Inday TrendingInday Trending
Siya na Nga ang Nakiapid ay Siya pa ang Matapang; Pinandirihan Tuloy ang Babae ng Sarili Niyang mga Kaanak

Siya na Nga ang Nakiapid ay Siya pa ang Matapang; Pinandirihan Tuloy ang Babae ng Sarili Niyang mga Kaanak

Muli na namang umiingay sa kanilang barangay ang pangalan ng ginang na si Freya. Kung dati’y pinag-uusapan siya ng kaniyang mga kabarangay dahil sa pagiging mabuti niyang ina sa kabila ng ginawang panloloko ng kaniyang asawa, ngayo’y pinag-uusapan naman ang pangangabit na ginawa niya sa lalaking halos kalahati ng edad niya!

“Freya, totoo ba ang bali-balita ngayon sa ating barangay? Talaga bang may relasyon kayo ni Philip? Hindi ba’t bente anyos lamang iyon?” sunod-sunod na tanong ng kaniyang kumare na katuwang niya sa pagtitinda ng mga lutong ulam.

“Alin ba sa mga tinanong mo ang una kong kailangang sagutin, ha? Pero sa bagay, lahat naman ng usap-usapan tungkol sa akin ngayon ay totoo! At hindi lang kami basta may relasyon ni Philip, parehas pa naming pinapasaya ang isa’t-isa pagdating sa kama!” pagmamalaki niya pa na tila ba wala siyang kasalanang ginawa.

“Diyos ko, Freya! Ano ba naman ‘yang pinasok mong gulo? Hindi mo ba alam na halos pandirihan ka ng lahat ng kabarangay natin? Bukod pa roon, alam mo namang buntis ang kinakasama niya ngayon, ‘di ba? Bakit hindi mo pinigilan ang temptasyon, Freya?” nangangamba nitong wika.

“Tapos ka na magdadakdak d’yan? Pwede mo na ba akong tulungang magbalot ng lumpia rito? Alas diyes na, kulang pa ang mga putaheng ibebenta ko sa karinderya!” sigaw niya rito.

“Tingin mo ba may bibili sa’yo kung ganoon ang ginawa mo?” tanong pa nito saka agad nang kinuha ang mga apa ng lumpia na nasa ref niya.

“Ano bang masama sa ginawa ko, ha? Ako ba ang unang nagbigay ng motibo? Saka, hindi naman sila kasal, eh! Kung tutuusin nga, may karapatan akong ipademanda ang kinakasama niya dahil sa ginagawang paninira sa puri ko! Akala niyo ba hindi ko alam? Pinagpiyestahan niyo na ang litrato ng hub*d kong katawan na nasa selpon ng dalagang iyon, hindi ba? Gusto mo bang pati ikaw, isama ko sa kakasuhan ko? Huwag mo akong maplastik-plastik, ha!” galit na galit niyang sabi rito habang dinuduro-duro niya ito ng kutsilyo kaya agad itong napatakbo palayo.

Sa paghabol niya sa kumare niyang iyon, nakasalubong niya sa bukana ng kaniyang tindahan ang kaniyang panganay na anak na galing sa dorm nito malapit sa unibersidad na pinag-aaralan nito. Buong akala niya’y magmamano ito o hahalik, kagaya ng nakasanayan nito, ngunit siya’y hindi lang basta nilagpasan nito, siya’y inirapan pa nito na talagang ikinagulat niya.

“May problema ka ba, anak?” tanong niya rito.

“Napapaisip lang ako, bakit kung sino pa ‘yong taong nakaranas ng hirap dahil sa manlolokong asawa ay siya pa ngayon ang nakikiapid sa may asawa. Baka nakakalimutan mo, rito rin ako nakatira at rinig na rinig ko ang lahat ng usapan tungkol sa’yo. Nakakadiri ka!” galit nitong sagot saka siya tiningnan mula ulo hanggang paa.

“Ayusin-ayusin mo ang pananalita mo sa akin!” sigaw niya rito saka niya ito inambaan ng hawak niyang kutsilyo.

“Ikaw ang umayos, Freya! Nakakahiya ka! Ikaw na ang may kasalanan, ikaw pa ang nagagalit at nagmamayabang! Pinagmamalaki mo na kabit ka? Na nakasira ka ng pamilya? Pati ako na nananahimik sa Maynila, bubulabugin ng mga kaanak ng dalagang inagawan mo ng kinakasama!” sigaw naman ng kaniyang ina na kakadating lang mula pa sa Maynila.

Dahil sa mga sinabi ng kaniyang anak at sariling ina, siya’y biglang nakaramdam nang matinding pangongonsenya. Lalo pang madagdagan ang pangongonsenyang nararamdaman niya nang malaman niyang nalaglagan ng dinadalang bata ang naperwisyo niyang dalaga dulot ng stress.

Iyon na ang nagbigay daan sa kaniya upang makapag-isip na nang tama. Alam niyang hindi basta-basta masosolusyunan ng simpleng paghingi ng tawad ang gusot na pinasok niya kaya bukod sa paghingi niya ng tawad sa babae at sa pamilya nito, pinutol niya na rin ang relasyon sa kinakasama nito at nagpakalayo-layo kasama ang kaniyang mga anak.

Nahirapan man siyang makibagay sa bagong barangay na kinabibilangan niya at muling kuhanin ang loob ng kaniyang mga anak, pinakita niya sa mga ito na tuwid na ngayon ang kaniyang pag-iisip.

Katulad ng dati, tinuon niya ang lahat ng kaniyang atensyon sa pagnenegosyo at pag-aalaga sa kaniyang mga anak kasabay ng patuloy niyang pagsisisi sa kasalanang kaniyang ginawa hindi lang sa babaeng iyon kung hindi pati na rin sa Diyos.

“Ikaw na ang bahala sa akin, Panginoon ko, linisin Mo ang puso’t isip ko at patawarin Mo ako,” tangi niyang panalangin gabi-gabi hanggang sa tuluyan niya na ring mapatawad ang sarili.

Advertisement