Kahit Engrandeng Kasal ang Inialok ng Baldadong Lalaki sa Kinakasama ay Tumanggi Ito at Iniwan Siya; Laking Pagsisisi Nito Nang Maging Milyonaryo Siya

Tatlong taon nang nagsasama sina Bianca at Allan pero hindi pa sila kasal. Construction worker ang lalaki sa abroad habang ang babae naman ay nagbebenta ng mga produktong pampaganda sa online.

Ang totoo, gusto nang pakasalan ni Allan si Bianca pero tutol dito ang babae. Ayaw nito ng simpleng kasal lang, isang engrandeng kasal ang hinahangad ni Bianca na hindi pa maibigay ni Allan dahil kulang pa ang ipon nito. Hindi kasi papatali ang babae kundi rin lang ito engrande. Hindi pa rin sila nabibiyayaan ng anak dahil nasa ibang bansa nga ang lalaki. Ayaw pa rin ng babae na mabuntis siya, hindi ito papayag na masira ang magandang pigura ng katawan kaya kapag umuuwi ang kinakasama ay tumatanggi itong may mangyari sa kanila. Dahil mahal na mahal ni Allan ang asawa ay pinagbibigyan na lang niya ito at iniintindi.

Bukod sa kaartehan ay may masamang pag-uugali rin si Bianca. May pagka-madamot ito at mataray kaya hindi nito kasundo ang mga magulang at kapatid ni Allan. Pero kahit ganoon ang ugali nito ay buong puso pa rin itong inuunawa at pinakikisamahan ng lalaki.

Noon pa man ay hindi na boto ang nanay at tatay ni Allan sa babae. Nakatakda na sana siyang ipakasal noon sa kababatang si Thelma na ipinagkasundo sa kaniya ng mga magulang, subalit sinuway niya ang mga ito dahil hindi niya mahal ang babae.

“Hindi ako makakapayag sa gusto ninyo! Si Bianca ang mahal ko at hindi si Thelma!” mariin niyang sabi sa mga magulang niya noon.

“Pero anak, mabuting babae si Thelma at nagmula sa magandang pamilya. Matagal na naming kaibigan ang mga magulang niya kaya panatag kami kung siya ang makakaisang-dibdib mo,” paliwanag ng nanay niya.

“Patawarin ninyo ako, inay, itay, pero hindi ako magpapakasal sa babaeng hindi ko iniibig. Ipaglalaban ko ang pagmamahalan namin ni Bianca. Wala na akong pakialam kung itakwil ninyo ako,” tugon ni Allan.

Nasunod din ang gusto niya. Si Bianca ang pinili niya kaysa kay Thelma. Wala na ring nagawa ang mga magulang niya. Kinansela ng mga ito ang kasal nila ng babae at humingi ng paumanhin sa nangyari.

Advertisement

Nangako naman si Allan na malapit na niyang maibigay kay Bianca ang pinapangarap nitong engrandeng kasal. Pinag-iipunan niya ito kahit mahirap, dahil hindi naman kalakihan ang sahod niya. Pipilitin niya na tuparin ang minimithi ng babaeng pinakamamahal niya.

“Pangako ko sa iyo, sweetheart, mapapasaiyo ang engrandeng kasal na gusto mo. Pagkatapos noon sana ay pumayag ka na na magkaroon na tayo ng anak para mabuo na ang ating pamilya. Kapag naging legal na ang ating pagsasama ay ako na ang pinakamaligayang lalaki sa mundo,” sabi ng lalaki habang kausap sa selpon ang kinakasama.

“Ayokong umasa sa sinabi mo pero sige, hihintayin ko iyan. Sana lang ay panindigan mo iyang pangako mo. At pwede ba, humanap ka ng trabaho na mas malaki ang kita diyan sa abroad kaysa sa pagko-construction mo?” pagtataray naman ni Bianca sa kabilang linya.

Mabilis na lumipas ang mga buwan, sa muling pag-uusap nina Allan at Bianca…

“Sweetheart, malapit na akong bumalik sa Pilipinas. Sapat na ang naipon ko para sa kasal na gusto mo. Pag-uwi ko diyan ay hindi na ako babalik pa rito. Hindi na tayo maghihiwalay pa,” sabi ng lalaki sa kabilang linya.

Tuwang-tuwa naman si Bianca sa magandang balita ng kinakasama.

“Talaga?! Mabuti naman kung ganoon! Excited na ako sa iyong pagdating, mahal ko!”

Nang matapos ang pag-uusap nila ay hindi na mapakali ang babae. Agad niyang ipinamalita sa mga kaibigan ang napipintong pag-uwi ni Allan at ang nalalapit nilang pagpapakasal.

Advertisement

“Uy, invited kayo sa engrandeng kasal namin ni Allan a! Huwag kayong mawawala kundi pagsisisihan ninyo na hindi kayo nakapunta sa kasal ng taon!” pagyayabang niya.

Sumapit na ang araw ng pag-uwi ni Allan sa kanilang tahanan. Laking gulat ni Bianca nang makita ang lalaki na inaalalayan ng drayber sa pagbaba nito sa taxi.

“A-Allan? A-anong n-nangyari? A-anong ibig sabihin nito?” hindi makapaniwalang tanong ng babae.

Nakita niya na wala na ang mga paa ang kinakasama. Isa na itong lumpo. Nakaupo na lamang ito sa wheelchair.

