
Walang Abisong Pinatungan ng Babae ang Renta sa Negosyong Apartment ng Kapatid Niya; Ito ang Napala Niya nang Inggit ang Pinairal Niya
Tagapangalaga ng isang compound ng mga paupahang apartment ang ginang na si Lolit. Tatlong taon na simula nang ipagkatiwala sa kaniya ito ng kaniyang kapatid na nasa abroad. Hindi naman siya talo sa pagpapanatili ng kagandahan ng lugar at paligid no’n dahil bukod sa libre na siyang pinapatira sa isa sa mga apartment doon ng kaniyang kapatid, mayroon pa siyang sinasahod at nakukuhang kung anu-anong tulong mula rito.
May pagkakataon pa ngang sa loob ng isang buwan, napapadalhan siya nito ng pera pambili ng washing machine, telebisyon at kung ano pang gamit na kailangan sa bahay niya. Hindi rin ito madamot sa kaniya at sa kaniyang mga anak. Isang hingi niya lang rito, agad itong magpapadala ng pera lalo na kung para sa pag-aaral ng dalawa niyang anak na nasa hayskul na.
Sa ganda ng mga apartment na pinapaupahan ng kaniyang kapatid, nagkakahalaga ito ng sampung libong piso kada buwan. Mayroon itong dalawang kwarto, isang palikuran, malawak na sala at kusina at may kaniya-kaniya pang garahe.
Dahil may kamahalan ang singil, madalas, may kayang mga tao ang napapatira roon. Wala naman siyang nagiging problema sa mga nangungupahan doon. Sa katunayan, nasisiyahan pa siya dahil mababait ang mga ito at palagi siyang inaabutan ng kung ano mang tulong.
Kaya lang, isang araw, habang pinagmamasdan niya ang mga apartment na pagmamay-ari ng kaniyang kapatid, siya’y bahagyang nakaramdam ng inggit hanggang sa kwestiyunin na niya ang pagpapasahod nito. Sabi niya pa, “Sampung apartment ang pinapaupahan niya at kumikita siya ng isang daang libong piso kada buwan, tapos ang pasahod niya lang sa akin ay limang daang piso kada araw?” saka siya nakapag-isip ng paraan kung paano pa siya kikita sa pamamagitan ng pagiging caretaker dito.
Dali-dali siyang nagtungo sa bawat apartment at kaniyang sinabi sa mga nangungupahan na magtataas ng dalawang libong piso ang renta kada buwan.
Dahil nga mayayaman at may tiwala sa kaniya ang mga ito, kahit walang kasulatan o kahit abiso mula sa kaniyang kapatid, agad na sumang-ayon ang mga ito.
Sa ganoong paraan, lalong lumaki ang perang kinikita niya kada buwan. Bukod pa ang pinapadalang tulong ng kaniyang kapatid para sa kaniyang mga anak na talaga nga namang ikinaginhawa ng kaniyang buhay.
Ngunit, isang umaga, nagising na lamang siya sa sigawan ng mga nangungupahan.
“Ate Lolit! Ate Lolit! Nasusunog ang panglimang apartment!” balita sa kaniya ng isa sa mga ito.
“Ano? Paano nangyari ‘yon?” natataranta niyang tanong.
“Hindi ko alam, ate, wala namang tao roon, eh! Kahapon pa sila umalis para magbakasyon sa Boracay! Baka may naiwan silang nakasaksak na…” hindi na nito natapos ang sasabihin dahil may bigla nang sumabog sa loob ng naturang apartment dahilan para lahat ng nangungupahan doon ay magsilikasan na.
“Diyos ko! Nakalimutan ko pa lang rumonda kagabi!” sigaw niya saka agad na kinalma ang sarili upang mapindot niya ang kanilang telepono’t makahingi ng tulong sa mga bumbero.
Kaya lang, halos trenta minuto pa ang kanilang hinintay bago dumating ang mga bumbero na mula pa sa Maynila dahil sira raw ang sasakayan ng bumbero sa kanilang lungsod!
Ito ang dahilan para matupok ang ilang apartment na pagmamay-ari ng kaniyang kapatid. Sa labis na pag-aalala nito, dali-dali itong umuwi ng Pilipinas upang masolusyunan ang delubyong kanilang naranasan.
Kinausap nito ang mga nangungupahang nasunugan at doon nito nalamang tinaasan niya ang singil sa mga ito na agad nitong ikinagalit.
“Bakit mo naman ‘yon ginawa, Lolit? Hindi porque mayayaman sila, gagatasan mo na at magtataksil ka sa akin! Ngayong nasunugan sila, gusto nilang kuhanin ang hinulog nila dahil sa pinsalang nangyari! Bakit ba hindi ka nakapagronda kagabi, ha?” sigaw nito sa kaniya.
“Pasensya ka na, ate, gusto ko rin kasing kumita ng pera. Hindi rin ako nakapagronda dahil akala ko, maayos naman ang lahat,” nakatungo niyang wika.
“Sana sinabi mo! Sana binigyan kita ng sariling pangnegosyo mo! Hindi ‘yong uutakan mo ako sa negosyo ko! Ano na ngayon ang gagawin ko, ha? Nasiraan na nga ako ng pag-aari at negosyo, mawawalan pa ako ng pera dahil sa hindi mo paggawa ng trabaho mo!” bulyaw pa nito habang galit na galit na pinaghahahagis ang mga gamit na kaniyang naisalba sa sunog.
Dahil sa pangyayaring iyon, hindi na siya muling tinulungan ng kapatid niyang iyon. Hinayaan man siya nitong manirahan sa apartment na muli nitong pinapaayos pero hindi na ito pinaalaga sa kaniya at hindi na siya nito pinapansin pa hanggang sa makabalik na ito sa ibang bansa.
Todo hingi man siya ng pasensya rito, minabuti na nitong lumayo sa kaniya sa takot nitong may mas malala pa siyang gawin na ikakabagsak ng buo nitong negosyo.
Hindi niya alam kung saan magsisimula noon. Sa kabutihang palad, madidiskarte ang kaniyang mga anak at nagnegosyo ang mga ito upang siya’y matulungan na talagang ikipagpasalamat niya sa Panginoon.
Panalangin niya, “Nagkasala na ako pero pinatawad at binigyan Mo pa ako ng bagong simula sa pamamagitan ng mga anak ko. Sana pagdating ng panahon, mapatawad na ako ng kapatid ko.”
Wala talagang magandang napapala kapag inggit ang pinairal, ‘no?