
Imbes na Ibayad sa Matrikula ay Winaldas ng Dalaga ang Perang Ibinigay ng Magulang Niya Para sa Luho; Hagulgol Siya Nang Malaman ang Isinakprisyo ng mga Ito Para sa Kaniya
Tuwang-tuwa si Jean dahil nabili niya ang gustung-gusto niyang hand bag sa mall. Kulay pula iyon at branded. Siyempre iteterno niya ito sa bagong bili rin niyang pulang dress at itim na sapatos. Ginandahan din ng dalaga ang pagme-make up sa sarili dahil ayaw niyang magpatalbog sa mga kaklase niya. Kung maganda at sosyal ang mga ito, dapat ganoon din siya. Hinding-hindi siya papakabog ‘no!
“Saan ka na naman pupunta?” tanong ng Ate Maybelle niya.
“May lakad kami ng mga friends ko,” sagot niya saka tinaasan ng kilay ang kapatid.
“At saan na naman kayo maglalamyerda? ‘Di mo ba alam na alas otso na? Ke babae mong tao wala kang ginawa kundi maglakwatsa sa gabi! May pasok ka pa bukas, ‘di ba?” inis na sabi ng ate niya.
“Pwede ba ate, hindi kita pinakikialaman sa mga trip mo kaya sana huwag mo rin akong pakialaman ha?” nakairap na sagot niya.
Hindi nila alam ay kanina pa sila pinakikinggan ng kanilang inang si Aling Mely.
“Maybelle, huwag mo nang pigilan ang kapatid mo. Pero anak, huwag ka masyadong magpapagabi ha? Umuwi ka…”
Hindi na pinatapos ng dalaga sa pagsasalita ang ina…
“Okay fine! Sige na, alis na ako! Kung anu-ano pa kasi ang sinasabi, eh, wala namang nagawa!” bubulong-bulong na sabi ni Jean saka padabog na lumabas ng bahay.
Abot tainga ang ngiti ni Jean dahil wala na namang nagawa ang nanay at kapatid niya sa gusto niyang gawin. Magkikita-kita sila ng mga kaklase niya at maglalakwatsa sila sa dis oras ng gabi. Bahala na sila kung saan sila dalhin ng mga paa nila. Basta ang mahalaga ay marami siyang dalang pera.Imbes na ibayad sa matrikula niya ang perang hiningi sa mga magulang ay wawaldasin niya ito sa walang katuturan. ‘Yung damit, sapatos at mamahaling bag na binili niya ay kinaltas niya rin sa perang iyon. Wala siyang pakialam kung maubos iyon sa lahat ng luho niya, madali lang naman humingi ulit sa nanay at tatay niya. Dahil siya ang bunso ay paborito siya ng mga ito at palaging ibinibigay ang mga gusto niya. Isang ungot lang niya ay maglalabas ang mga ito ng pera para sa kaniya.
“Guys, sorry I’m late. Masyado kasing pakialamera ang kapatid ko. Hindi sana ako mahuhuli sa usapan natin kung ‘di siya humarang sa daraanan ko kanina. Naku, epal talaga, buti na lang at itong nanay kong uto-uto eh pinayagan akong umalis. So, saan ang gimik natin ngayon?” bungad niya sa mga kasama.
Sa bar ang punta ng magkakaklase nang gabing iyon. Magpapakasaya at magpapakalasing sila. Ipinagyabang na naman ni Jean na marami siyang pera kaya inilibre niya ang mga kasama. Sikat na sikat na naman siya mga ito.
“Wow, ikaw na naman ang taya, Jean? Iba ka talaga!” tuwang-tuwang sabi ng isa sa mga kaklase niya.
