Inday TrendingInday Trending
Nais ng Binata na Maging Malaya na Mula sa Paghihigpit ng mga Magulang; Hindi Niya Inaasahan ang Naghihintay sa Kaniya

Nais ng Binata na Maging Malaya na Mula sa Paghihigpit ng mga Magulang; Hindi Niya Inaasahan ang Naghihintay sa Kaniya

“Hoy, Ken, kanina ka pa namin kinakausap, a! Sasama ka ba sa pagbibisikleta sa susunod na linggo? Plano kami nang plano rito pero parang lumulutang ‘yang isip mo!” sambit ng kaibigang si Cris sa binata.

Malalim ang iniisip ni Ken dahil sigurado siyang hindi talaga siya papayagan ng kaniyang mga magulang – lalo na ng kaniyang ama. Ito kasi ang numero unong kontrabida sa kaniyang pagbibisikleta.

“Hindi ko pa alam, ‘tol! May lakad yata kami sa susunod na linggo kaya baka hindi ako makasama,” tugon niya.

“Nako, ang sabihin mo’y ‘di mo na naman alam kung paano magpapaalam sa mga magulang mo! Ang tagal na nating plano ang bagay na ‘to! Kung malalaman lang kasi ng tatay mo kung gaano ka kagaling ay hahanga ‘yun! Isama mo na lang kaya siya?” suhestyon ng kaibigan.

“Hindi mo kilala ang tatay ko, ‘tol. Gustuhin ko mang sumama ay hindi talaga ako papayagan no’n. Itong alis nga lang natin ngayon ay hindi ako pinayagan. Ang sabi ko lang ay pupunta ako sa kaibigan ko. Naiinis na nga ako sa tatay ko. Palagi na lang hindi p’wede ang mga bagay na gusto ko. Ang tingin sa akin ay bata pa ako!” dagdag niya.

“P’wede mo namang hindi ipaalam sa tatay mo na aalis tayo. Ikaw, pag-isipan mong mabuti. Hindi magiging masaya ang lakad na ‘to kung hindi tayo kumpleto,” saad pa ni Cris.

Masasabing batikan na si Ken pagdating sa pagbibisikleta. Sa katunayan nga ay sumali na siya sa ilang kompetisyon at halimaw ang turing sa kaniya. Isang tahimik na binata ngunit napakabilis. Hindi alam ng ama niyang si Tirso ang pagsali niyang ito sa mga contest. Ayaw kasi ng ama dahil nga baka malagay siya sa peligro. Pinapayagan lang siya nito kung magbibisikleta papunta sa kaniyang mga kaklase na malapit lang din naman sa kanilang bahay.

Subalit nagkayayaan ang barkada na magbisikleta papuntang probinsya. Nais nilang pumunta ng dagat at matutong mag-surfing. Matagal nang gusto ni Ken ang matuto ng isport na ito pero tiyak siyang hindi siya papayagan ng ama.

Gabi na nang makauwi si Ken sa kanilang bahay. Tahimik siyang pumasok ng pinto upang hindi niya magising ang kaniyang mga magulang, ngunit nagulat siya nang datnan ang kaniyang ama na nasa sala at hinihintay siya.

“O, bakit ngayon ka lang umuwi? Tumawag ako kina Cris, ang sabi ng mama niya ay wala raw at nandito raw kayo. Saan ba talaga kayo galing? Huwag mo sabihing nagbisikleta na naman kayo papunta sa malayong lugar? Ilang beses ba kita kailangang pagsabihan, Ken? Hindi ako panatag sa ginagawa mong iyan! Delikado ang bumiyahe nang malayo. Iyon ngang mga nakakotse na may apat ang gulong ay naaaksidente. ‘Yung mga motor madalas na nababalitang nadidisgrasya, ‘di ba? Ano pa kaya ang bisikleta? Sinasabi ko sa’yo, Ken, itigil mo na ‘yan kung hindi ay kukunin ko ‘yang bisikleta mo at ibebenta ko sa magbobote! Umayos ka at huwag matigas ang ulo!” bungad ng ama.

“‘Tay, malaki naman na ako. Kaya ko na po ang sarili ko. Huwag na kayong masyadong mag-alala sa akin! Hindi na po ako bata. Pinagtatawanan ako ng mga kaibigan ko kasi ako lang lagi ang hindi makasama sa mga lakad ng barkada dahil hindi n’yo ako pinayagan. Nakakahiya na masyado lalo pa’t lalaki akong tao! P’wede bang tigilan n’yo na ang paghawak sa akin sa leeg at pabayaan n’yo na ako sa mga gusto ko? Hindi habambuhay ay madidiktahan ninyo ako!” sagot naman ng binata.

