Gumawa Siya ng Kalokohan sa Mismong Araw ng Kasal Nila ng Nobya; Mukhang Ito Pa Tuloy ang Magiging Dahil para Maudlot ang Kasalan
Dumating na ang pinakahihintay na araw ng binatang si Unique. Maaga siyang nagising upang makapagmuni-muni at namnamin ang huling mga sandali na siya’y binata pa.
“Mukhang sabik na sabik ka nang ikasal, anak, ha? Alas diyes pa ang simula ng sermonya, matulog ka pa para mamaya, maganda ang hubog ng mukha mo!” sabi ng kaniyang tatay nang maalimpungatan ito at siya’y makitang nagkakape na sa kanilang kusina.
“Gustuhin ko man, papa, hindi ko na magawa! Buhay na buhay na kaagad ang diwa ko kahit alas tres pa lang ng madaling araw!” sagot niya rito na ikinatawa nito maigi.
“Gan’yang-gan’yan din ang naramdaman ko bago kami ikasal ng mama mo. Ipangako mo sa akin, anak, ha? Maging mabuti kang asawa sa mapapangasawa mo. Tandaan mo, kapag masaya siya sa’yo, tiyak na masaya ang magiging pamilya mo. Nasa iyo ang responsibilidad, Unique, kaya bawas-bawasan mo na ang pagiging sutil mo!” payo nito na ikinatawa niya.
Patuloy na tumakbo sa isip niya ang salitang “sutil” na sinabi ng kaniyang ama at doon siya napag-isip ng isang kalokohan na gusto niyang gawin sa kaniyang nobya bago sila ikasal.
“O, ngingiti-ngiti ka riyan? Huwag kang gagawa ng eksena sa kasal niyo mamaya, ha? Baka mamaya, hindi pa iyon matuloy!” babala pa nito kaniya pagkalabas nito ng banyo.
Ngunit imbes na pakinggan ang ama, agad niya pang kinuntiyaba ang kaniyang mga kaibigan upang maisakatuparan ang kaniyang planong kalokohan.
“Diyos ko, Unique, huwag mo namang sirain ang kasal niyo! Tiyak na magagalit ang mapapangasawa mo kapag nagpahuli ka sa sermonya at magpapanggap kang lasing! Ilagay mo naman sa lugar ang kalokohan mo!” payo sa kaniya ng isa sa kaniyang mga kaibigan na ikinakamot niya ng ulo.
“Akong bahala, mahal na mahal ako no’n, hindi ‘yon magagalit! Sige na, para namang hindi ko kayo kaibigan, eh! Pagbigyan niyo na ako, huli na ito! Pangako, magbabago na ako kapag naikasal na kami!” pangungulit niya pa kaya walang nagawa ang mga ito kung hindi ang suportahan siya.
Katulad ng plano niya, siya nga ay nagpahuli sa kanilang kasal. Sandamakmak na tawag at mensahe man ang natanggap niya mula sa kaniyang mga kaanak, magulang at mula sa kaniyang mapapangasawa, lahat ito ay binalewala niya.
Saka lang siya nagdesisyong magpunta sa simbahan nang malaman niyang umiiyak na ang kaniyang nobya. Pagdating niya roon, iika-ika siyang lumabas ng sasakyan. Todo alalay naman ang mga kaibigan niyang kasabwat niya.
Nang magtagpo ang tingin nila ng kaniyang kasintahan, siya’y labis na nagulat nang itapon nito sa harap niya ang mga bulaklak na dala nito saka sinabing, “Ayoko nang magpakasal sa’yo!” at tumakbo palayo sa naturang simbahan.
Agad siyang nawindang sa naging kilos nito at sa takot niyang hindi nga siya nito pakasalan dahil sa kalokohan niyang iyon, dali-dali niya itong hinabol habang patuloy na sumisigaw ng, “Sorry na, mahal ko! Binibiro lang kita! Huwag mo naman akong iwanan!”
Kaya lang, siya’y labis na nagtaka dahil habang hinahabol niya ang kaniyang mapapangasawa, may mga nakatutok pa ring kamera sa kaniya. Ang ibang photographer pa ay todo habol din sa kanilang dalawa.
“Ano ba iyang ginagawa niyo? Talaga bang kukuhanan niyo pa ako ng litrato at bidyo kahit ganito na ang nangyayari sa kasal namin, ha? Makaramdam naman kayo! Hindi na ito dapat kinukuhanan!” sigaw niya sa mga ito habang naghahabol ng hininga at pilit niyang pinipigilang tumulo ang kaniyang mga luha.
“Dapat lang talaga nilang makuhanan ang tagpong ito dahil nakapagdesisyon na akong higitan ang pagiging sutil mo. Hindi na ako iiyak sa mga kalokohan mo, gagantihan na lang kita!” tawang-tawa sabi ng dalaga.
Nagsimula na ring magtawanan ang mga photographer na naroon lalo na ang mga kaibigan niyang kasabwat din pala ng kaniyang mapapangasawa.
“Naisahan niyo ako roon, ha! Imbes na ako ang makapanloko ngayong araw, ako pa ang nabiktima!” sigaw niya sa mga kaibigan, “Grabe ka, mahal, akala ko talaga, hindi mo na ako papakasalan!” sabi niya pa sa dalaga saka na siya tuluyang umiyak na ikinatawa naman ng lahat.
Maya maya pa, nang siya’y kumalma na at muli silang makapag-ayos ng sarili, agad na ring tinuloy ang seremonya ng kaniyang kasal. Maraming luha at tawa man ang kanilang pinakawalan sa harap ng altar, malaki pa rin ang pasasalamat niya dahil maikakasal pa rin siya sa dalagang nagbigay kulay sa mundo ng isang sutil na katulad niya.
Simula noon, hindi na niya muling hinamon ang asawa. Bagkus, inalagaan niya ito at pinangako ritong magiging mabuting asawa kagaya ng pangaral ng kaniyang ama.