Inakala ng Binata na Isang Alagad ng Dilim ang Dalagang Kapitbahay; ‘Di Niya Inasahan na Ito ang Magpapatibok sa Puso Niya

Nasa probinsya ang mga magulang at kapatid ni Macky kaya mag-isa lamang siyang naninirahan sa bahay-bakasyunan nila sa Maynila. Nagtatrabaho siya bilang horror writer sa isang publication. Magaling siyang magsulat ng mga kwentong katatakutan kaya mabentang-mabenta ang mga librong gawa niya.

Bata pa lang siya ay mahilig na siya sa mga nakakatakot na kwento, mahilig siya sa mga kababalaghan gaya ng mga aswang, multo, mga kakaibang nilalang gaya ng kapre, duwende, tikbalang, engkanto at iba pa.

Isang gabi, habang ngumunguya siya ng paborito niyang kornik ay nagsusulat siya ng panibagong istorya na isa-submit niya sa kanilang editor. Alas siyete pa lamang iyon at tahimik na ang paligid sa labas. Marami kasing nagkalat na luku-loko at ad*k sa lugar kaya maaga pa ay nasa loob na ng bahay ang mga kapitbahay niya.

Maya maya ay may narinig siya…

“Meowna, nasaan ka na ba?”

Narinig ni Macky ang boses ng kapitbahay niyang si Bonesa. Hinahanap nito ang alagang pusa kaya pasimple siyang sumilip sa bintana. Natanaw niya ang dalaga na maganda sana kaya lang ay kinikilabutan siya kapag nakikita ito.

Dalawang taon na nang lumipat sa katapat na bahay nila ang dalaga pero ni minsan ay wala siyang nakitang bumisitang mga kapamilya, kamag-anak o kaibigan dito. Palagi lang itong mag-isa kasama ang alaga nitong itim na pusa. Ang hinala nga niya ay aswang si Bonesa.

Matagal na niya itong minamatyagan, kapag napatunayan niya na totoo ang hinala niya’y tiyak na best seller na naman ang isusulat niyang libro kung saan itatampok niya ang totoong aswang sa katauhan ng kaniyang kapitbahay. Naku, sisikat siyang lalo pag nagkataon!

Advertisement

Itinigil muna niya ang pagsusulat at tumayo. Dahan-dahan siyang lumabas ng bahay niya at nagtungo sa bahay ng dalaga. Habang palapit siya nang palapit ay narinig niyang may kumakaluskos sa loob. Biglang nagtayuan ang mga balahibo niya pero nagtuluy-tuloy pa rin siya sa paghakbang hanggang mapatapat siya bintana. Isiniwang niya nang kaunti ang kurtina at nakita niya si Bonesa na hinihimas-himas ang alagang pusang si Meowna. Napansin din niya na napakadilim sa bahay nito. May mga nakasinding kandila na nagbibigay liwanag sa loob. Nagtataka siya kung bakit may mga kandila? Hindi naman brownout sa lugar nila. Ang kulay pa ng mga kandila ay itim na parang ginagamit ng mga mangkukulam. May kakaiba talaga sa babaeng ito.

“Sabi ko na nga ba, aswang siya, eh!” sambit niya sa sarili pero napatigil siya nang biglang tumayo sa pagkakaupo ang dalaga at parang nakaramdam ito na may tao sa paligid. Nang muli niya itong silipin ay wala na ito sa loob.

“Lagot! Nasaan na siya?”

“Anong ginagawa mo rito?”

“Anak ng pitong tupa!” gulat na sabi ni Macky. Kinilabutan siya dahil nasa likod niya na pala si Bonesa.

“Ano kakong ginagawa mo d’yan? Pipi ka ba?” ulit ng dalaga na seryosong nakatitig sa kaniya.

Sa sobrang takot ay kung ano na lang ang nasabi niya rito.

“M-manghihingi s-sana ako ng asukal. N-naubusan na kasi ako, eh,” palusot niya. Tila nagulat naman si Bonesa pero tumalima na at pumasok sa loob ng bahay.

Advertisement

Saglit lang at lumabas na ito at iniabot sa kaniya ang garapon ng asukal. “Ayan, kunin mo na iyan. Sana naman ay kumatok ka na lang. Muntik na kitang mapagkamalang magnanakaw,” sabi ng dalaga.

Nakahinga naman nang maluwag si Macky. Mabuti na lang at napaniwala niya ito sa palusot niya. Mabait naman pala si Bonesa at ‘di tulad ng iniisip niya, pero hindi pa rin nawawala ang paniniwala niya na isa itong alagad ng dilim.

Mula noon ay nagbabatian na sila tuwing nagkakasalubong, palagi rin silang nagkukuwentuhan hanggang sa mas lalo silang naging malapit sa isa’t isa at naging magkaibigan. Sa kabila ng pagiging malapit nila, nararamdaman niya na may kakaiba pa ring itinatago ang dalaga.

Hindi nagtagal ay hindi na napigilan ni Macky ang sarili na mahulog ang loob niya kay Bonesa. Habang nakikilala niya kasi ang dalaga ay mas lalo siyang humahanga rito. Bukod sa mabait at nakakatuwang kausap ay mahilig din itong magkuwento ng mga nakakatakot. Nagtataka na nga siya eh, ang dami nitong alam tungkol sa iba’t ibang uri ng halimaw at lamanlupa. May alam din ito tungkol sa paggamit ng mahikang itim at pangkukulam. Sa tingin nga niya ay tila nagayuma na siya nito dahil walang araw na hindi niya ito hinahanap. Gusto niya na palaging kasama si Bonesa. Nasa ilalim na yata siya ng kapangyarihan nito.

