Inday TrendingInday Trending
Nawalan ng Pag-Asa ang Binata Dahil Sinagot na ng Babaeng Iniibig Niya ang Manliligaw Nito; Mali Pala ang Akala Niya

Nawalan ng Pag-Asa ang Binata Dahil Sinagot na ng Babaeng Iniibig Niya ang Manliligaw Nito; Mali Pala ang Akala Niya

“Parang gusto ko nang gantimpalaan ang pagiging matiyaga sa akin ni Franco, parang…gusto ko na siyang sagutin,” wika ni Harlene sa kaibigang si Steven.

Parang may bumara sa lalamunan ng lalaki nang marinig ang sinabi ng dalaga.

“A-ano k-kamo?”

“Nakikinig ka ba? Ang sabi ko, gusto ko nang tapusin ang paghihirap ni Franco, balak ko na siyang sagutin. What do you think?” ulit niya.

Hindi talaga makapagsalita si Steven. Wala siyang ibang masagot sa tinuran ng kaibigan kahit pa napakakaswal lang ng pagkakabanggit nito.

“Ha? A, eh…”

Nasabi na lang niya ang unang pumasok sa isip.

“Ikaw lang ang makakapagdesisyon niyan, kung sa tingin mo’y siya talaga ang pinaka-deserving sa mga manliligaw mo…bakit hindi?” tugon niya.

Ilang buwan nang nanliligaw ang lalaki sa kaibigan niyang si Harlene. Kasama nila ito sa pinagtatrabahuhan nilang kumpanya. Mabait naman ang lalaki at guwapo, mayroon din itong mataas na posisyon sa opisina. Dahil pursigido ito ay pinag-iisipan na ni Harlene na sagutin na ito pero ang problema ni Steven…

“Paano naman ako? Paano naman ang sariling kong damdamin para sa kaniya?” malungkot na tanong niya sa sarili.

Matagal na silang magkaibigan ni Harlene kaya kahit may pagtingin siya sa dalaga ay mas pinahalagahan na lang niya ang kanilang pagkakaibigan pero tila nagsisisi siya ngayon…

“Sa sobrang pagkokonsidera ko sa friendship namin, imbes na makahabol pa ako’y tuluyan na akong natalo by default,” saad pa niya sa isip.

Nang sumunod na araw, nakita niya si Harlene, kasama nito si Franco habang palabas ng opisina. Magkahawak kamay ang dalawa. ‘Di sinasadyang napansin siya ng mga ito.

“Steven!” sigaw ng dalaga.

Iiwas sana siya pero wala siyang nagawa kundi lapitan ang mga ito.

“Uuwi na rin ba kayo?” tanong niya.

“Oo, ihahatid daw ako ni Franco. Gusto mo sumabay ka na sa amin?” sabi ni Harlene.

“Naku, hindi na. May dadaanan pa ako, eh. Mag-iingat kayo ha? Franco, ikaw nang bahala sa kaibigan ko ha?” sagot niya.

“Huwag kang mag-alala, pare. Safe na safe sa akin si Harlene,” tugon naman ng lalaki.

“Bye, Steven. Mauuna na kami,” sabad ng kaibigan.

“Sige,” aniya.

Pagkaalis ng dalawa…

“Abut-abot ang pagkakangisi ng lokong Franco. Maliwanag na silang dalawa na ngayon,” inis niyang sabi.

Hindi niya maiwasang masaktan. Sinagot na ng babaeng matagal na niyang iniibig ang manliligaw nito. Laking panghihinayang niya, kung dati niya pa nilakasan ang loob na magtapat ng nararamdaman kay Harlene, ‘di sana’y siya ang masaya ngayon at hindi ang lalaki.

Ang dapat siguro’y sikapin na lang niyang ibaling ang interes at atensyon niya sa ibang babae. Dapat na niyang kalimutan si Harlene.

“Lalo kang gumaganda, Stella. Para tuloy gusto kitang i-treat uli ng meryenda,” kantiyaw niya sa isa niyang ka-opisina.

“Talaga? Sinabi mo ‘yan ha?” kinikilig namang sabi ng babae.

Hindi iyon nakalusot sa kaalaman ni Harlene. Nakarating sa dalaga ang ginagawa niyang pagpapa-kyut sa kasamahan nila sa trabaho.

“Nililigawan mo ‘yung bagong sekretarya ni Mr. Capistrano, ano? Huwag kang magkakaila, Steven,” sabi sa kaniya ng kaibigan.

Umiling siya. “H-ha? Naku, hindi…”

Tinaasan siya ng kilay ni Harlene.

“Hmm, pero doon din ang tuloy.”

“Pero at least hindi pa,” nakangisi niyang sagot.

Gusto sana niyang sabihin na nililigawan nga niya ang babae para pagselosin ang kaibigan pero hindi niya kayang gawin, ayaw makiisa ng kaniyang puso.

“Haay, Harlene…kung alam mo lang ang totoo,” bulong niya sa isip.

Isang gabi, nagpasama sa kaniya ang babae sa mall. May bibilhin daw ito. Nagtataka naman siya kung bakit hindi ito kay Franco nagpasama.

Habang naglilibot sila ay may nakita silang mga pamilyar na mukha.

“Huh? Si Franco iyon, a! At kasama niya si Stella!” sabi niya sabay turo sa kinaroroonan ng mga ito.

Nabangusngis pa si Harlene nang makitang magkasama ang dalawa.

“Aba, oo nga ‘no! Ang bagal mo kasi, eh, ayan, mukhang mauunahan ka na ni Franco kay Stella mo.”

Ikinagulat naman ni Steven ang reaksyon ng dalaga.

“I-ibig mong sabihin, okey lang sa iyong pumorma pa sa iba ang boyfriend mo?” nagtataka niyang tanong.

Napalingon sa kaniya si Harlene.

“Ano? S-si Franco…boyfriend ko? Sinong may sabi? Huminto na nga siya ng panliligaw sa akin dahil sabi ko’y maging magkaibigan na lang kami.”

Nanlaki ang mga mata ni Steven.

“Ha?!”

“Hindi ko siyang nagawang sagutin. Hindi ko kasi nakumbinsi ang sarili kong mahalin siya,” paliwanag ni Harlene.

“K-kung gayo’y…”

Sa nalaman ay hahayaan pa ba ni Steven na pakalawan ang pagkakataon? Ngayon pa ba siya magpapatumpik-tumpik?

“Ang totoo’y hindi ko rin nagawang ligawan si Stella, dahil iba ang talagang mahal ko at…ikaw iyon, Harlene!” bunyag niya.

Napamulagat ang dalaga sa sinabi niya. Hindi ito makapaniwala kaya hindi na rin ito magpapatumpik-tumpik pa dahil…

“Minahal na rin kita nang higit pa sa malapit na kaibigan, Steven. Kaya nga hindi ko na magawang magmahal sa iba, kahit akala ko’y wala na akong mahihintay sa iyo,” pagtatapat ni Harlene.

Laking tuwa ni Steven dahil natupad na ang matagal na niyang pangarap, ang mahalin din siya ni Harlene.

“Hayaan mo, mula ngayon ay mas ipapadama ko sa iyo ang aking pagmamahal,” sagot niya saka masuyong hinalikan ang dalaga sa pisngi.

Naging masaya ang pagsasama nina Steven at Harlene. Tulad ng iba, hindi perpekto ang relasyon nila pero mas pinagtitibay sila ng tapat nilang pag-ibig sa isa’t isa.

Advertisement