Sa isip ng dalaga, okey lang na gumastos siya, basta angat na naman ang bangko niya sa mga kasama. Ano na naman kaya ang idadahilan niya para makahingi ng pera sa mga magulang niya? Hmmm… bahala na, kahit naman anong sabihin niya ay mabilis siyang pagbibigyan ng mga ito kasi nga paborito siya.Kahit mabait ang nanay at tatay niya ay nagagawa niya pa rin itong lokohin. Ang totoo’y palagi siyang nagka-cutting classes at gumigimik lang kasama ang mga kaklase niya na masasamang impluwensiya sa kaniya.
Kinaumagahan ay ginising siya ng Ate Maybelle niya. Kulang na lang ay hilahin siya nito sa higaan.
“Hoy, bumangon ka na riyan! Male-late ka na sa klase mo! Ayan na nga ba ang sinasabi ko eh, naglakwatsa ka pa kagabi tapos naglasing ka pa!” sigaw nito.
Maya maya ay may nahulog mula sa kama…
“T-teka, a-ano ito?”
Isa iyong nakatuping papel na nang buklatin ng kapatid niya ay nanlaki ang mga mata nito.
“Ano ito, Jean? Anong ibig sabihin nito?”
Ang sulat na iyon ay nagsasabing hindi pa siya nakakabayad ng matrikula sa eskwela.
Bukod doon ay mas ikinangitngit ng ate niya nang makita ang report card niya na nasa ilalim ng unan.
“Ano ito? Puro bagsak ang grado mo! T*ngina, bakit ganito ang mga marka mo? Tapos itong letter na ito, ibig sabihin niloloko mo lang sina nanay? Pekeng resibo lang ang ibinigay mo sa kanila? Diyos ko, anong klase kang anak? Napakawalanghiya mo, singunaling!” galit na galit na sabi ni Maybelle.
“L*tse ka! Huwag mo nga akong pakialaman! Eh, ano naman kung niloko ko sila, kayo? Wala kang karapatan pagsalitaan ako ng ganyan dahil kapatid lang kita!” nakaangil na sagot niya.
Hindi na napigil ni Maybelle ang sarili, akmang sasampalin ang kapatid nang abutan sila ng mga magulang nila. Agad na umawat ang kanilang ina.
“Maybelle, tama na ‘yan! Mag-usap kayo nang maayos at huwag kayong magsigawan. Ano bang nangyayari?” tanong ni Aling Mely.
“Itong magaling ninyong anak, niloloko kayo! Hindi niya ibinayad ang ibinigay ninyong pera para sa matrikula niya. At itong mga grado niya sa eskwela, puro bagsak, hindi niya ipinapakita sa inyo!” sumbong ng ate niya sabay abot ng sulat at report card sa mga magulang.
Napabuntung-hininga ang nanay at tatay nila.
“Jean, anak, magpaliwanag ka sa amin. Iyong totoo lang sana anak,” kalmadong sabi ng tatay nilang si Mang Isko.
Wala nang nagawa si Jean kundi sabihin ang totoo. Wala na eh, nakorner na siya.
“Wala na ang pera, nagastos ko na. Ipinambili ko ng damit, sapatos at bag. Inilibre ko rin ang mga kaklase ko sa bar kasi tiyak na kakantiyawan nila ako kapag hindi ko sila pinagbigyan. Saka anong magagawa ko, ang hirap ng mga subjects namin ngayon at ang strict pa ng mga professors,” sabi niya sabay kamot sa ulo.
Nagpanting ang tainga ng Ate Maybelle niya.
“Wala ka talagang malasakit, ano? Akala mo ba ay pinupulot lang nina nanay at tatay ang perang ibinibigay sa iyo? Halos magkandakuba sila sa paghahanapbuhay maibigay lang ang lahat ng gusto mo. Alam mo ba na ang kalahati ng pera na ibinigay nila sa iyo para sa matrikula mo’y nakalaaan sana sa pagki-chem*therapy ni nanay? Pero anong ginawa mo, winaldas mo lang pala!” galit nitong sabi.
Parang nahimasmasan si Jean sa sinabi ng kapatid.
“A-anong ibig mong sabihin?”