Isang gabi ay dumalaw siya sa bahay ng dalaga. Gaya nung una ay madilim doon at mga kandilang itim ang nakasindi. Palagi ring nakabantay sa kaniya ang itim na pusang alaga nito. Wala eh, hindi na niya matiis ang nararamdaman niya. Sa maikling panahon na nakilala niya si Bonesa ay minahal na niya ito.

“Totoo ang sinasabi ko sa iyo, Bonesa. Mahal kita. Hayaan mo sanang patunayan ko sa iyo iyan,” masuyo niyang sabi.

Kay lakas ng tibok ng puso niya nang magtapat sa dalaga dahil kahit mahal niya ito’y may bagay na humahadlang sa kaniya…matinding takot. Kinakabahan siya na kung magkatuluyan sila nito ay magkakaroon siya ng girlfriend na halimaw. Maaatim kaya niya na magkaroon ng girlfriend na pumapat*y at kumakain ng laman loob ng tao?

“P-pero hindi mo pa ako lubusang kilala, Macky. Matatanggap mo ba ako kapag sinabi ko sa iyo ang totoo?” wika ng dalaga.

Advertisement

Nanindig na naman ang mga balahibo ni Macky. Ito na ang pinangangambahan niya, nakahanda nang sabihin ni Bonesa ang lihim sa pagkatao nito. Ipagtatapat na nito na isa itong aswang.

Bigla siya nitong hinila sa braso, nais man niyang tumutol ay mas nanaig ang puso niya kaya sumama siya rito. Pumanhik sila sa hagdan papunta sa kwarto nito.

Ang lakas ng kabog sa dibdib niya.

“Ano ito? Dadalhin niya ako sa kwarto niya upang doon niya ako kainin! Magbabago na siya ng anyo! Diyos ko, Kayo na po ang bahala sa akin!” nangingnig niyang sambit sa isip.

Nasa loob na sila ng kwarto ng dalaga. Nagulat siya dahil may mga bote na nakalagay sa mesa. May nakasindi ring mga itim na kandila sa loob.

“Ang mga iyan ay naglalaman ng iba’t ibang halamang gamot. Marunong akong manggamot ng kung anu-anong uri ng karamdaman, Macky. Isa akong albularya na nagmula sa Siquijor. Ulila na ako sa mga magulang, nag-iisa lang akong anak. Ang nanay at tatay ko ay mga mahuhusay na albularyo at albularya sa aming lugar pero pareho na silang pumanaw. Ang kasama ko na lang sa buhay ay ang alaga naming pusang si Meowna. Mabuti na lang nang mawala sila’y may naipon sila para sa kinabukasan ko kaya nga nakapag-aral ako sa kolehiyo. Tinuruan nila ako ng mahikang itim na ginagamit nila sa panggagamot, pero huwag kang mag-alala dahil hindi naman namin iyon ginagamit sa masama. Gusto lang talaga ng aking mga magulang na makatulong sa kanilang kapwa kaya nila ginagawa iyon. Ang mga kandilang itim na nakikita mo sa bahay ko’y pantanboy ng mga masasamang espiritu at kamalasan. Iyan ang itinuro sa akin nina nanay at tatay kaya ginagawa ko pa rin hanggang ngayon sa tuwing sasapit ang gabi,” paliwanag ng dalaga.

“Hindi ako masamang tao, Macky, ito lang ang aking nakasanayan kaya ipinagtapat ko na sa iyo ang katotohanan para wala na akong itinatago pa. Nang dahil sa pagiging kakaiba ko’y nilalayuan ako ng mga tao, palagi nilang sinasabi na mangkukulam, mambabarang daw ako pero hindi ko kayang manakit ng tao. Kaya nga lumuwas ako dito sa Maynila para magpakalayu-layo at para makahanap ng mga kaibigan na tatanggap sa akin, kaya nga laking tuwa ko nang makilala kita. Ikaw lang ang kauna-unahang nakipagkabigan sa akin, nagmahal sa akin kaya lubos akong nagpapasalamat sa iyo. Kung hindi mo ako matatanggap, mauunawaan ko,” naluluhang dagdag pa nito.

Sa nalaman ay ‘di naiwasan ni Macky na yakapin ang dalaga.

Advertisement

“Tanggap kita, Bonesa. Mabuti’t sinabi mo sa akin ang totoo. Ang mahalaga ay naging tapat ka sa akin. Hindi kita hinuhushagan dahil alam kong mabuti kang tao, napatunayan ko iyan nang magkakilala tayo. Hindi ako nagsisisi na minahal kita dahil karapat-dapat kang mahalin,” hayag niya sa dalaga saka hinalikan ito sa noo.

Pinaghinalaan niya pang aswang si Bonesa, eh albularya lang pala ito. Oo, totoo na marunong sa mahikang itim ang dalaga pero ginagamit niya ito sa panggagamot at hindi sa kasamaan.

Mula noon ay naging masaya na sila sa piling ng isa’t isa. Dahil tapos sa kolehiyo ay tinulungan ni Macky na makahanap ng trabaho si Bonesa. Masuwerte namang natanggap ito bilang call center agent. Ginagamit na lamang ni Bonesa ang natatagong kaalaman kapag kinakailangan. Makalipas ang isang taon ay nagpakasal na sila at kasalukuyan nang dinadala ni Bonesa ang panganay nilang anak.