Inday TrendingInday Trending
Binalewala ng Babae ang Opinyon ng Isa sa Kaniyang mga Tauhan sa Restawran; Ito Pa Pala ang Makakatulong sa Kaniya

Binalewala ng Babae ang Opinyon ng Isa sa Kaniyang mga Tauhan sa Restawran; Ito Pa Pala ang Makakatulong sa Kaniya

Katulad ng ibang mga linggong daan, pinipilahan na naman ngayon ang restawran ng ginang na si Apple. Abot tainga na naman ang kaniyang mga ngiti dahil panigurado, papalo na naman sa anim na numerong kita ang kaniyang kukubrahin ngayon.

“Madam, mukhang mapapagod na naman kami ngayon, ha? Wala ka bang bonus na ibibigay sa amin ngayon?” paglalambing sa kaniya ng isa sa mga kusinera habang nagluluto na ikinatawa niya.

“Gawin niyo nang maayos at mabilis ang trabaho niyo, saka ako magdedesisyon kung isasama ko kayo sa bakasyon ko sa Palawan o bibigyan ko kayo ng kurot sa mga singit niyo!” sabi niya rito na ikinatawa lahat ng mga empleyadong nasa loob ng kusina.

Ngunit maya maya, siya’y nagulat nang biglang humangos papasok doon ang isang waiter at tila kabang-kaba pa ang mukha nito.

“O, Robert, ano ba naman ‘yan? Hindi ba’t lagi kong sabi sa’yo, huwag ka masyadong mataranta dahil baka makabasag o makatapon ka pa rito sa loob ng kusina? Bakit ba?” sermon niya rito.

“Ma’am, napansin ko kasing may naghahakot na ng mga gamit sa bagong gawang establisyemento sa harap natin!” balita nito na ikinatawa niya.

“Ano naman? Hindi naman tayo no’n maaagawan ng kustomer dahil lahat ‘yan sila, gustong-gusto ang mga hinahain natin!” kumpiyansado niyang tugon saka pinakita rito ang kanilang mga kustomer na sarap na sarap sa kanilang mga pagkain.

“Naku, huwag kang papakasiguro, ma’am. Isang artista ang may-ari ng bagong restawrang iyon! Hindi pa man tapos ang paggawa, marami nang nag-aabang sa mga produktong ibebenta nila!” giit pa nito na ikinakunot na talaga ng kaniyang noo.

“Diyos ko, Robert! Huwag mo ngang sirain ang araw ko ngayon! Ang saya-saya kong maraming kustomer tapos gan’yan ang ipapaisip mo sa akin! Bumalik ka na sa trabaho bago pa kita sisantehin!” sigaw niya pa rito.

“Ang akin lang naman po, ma’am, dapat makapag-isip tayo ng produktong maitatambal sa…” agad na itong napatigil sa pagsasalita nang lakihan na niya ito ng mata.

Dahil nga tiwala siyang walang restawran ang makakapantay sa pagsikat ng negosyo niya ngayon, binalewala niya ang babalang patuloy na sinasabi ng empleyado niyang si Robert kahit pa halos araw-araw siya nitong ginagambala.

“Kahit siguro presidente pa ng bansa ang magtayo ng negosyo sa tabi ng restawran ko, sa akin pa rin kakain ang mga kustomer sa lalawigang ito! Dahil walang ibang restawran ang makakapagbigay nang mas malinamnam na pagkain kaysa sa akin!” sabi niya pa habang pinagmamasdan niyang mag-ayos ang mga empleyado ng bagong restawran sa tapat.

Habang binibilang niya ang mga araw bago ito magbukas, patuloy na dumagsa ang tao sa kaniyang restawran dahil para siya’y lalong makampante na hindi siya nito matatalo.

Kaya lang, pagsapit ng araw ng pagbubukas nito, nakita niyang lahat ng mga suki niyang kustomer ay nakapila sa tapat ng bagong restawran at wala ni isa ang kumakain sa kaniyang restawran!

“Hoy! Anong nangyayari? Bakit lahat sila nakapila roon?” tanong niya sa kaniyang mga empleyadong nakatanaw lang sa labas.

“Maraming mga artista ang nasa loob, madam, upang i-promote sa social media ang pagbubukas ng restawrang iyan. Iyong iba ngang mga tagahanga ay dumayo pa rito kahit walong oras ang layo nila,” kwento ni Robert na talagang ikinapanlumo niya.

“Tapos alam mo ba, ma’am, kaya pala tayo pinipilahan noong mga nakaraang linggo ay dahil inaabangan lang nila ‘yong gwapong artista na may-ari niyan,” segunda pa ng isang kusinera kaya siya’y napaupo at tahimik na lamang.

Kahit anong gawin niyang pagpo-promote sa sariling negosyo simula nang araw na iyon, patuloy na nilangaw ang kaniyang restawran dahilan para labis niyang pagsisisihan ang pagbabalewalang ginawa niya sa ideya ng waiter na si Robert.

Kahit na hiyang-hiya siya sa naturang empleyadong panay ang pagmamasid sa naturang restawran, nilapitan niya ito upang hingan ng tawad at tulong.

“Ayos lang ‘yon, ma’am! Ang mas mahalaga ngayon, paano natin maibabalik ang sigla ng restawran,” sabi nito na talagang ikinahanga niya.

Sa patuloy na pagmamasid nito sa kalaban, napansin itong hindi nagagawang panatilihin ng mga empleyado roon ang kalinisan ng pasilidad. Bukod pa roon, nakita rin nitong pagkatapos magpa-picture ng mga tao sa naturang artista, agad na ring umaalis ang mga ito at iniiwan na lamang ang mga pagkain.

“Ma’am, isang buwan lang sisikat ang restawrang iyan dahil trending lang siya sa social media. Kaya habang hinihintay nating malaos siya, maghanda tayo ng pasabog!” wika pa nito kaya bahagya siyang nakahinga nang maluwag.

Sa loob ng isang buwan iyon, nag-isip sila ng paraan paano maibabalik ang kanilang mga suki, nag-eksperimento siya ng bagong putaheng ihahain, at lalo nilang pinalinis ang kanilang pasilidad.

Sa ganoong paraan, muli nga nilang nakuha ang pansin ng mga tao pagkalipas ng isang buwan. Hindi man niya agad nabawi ang perang nawala sa kaniya dahil sa tumal ng benta noong mga nagdaang araw at paunti-unti pa rin ang kumakain sa kanila, tila nabunutan na siya ng tinik dahil pansin na niya ang muling pagsigla ng kaniyang negosyo at lahat ng ito ay dahil sa empleyadong si Robert na ngayon ay ginawa na niyang manager.

Labis niyang natutuhan noon na kahit mababa ang posisyon ng isa niyang empleyado, dapat niyang pakinggan ang nasa isip nito kagaya ng pakikinig niya sa mga kusinerang pinagkatiwalaan niya sa pagluluto ng mga espesyal niyang putahe.

Advertisement