturo ang mapaluha. Halos limot niya na kasi bahaging iyon ng nakaraan nila. Masaya siya na naalala pa ng mga anak niya ang pagdarasal nila bilang isang buong pamilya.
Muling nagbalik ang kulay sa bahay nila. Nagmistula iyong bahay noong bata pa ang mga anak niya. Ang kaibahan lang ay mga magulang na rin ang mga anak niya.
Bago sumikat ang araw ay sama-sama silang nagdarasal, gayundin bago matapos ang araw. Bawat isa ay naniniwala na may darating na milagro sa pamilya nila.
Mabilis na lumipas ang anim na buwan. Si Arturo ay bahagya nang nakakaramdam ng panghihina, lalo na sa tuwing sumusumpong ang sakit niya.
Anumang araw ay inaasahan na ni Arturo na kukunin na siya ng kamat*yan, ngunit ang anim na buwan ay naging pito, ang pito ang naging walo.
Nasa ika-siyam na buwan na siya nang maglakas loob sila na kumonsulta sa doktor.
Doon ay nalaman nila ang isang nakagugulat at hindi kapani-paniwala na resulta.
“Base sa mga laboratory tests, wala na akong makitang sensyales ng sakit mo. Ituloy-tuloy mo lang ang pag-inom ng bitamina at ehersisyo, patuloy ka pang lalakas,” gulat na anunsyo ng doktor. Maging ito ay naniniwala na isang himala ang nangyari sa kaniya.
“May ininom ka ba na kung anong gamot?” usisa pa nito.
Naiiling na napangiti siya.
“Wala ho. Malakas lang ho siguro kami sa nasa itaas,” sabi niya pa habang nakaturo ang daliri sa itaas.
Marami pang ibinilin ang doktor, ngunit halos wala na roon ang pansin ni Arturo. Ang alam niya ay may mahaba-haba pa siyang panahon para makasama ang mga mahal niya sa buhay.
Walang pagsidlan ang saya niya. Maging ang mga anak niya ay labis ang pagdiriwang sa natanggap nilang magandang balita.
Mabuti na lang pala at hindi sila sumuko. Dahil wala nang iba pang mas makapangyarihan kaysa sa sama-samang panalangin—nagagawa nito kahit ang mga bagay na pinakaimposible.