“Iyan ba ang gusto mo? Ang pabayaan kita na madisgrasya kung saan? Gusto mong pabayaan kita at huwag kitang pakialaman tapos ay may mangyayaring masama sa’yo? Iyan ba ang gusto mo talaga, Ken? Ginagawa ko lang ito dahil anak kita at nagmamalasakit ako sa iyo. Pero kung hindi mo pala gusto ang pinakikialaman, sige, simula ngayon ay masusunod ang gusto mo. Bahala ka na sa buhay mo!” galit na wika ni Tirso.

Imbes na malungkot si Ken dahil sa sinabi ng ama ay nakaramdam pa siya ng kalayaan. Ngunit kinausap siya ng kaniyang ina upang humingi ng tawad sa kaniyang ama.

“Hindi rin naman ako pabor sa pagbibisikleta mo kung saan-saan, anak. Wala na lang akong magawa dahil sobrang tigas ng ulo mo. Ayaw ka lang namang mapahamak ng tatay mo. Humingi ka na ng tawad sa kaniya at sabihin mong hindi mo sinasadya ang mga nasabi mo. Darating din ang panahon, anak, na hindi ka na namin pakikialaman ng tatay mo. Pero hanggang hindi mo pa kaya ang sarili mo’y sumunod ka muna sa amin,” saad ng inang si Minda.

Naging matigas pa rin ang puso ni Ken at hindi siya nakipag-ayos sa kaniyang ama. Naisip niya na gawin na lang ito pag-uwi niya galing sa lakad nilang magbabarkada.

Ilang araw ang nakalipas at nabalitaan ni Minda ang lakad ng anak at mga kaibigan nito.

“Hindi ka sasama papuntang dagat, anak. Baka mamaya ay malunod ka pa do’n. Hindi ka naman bihasa sa paglangoy!” tutol ng ina.

“‘Nay, marami kayong hindi alam tungkol sa akin. Bata pa lang ako’y marunong na akong lumangoy. Saka kayang-kaya ko ang dagat. Hindi n’yo alam na nilalampaso ko nga ang mga kalaban ko sa pagbibisikleta. Ganoon katatag ang katawan ko!” pagmamayabang ng binata.

“Iba ang dagat, anak! Ipangako mo sa akin na hindi ka sasama sa lakad na ‘yun! Hindi ako makakapayag!”

Buong akala ni Ken ay ayos na ang lahat. Ngayon naman ay ang ina niya ang tutol sa kaniyang pag-alis.

“Dating gawi na lang, ‘tol. Iwan mo sa amin ang bisikleta mo. Sabihin mong nasira o ipinahiram mo sa tropang nasiraan ng bisikleta,” wika ni Cris.

“Sira ka ba? Paano ko ipapaliwanag sa mga magulang ko na dalawang araw tayong mawawala? Tiyak akong hahanapin ako ng mga ‘yun!” saad naman ni Ken.

“Sabihin mong may school project at kailangan nating gawin. Wala naman nang magagawa ang mga ‘yun kapag nakaalis na tayo. Saka mo na lang isipin pag nakauwi na! Magiging sulit naman ang layas nating ito! Sigurado akong hindi ka na rin makapaghintay na mag-surfing!” pangbubuyo pa ng barkada.

Iyon nga ang ginawa ni Ken. Pinaniwala niya ang kaniyang ina na may proyekto silang kailangang tapusin kaya siya pinayagan, lalo pa nang makitang sira ang bisikleta niya.

Madaling araw pa lang kinabukasan ay umalis na itong si Ken upang makipagkita sa kaniyang mga barkada. Nagkasalubong sila ng kaniyang ama sa sala ngunit hindi siya pinansin nito. Masama pa rin ang loob nito sa kaniya.

Ngunit wala siyang pakialam dahil masaya siyang matutuloy ang kaniyang plano.

Kinuha na ni Ken ang bisikletang iniwan niya sa kaibigan, saka sila sabay-sabay na lumarga patungong probinsiya.

Habang papalayo nang papalayo ay papaganda naman nang papaganda ang tanawin. Nawawala tuloy ang pagod ni Ken. Habang humahalik ang hangin sa kaniyang pisngi ay nakaramdam siya ng kapayapaan. Ito ang pakiramdam na gusto niya. Nais niyang maging malaya.

Ilang oras ding nagbisikleta ang magkakaibigan bago makarating ng dagat.

“Maganda ang alon ngayon! Kumain muna tayo at magpahinga tapos ay pumunta na tayo sa dagat! Hindi na ako makapaghintay na matutong mag-surf!” wika ni Cris.

Nakatitig naman sa dagat si Ken.