“Ito ang tunay na dahilan kung bakit bumalik na ako rito, sweetheart. Naaksidente ako sa abroad, nabundol ako ng sasakyan habang tumatawid sa kalsada. Sinubukan ng mga doktor na gawin ang lahat upang hindi maputol ang aking mga paa ngunit sobrang malubha ang aking lagay kaya wala silang nagawa kundi putulin ang aking dalawang binti. Isa na akong baldado ngayon. Hindi na ako makakapagtrabaho dahil sa nangyari. Patawad kung hindi ko sa iyo agad sinabi ang tungkol sa kalagayan ko. Pero huwag kang mag-alala, sapat na naman ang naipon ko para maibigay ang engrandeng kasal na gusto mo,” mahinang sagot ng lalaki.

Halos gumuho ang mundo ni Bianca sa natuklasan.

“Diyos ko! Paano na tayo niyan kung hindi ka na makakapagtrabaho? Ano na lang ang mangyayari sa buhay natin? Bibigyan mo nga ako ng engrandeng kasal pero lumpo at wala ka na namang silbi!” naguguluhang tanong naman ni Bianca.

Hindi pa rin matanggap ng babae ang nangyari sa kinakasama. Pinilit siya nito na magpakasal na sila pero tumanggi siya kahit engradeng kasal na ang iniaalok nito. Hindi niya masisikmura na magpatali sa lalaking inutil na. Sa unang linggo ng pagbalik ni Allan ay pikit mata niya itong inalagaan subalit hindi nagtagal ay nagsawa rin siya at iniwan ang lalaki.

Advertisement

“Sorry, pero pagod na pagod na ako, Allan! Hindi ko na kayang mag-alaga ng isang tulad mong inutil. Hindi ito ang pinangarap kong buhay, hindi ko kailanman hinangad na mag-alaga ng isang lumpo!” sigaw ng babae.

“Patawarin mo ako. Hindi ko naman ginusto na maging ganito ako,” malungkot na tugon ni Allan.

“Pasensyahan tayo pero ayoko na! Maghiwalay na tayo! Hindi na kita kayang pakisamahan pa!” sigaw pa ni Bianca.

Nilayasan na nga siya ni Bianca noong araw na iyon. Bali-balita na sumama ito sa ibang lalaki na nakilala sa chat. Samantalang si Allan ay matiyagang inaruga naman ng kaniyang mga magulang.

Nang malaman naman ng kababatang si Thelma ang nangyari ay agad itong dumalaw sa bahay nila.

“Wala na akong silbi, isa na akong inutil at lumpo na walang pakinabang,” naluluhang sabi ni Allan.

Hinawakan ng dalaga ang mga kamay niya. “Huwag kang mag-isip ng ganyan, Allan. Siguradong may plano ang Diyos kung bakit nangyari iyan sa iyo. Huwag kang mawawalan ng pag-asa. Maraming nagmamahal sa iyo, nariyan ang mga magulang mo, kapatid, mga kaibigan mong tulad ko,” sabi ni Thelma.

Mula noon ay araw-araw nang bumibisita si Thelma sa bahay nina Allan para pasayahin ang lalaki. Unti-unting nahulog ang loob ni Allan sa dalaga. Noon pa man ay may pagtingin na sa kaniya si Thelma ngunit nagparaya ito dahil nga si Bianca ang gusto noon ni Allan. Ngayong natutuhan nang mahalin ng lalaki ang kababata ay masayang-masaya na ang puso nito dahil sa wakas ay nakamit din ng dalaga ang pag-ibig na matagal na nitong hinahangad sa kaibigan. At kahit pa may kapansanan na ang lalaki ay buong puso itong tinanggap ni Thelma.

Advertisement

‘Di nagtagal, ang engrandeng kasal na ibibigay sana ni Allan kay Bianca ay inihandog na niya kay Thelma. Naging masaya ang pagsasama ng dalawa na biniyayaan ng kambal na anak.

Nang mabalitaan ni Bianca ang pagpapakasal ni Allan sa dating kababata ay laking panghihinayang ng babae dahil bukod sa engrandeng kasal ay napag-alaman din niya na isa nang milyonaryo si Allan. Lingid sa kaniya, nang maaksidente ang lalaki sa abroad ay binayaran ito ng napakalaking halaga ng banyagang nakabundol dito, hindi lang iyon dahil nakakuha pa ang lalaki ng malaking halaga sa kumpanyang pinagtrabahuhan nito bilang donasyon nang malaman ang kundisyon nito.

Ang nakuhang pera ay ginamit ni Allan sa pagtatayo ng negosyo. Dahil magaling sa negosyo ang napangasawa ay mabilis na umasenso ang buhay ng dati niyang kinakasama. Napahagulgol si Bianca sa sobrang pagsisisi, ang nilait-lait niya noon at iniwan ay mayaman na ngayon samantalang siya ay naghihirap pa rin. Hiniwalayan na siya ng lalaking sinamahan niya, binuntis lang siya nito pagkatapos ay sumama ulit sa ibang babae. Isang malaking pagkakamali na hindi niya pinagtiyagaang alagaan ang kinakasama noon, ngayon tuloy ay siya ang nagdurusa.

Ipinakita sa kwento na kung may taong mang-iiwan sa iyo sa kadiliman, mayroon din namang mag-aakay sa iyo sa liwanag kaya huwag mawawalan ng pag-asa dahil may mga taong nakahandang dumamay sa oras ng kalungkutan at ito pa ang magdadala sa iyo sa walang hanggang kaligayahan.