“May k*nser sa dibdib si nanay, nasa second stage na, sabi ng doktor ay kailangan niyang mag-ch*mo kaso ang perang gagastusin doon ay idinagdag sa matrikula mo! Tapos malalaman namin ginastos mo lang ang pera sa mga kalokohan mo? Hindi ka na nahiya! Pinag-aaral ka pero hindi mo naman sineseryoso. Ako na nga ang nagsakripisyong huminto sa kolehiyo para mapagtapos ka lang dahil ikaw ang mas matalino sa ating dalawa pero nagpapabaya ka lang pala?” anito.
Totoo ang sinabi ng ate niya, nagsakripisyo ito para sa kaniya. Ito ang huminto sa pag-aaaral para paunahin siyang makapagtapos dahil nga sa kanilang dalawa ay siya ang matalino, siya ang achiever. Mula elementarya hanggang hayskul ay palagi siyang top 1 sa klase. Nang tumuntong siya sa kolehiyo ay doon na nag-iba ang mundo niya, nagkaroon siya ng mga barkadang masama ang impluwensya sa kaniya kaya napabayaan niya ang pag-aaral at natuto siyang magloko at magsinungaling.
Dahil sa bangayan nilang magkapatid ay biglang nanikip ang dibdib ng nanay nila kaya binuhat ito ng kanilang tatay at isinugod sa ospital.
Naiwan siyang mag-isa sa kwarto, tulala, maya maya ay hindi na niya napigil ang sarili na maiyak. Napagtanto niya na napakalaki ng kasalanan niya sa mga magulang niya at sa ate niya. Kaya dali-dali siyang nagbihis at sumunod sa ospital. Pagdating niya roon ay medyo gumaan ang pakiramdam niya nang malamang maayos na ang lagay ng nanay niya. Sabi ng doktor ay kailangan lang nitong magpahinga. Lumapit siya sa higaan nito at lumuhod habang humahagulgol.
“S-sorry po, nanay. Hindi ko sinasadya na lokohin kayo ni tatay. Hindi ko po alam na may mabigat pala kayong karamdaman pero anong ginawa ko, binigyan ko pa kayo ng problema at sakit sa ulo, sana po ay mapatawad ninyo ako,” sinsero niyang sabi.
Hinawakan ng nanay niya ang kaniyang pisngi.
“Kalimutan na natin ‘yan, anak. Ang mahalaga ay napagtanto mo ang iyong mga kamalian. Huwag mo na itong uulitin ha? Ang gusto lang namin ng tatay mo’y magkaroon kayo ng magandang kinabukasan ng kapatid mo. Nahihiya nga kami sa kaniya dahil siya ang nagpasiyang magsakripisyo para sa iyo, dahil mahal ka ng ate mo,” hayag ng nanay niya.
Nilapitan din niya ang Ate Maybelle at ang tatay niya at humingi rin ng tawad sa mga ito.
“Tay, ate, sorry po,” humihikbi niyang sabi.
“Pinapatawad ka na namin, anak. Sana ay nagtanda ka na sa pagkakataong ito,” tugon ni Mang Isko na niyakap siya.
“Sorry din sa mga nasabi ko sa iyo. Ang gusto ko lang naman ay huwag kang maparirawa dahil mahal kita, Jean, mahal kita, mahal ka namin,” sabi ng ate niya.
At nagyakap silang tatlo. Napangiti naman si Aling Mely dahil sa wakas ay nagkaunawaan na ang lahat.
Mula noon ay nagbago na si Jean, nag-aral na siyang mabuti at nilayuan na ang mga masasamang barkada. ‘Di nagtagal ay nakatapos na siya sa kolehiyo at nakahanap ng magandang trabaho. Siya naman ang nagpa-aral sa ate niya. Ang nanay naman nila ay unti-unti nang nakaka-rekober sa karamdaman nito. Mas naging matibay ang relasyon nila ng kaniyang pamilya matapos ang mga nangyari.