“Hindi ba’t masyadong mataas ang mga alon? Hindi kaya delikado?” tanong niya.

“Naduduwag ka ba? Ganyang mga alon talaga ang kailangan natin para makapag-surf! Huwag kang mag-alala at magaling ang magtuturo sa atin. Halina’t kumain na tayo, sayang ang oras!” dagdag pa ng kaibigan.

Makalipas ang dalawang oras ay nagtungo na sa dagat ang magkakaibigan para matutong mag-surfing. Hindi naman maintindihan ni Ken ang kaniyang nararamdaman. Matagal na niya itong nais mangyari ngunit parang may humihila sa kaniya pabalik sa buhanginan.

Dahil sa udyok ng mga kaibigan ay pilit na lang iwinaksi ni Ken ang kaniyang pangamba. Kahit paano ay nag-e-enjoy siya sa mga natututuhan niya. Ngunit maya-maya ay napansin niyang tumataas na ang tubig at iba na ang hampas ng mga alon.

“Baka kailangan na nating bumalik sa pampang. Nahihirapan na akong kumilos tuwing hinahampas ako ng alon,” saad ni Ken.

“Mababa lang ang tubig dito, Ken, huwag kang matakot! Alon lang ‘yan! Hindi ka kakainin niyan nang buhay!” natatawang sambit pa ni Cris.

Ilang sandali matapos magsalita ang binata ay patuloy nang lumaki ang alon. Wala na itong tigil sa paghampas sa kanila hanggang tinangay na sila sa malalim na parte ng dagat. Ang lahat ay kaniya-kaniya na ang langoy papuntang pampang. Ang ilan ay nakabalik ngunit may ilan sa kanilang hindi na matanaw pa.

Samantalang si Ken ay patuloy ang paglangoy ngunit sadyang malakas ang alon. Hinihigop siya nito. May mga pagkakataong pang hirap na siya sa kaniyang paghinga.

Hindi na rin niya matanaw si Cris at ilang kaibigan. Unti-unti na rin siyang napapagod sa pakikipaglaban sa alon. Lalo siyang nataranta nang mamulikat ang kaniyang mga binti gawa na rin siguro ng malayong pagbibisikleta.

Unti-unti nang nawawalan ng pag-asa si Ken na makaahon. Pagod na rin siyang lumaban sa mga alon. Nais na lang niyang isuko ang kaniyang sarili sa dagat hanggang may isang kamay ang humila sa kaniya sakay ng isang bangka.

“Kumapit ka, Ken! Kumapit kang maigi! Huwag kang bibitaw!”

Unti-unting naiahon si Ken sa malakas na alon, ngunit nawalan siya ng malay dahil sa tindi ng pangyayari.

Paggising niya’y nakita niya ang kaniyang Tatay Tirso. Agad siyang napayakap sa ama.

“Anak, hinahanap pa rin sina Cris at ‘yung dalawang kaibigan mo. Hindi pa rin kasi sila nakikita. Lalo pang lumakas ang alon ngayon at mataas na ang tubig. Hindi na ligtas para sa lahat ang maghanap,” bungad ng ama.

Napaiyak na si Ken.

“‘Tay, maraming salamat at iniligtas mo ako! Akala ko talaga’y katapusan ko na. Kayo ni nanay ang iniisip ko kanina pa. Alam kong masasaktan kayo kung mawawalan kayo ng anak. Patawad, ‘tay! Patawad po sa katigasan ng ulo ko!” pagtangis ng anak.

“Anak, ito ang mga ayaw kong mangyari sa iyo. Hindi kita pinipigilan na i-enjoy ang buhay mo. Ngunit may tamang pagkakataon ang lahat, anak!” saad naman ng ama.

“Paano po ninyo nalaman na narito ako?”

“Sabi sa akin ng nanay ni Cris ay umalis kayo papunta rito kaya sumunod kami agad ng nanay mo. Mabuti na lang at naabutan kita! Kanina pa hindi maganda ang kutob ko.”

Sa pagkakataong iyon ay wala nang ibang nararamdaman si Ken kung hindi ang pagsisisi sa pagsuway sa kaniyang mga magulang. Labis ang pasasalamat niya dahil iniligtas siya ng ama.

Kinabukasan ay nakita na ang walang buhay na katawan ng mga kaibigan ni Ken. Labis ang kanilang pagdadalamhati sa nangyari. Isa itong matinding aral at bangungot para sa kaniya. Nang dahil lang sa pagsuway niya sa kaniyang magulang ay napahamak silang lahat. Mabuti na lang at dumating ang kaniyang ama kaya siya nailigtas, kung hindi ay isa rin siya sa mga nawalan ng buhay nang gabing iyon.

Advertisement