Dahil Matalino sa Eskwela, Tingin ng Binata ay Alam na Niya ang Lahat ng Bagay sa Buhay; Sa Ugali Niyang Ito’y Mapapamahak ang Kaniyang Tatay
Simula nang makatanggap ng pinakamataas na karangalan o mas kilala sa tawag na summa cum laude noong siya’y nasa kolehiyo, tumaas na ang tingin ng binatang si Reynold sa kaniyang sarili. Hindi siya basta-basta nag-aapply sa pipichuging kumpanya kahit malaki na ang sahod na ilatag sa harapan niya, minamaliit niya ang mga kasabayang aplikante kapag hindi makapagsalita nang diretsong ingles sa harap ng mga nag-iinterbyu, at lalo’t higit, pakiwari niya, dahil sa karangalang iyon ay alam na niya ang lahat ng pasikot-sikot sa mundo at wala nang mas matalino pa sa kaniya.
Sa katunayan, pakiramdam niya’y kaya niyang gawin ang lahat dahil sa talinong mayroon siya. May mas tiwala pa nga siya sa sarili niyang katalinuhan kaysa sa mga impormasyong binabalita sa telebisyon, nababasa niya sa internet, sa mga sinasabi ng mga propesyonal na taong katrabaho niya, pati na rin sa mga doktor na pakiwari niya’y nag-iimbento na lamang ng sakit upang kumita ng pera.
Marami man ang mainis sa kaniya dahil sa ganitong pag-uugali niya, hindi niya kailanman naisip na ito ay baguhin. Katwiran niya pa, “Bakit ko babaguhin ang sarili ko para lang sa mga taong mababa ang pag-iisip?”
Isang araw, habang nag-iinit siya ng tubig panligo, napansin niyang dahak nang dahak sa kanilang lababo ang tatay niyang kakatapos lamang kumain ng almusal.
“Anong problema, tatay? May ubo ka ba?” pang-uusisa niya rito.
“Wala, anak, natinik lang ako ng isdang kinain ko! Ang sakit-sakit kapag lulunok ako, eh, kaya sinusubukan kong idahak! Pakiramdam ko kasi nandito lang ‘yong tinik sa may bukana ng lalamunan ko, eh,” kwento ng kaniyang ama habang hawak-hawak ang lalamunan.
“Huwag mong pilitin na idahak, papa! Baka magkasugat ang lalamunan mo! Kumuha ka roon ng flashlight at sisilipin ko ‘yang lalamunan mo!” utos niya rito na kaagad naman nitong sinunod.
Pagkaabot nito ng flashlight, dali-dali niya itong pinanganga at sinilip ang lalamunan nito.
“Ay, Diyos ko! Narito nga lang nakabaon sa may bukana ang tinik, papa! Nasaan ang gunting natin? Akin na, dudukutin ko na lang!” sabi niya na ikinaalarma ng kapatid niyang nagkakape sa isang tabi.
“Naku, kuya, delikado ‘yan! Baka mamaya, may masanggi ka sa lalamunan ni papa, lalala pa ang lagay niya! Dalhin na lang kaya natin sa doktor si papa para mas makasigurado tayong magiging maayos ang lahat?” sabat nito na talagang ikinainis niya.
“Ano ka ba, bunso? Ganito rin naman ang tiyak na gagawin ng mga doktor! Gagastos pa tayo ng isang libong piso, kayang-kaya ko naman itong alisin!” galit niyang sabi rito.
“Teka, anak, parang mabuti pa nga, magpadoktor na ako. Pakiramdam ko kasi malalim ang baon ng tinik dahil nakailang saging na ako, ayaw pa ring matanggal,” pangamba ng kaniyang ama na hirap na hirap pa rin sa kalagayan ng lalamunan.
“Magtiwala ka sa akin, papa! Hindi ako magiging summa cum laude kung tat*nga-t*nga ako! Nganga na, dali, kukulo na ang pinapainit kong tubig!” sigaw niya rito kaya agad itong ngumanga at nagtiwala sa kaniya.
Kaya lang, habang pinipigilan niya ang kabang nararamdaman upang matagumpay niyang makuha ang naturang tinik, bigla namang sumirit ang takoreng pinapainit niya na labis niyang ikinagulat. Ito ang naging rason upang masugatan niya ang lalamunan ng kaniyang ama. Nagtalsikan ang dugo na sumirit mula sa sugat na kagagawan niya.
Katulad ng payo ng kapatid niya kanina, agad nga nila itong dinala sa ospital at nang ikwento nila sa doktor ang nangyari, agad siya nitong sinermunan.
“Hijo, hindi porque matalino ka, alam mo na ang lahat dahil hindi lahat ng bagay ay tinuturo sa eskwelahan katulad na lamang ng tamang pag-uugali at pagtitiwala sa mga propesyonal,” malumanay nitong sabi sa kaniya saka agad nang pinuntahan ang tatay niyang nahihirapan na sa sakit na nararamdaman.
Dahil sa pangyayaring iyon, napagtanto niyang hindi sapat na dahilan ang karangalang natamo niya upang gawin niya ang lahat ng bagay. Hindi siya dapat labis na magtiwala sa sariling kakayahan, lalo’t higit kung may ibang taong lubos na maaapektuhan.
Sa kabutihang palad naman, agad ding nalunasan ang kaniyang ama. Kaya lang, ang isang libong pisong gastos niya sana kung agad niya itong dinala sa doktor, naging sampung libong piso tuloy.
Ganoon man kalaki ang perang nawala sa kaniya, lumuwag naman ang pakiramdam niya dahil ngayo’y nakakasiguro na siyang nasa maayos nang lagay ang kaniyang ama.
Simula noon, hindi na siya muling naggaling-galingan sa lahat ng bagay na nakatulong naman nang malaki sa pagbabago ng kaniyang pag-uugali at pagpapalawak pa lalo ng kaniyang kaalaman.