Nilagay Niya sa Kapahamakan ang Kaniyang Kaibigan; Sa Huli ay Kinailangan Niyang Pagbayaran ang Kasalanan
“‘Wag mo akong iwan dito, Trina!” pakiusap ng kaibigan niya na si Kyra habang malakas nitong kinakatok ang salamin ng sasakyan niya.
Tila walang narinig na pinasibad niya ang sasakyan.
Habang papalayo siya sa madilim na lugar na iyon ay narinig niya pa ang malakas na tili ni Kyra kasabay ang malakas na halakhakan ng ilang kalalakihan.
Nakaramdam man ng sundot ng konsensya ay ipinilig niya ang ulo.
“Wala akong kasalanan. Sasaktan nila ako kung isinakay ko si Kyra. Si Kyra ang gusto nila,” nanginginig na bulong niya.
Pinalabo ng luha ang mga mata niya nang maalala niya ang nangyari kani-kanina lamang.Kalalabas lang nila ng bar nang apat na kalalakihan ang lumapit sa kanila ni Kyra. May malisyosong ngiti kaagad sa labi ng mga lalaki, na malagkit ang tingin sa kasama niya.
Lihim na lang siyang napairap. Sa tuwing magkasama kasi silang dalawa ay halos walang nakakapansin sa kaniya.
Parati na lamang na kay Kyra ang lahat ng atensyon.
Kaya naman nang ngumiti sa kaniya ang isa sa mga makikisig na lalaki ay hindi maiwasan ng puso niya na sumikdo.
“Pwede ba namin kayong yayain na tumambay sa kabilang bar?” magiliw na yaya ng lalaki.
“Oo ba!” game na pagpayag niya, bago pilit na inignora ang pagkontra ni Kyra.
“Kung ayaw mong sumama, mauna ka nang umuwi,” inis na asik niya pa, bago ito itinulak mula sa pagkakakapit nito sa braso niya.
Sa huli ay wala itong nagawa kundi ang sumama sa kaniya. Hindi nila inakala na ikapapahamak nila iyon.
Dinala sila ng mga kalalakihan sa likurang bahagi ng bar.
Nakatakbo siya at nakatakas, ngunit naiwan doon si Kyra.
“Wala akong kasalanan. Iniligtas ko lang ang sarili ko…” pilit niyang pangngumbinsi sa sarili habang matulin ang pagpapatakbo ng kaniyang sasakyan.
“Hindi naman siguro nila sasaktan si Kyra…” sa isip-isip niya.
Subalit kahit ang sarili niya ay hindi niya makumbinsi.
Halos buong gabi siyang binagabag ng konsensya niya. Noon niya lang napagtanto na mali siya sa ginawa niyang pang-iiwan kay Kyra.
Kaya naman nang sumapit ang umaga ay agad-agad niyang tinungo ang bahay ng kaibigan. Nais niyang humingi ng tawad dito.
Ngunit nang huminto ang sasakyan niya sa tapat ng bahay ng kaibigan ay nanlamig siya. May mga pulis kasi sa bakuran. Seryoso ang pag-uusap ng mga ito.
Alanganin siyang lumapit at nag-usisa.
“Bakit ho may mga pulis dito? M-may nangyari po ba sa kaibigan ko?” kabado niyang tanong.
Nagkatinginan ang dalawang pulis bago sumagot ang isa sa mga ito.
“Hindi niyo pa po pala alam, ma’am. Natagpuan po kasing pat*y si Kyra Rosario kaninang madaling araw,” kwento ng pulis.
Sa mga eksaktong sandali pang iyon lumabas sa mula sa pinto ang ina ni Kyra na walang patid sa pagpalahaw ng iyak.
Natulala si Trina sa narinig, bago awtomatikong napaluha.
“Hindi pa po matukoy ng pulis ang gumawa nito sa biktima. Baka ho may alam kayo, ma’am?” kapagkuwan ay usisa ng isa sa mga pulis.
Tila umurong ang dila niya at binalot siya ng labis na takot.
Kapag kasi ikinuwento niya sa mga ito ang nangyari ay lalabas na may kasalanan siya sa nangyari. Itinulak niya kasi ang kaibigan sa kapahamakan.
“Ma’am? Alam niyo po ba kung sino ang huling kasama ng biktima?” untag ng pulis.
Matigas siyang umiling, bago dali-daling umalis sa lugar na iyon. Iniwan niya ang dalawang pulis na takang-taka sa inasta niya.
Habang nagmamaneho siya ay gulong-gulo ang isip niya.
“Wala kang kasalanan. Hindi nila malalaman ang totoo…” bulong niya sarili.
Ipinokus niya ang atensyon sa pagmamaneho. Ngunit dahil sa kawalan ng tulog noong nakaraang gabi ay halos mapapikit na siya sa labis na antok.
Ilang sandali niya pinigilan iyon bago siya tuluyang ginupo ng pagod at antok.
Hindi niya alam kung ilang segundo na siyang nakapikit nang tila may malamig na hangin na dumampi sa batok niya.
Nang sulyapan niya ang likurang bahagi ng sasakyan, nanlamig siya nang makita niya ang babaeng nakaupo. Si Kyra!
Malungkot ang mga mata nito, tila may nais na sabihin.
Naagaw ang atensyon niya ng sunod-sunod na busina. Isang trak na kasalubong ang babangga sa kaniya!
Buong lakas niyang kinabig pakaliwa ang manibela, dahilan upang bumangga siya sa isang puno sa gilid ng kalsada. Sa kabutihang palad ay sugat lamang sa braso ang tinamo niya.
Nanginginig na muli niyang sinulyapan ang likuran. Wala na roon si Kyra.
“Maswerte ho kayo, Ma’am. Nakita ko ang CCTV. Kung hindi niyo nakabig ang manibela, durog ang sasakyan niyo roon sa trak,” naiiling na komento ng rumespondeng pulis.
Nanlalambot na napatango siya. Kung hindi nagparamdam sa kaniya si Kyra, baka hindi niya naiwasan ang kasalubong na trak.
Alam niya na iniligtas ng kaibigan ang buhay niya. Kahit pa ipinahamak niya ito.
Bago pa mamalayan ni Trina ay tumutulo na pala ang luha niya. Isang desisyon ang nabuo sa isip niya—bibigyan niya ng hustisya ang pagkawala ng kaibigan niya.
“M-may alam ho ako. May ideya ho a-ako kung s-sino ang pumat*y kay Kyra Rosario,” sa garalgal na boses ay pag-amin niya.
Matamang nakinig ang mga pulis nang ikwento niya ang mga pangyayari bago ang pagkasawi ng kaibigan niya.
Nang imbestigahan ang mga kalalakihan na itinuro niya, nakakuha ng ebidensya ang mga pulis na ang mga ito nga ang salarin. Sa huli ay nasintensyahan ang mga lalaki ng habambuhay na pagkakakulong.
“Maraming salamat sa ginawa niyo, Ma’am. Sana ho ay matahimik na ang kaluluwa ng kaibigan niyo,” anang pulis.
Napaluha na lang si Trina. Alam niya na kulang pa ang ginawa niya para mabayaran ang kasalanan niya sa kaibigan.
Ngunit patuloy niyang ipagdarasal na tuluyan nang matahimik ang kaluluwa nito.