Inday TrendingInday Trending
Napilitang Magtrabaho sa Perya ang Ginang na May Kakaibang Hitsura; Mapapanganga ang Lahat nang Makita ang Hitsura ng Anak Niya

Napilitang Magtrabaho sa Perya ang Ginang na May Kakaibang Hitsura; Mapapanganga ang Lahat nang Makita ang Hitsura ng Anak Niya

Kilala sa kanilang lugar ang ginang na si Paraluman. Taliwas sa kaniyang pangalan ang kaniyang mukhang laging tampulan ng tukso at pinagtatawanan ng mga tao. Kaya noon pa man ay wala na siyang lakas ng loob na makihalubilo sa iba.

Nagtatrabaho siya bilang labandera sa bahay ng inhinyerong si Ginoong Alex Crisostomo. Nag-iisa lamang ito sa bahay dahil nasa ibang bansa ang asawa nitong may kilalang kompanya ng mga pampaganda.

Maayos naman ang pakikitungo kay Paraluman ng kaniyang amo. Sa katunayan nga ay binibigyan pa siya nito ng sobra. Madalas din siya nitong pauwian ng mga pagkain dahilan para mabilis siyang makaipon at may maipadala para sa anak na si Wendy na nag-aaral ng kolehiyo sa Maynila.

Makalipas ang ilang buwan ay umuwi na galing ibang bansa ang asawa ni Alex na si Carla. Nagulat ito nang datnan niya si Paraluman sa bahay.

“Alex, bakit ka nagpapasok ng halimaw dito sa bahay natin? Anong ginagawa ng babaeng ‘yan dito?” natatakot na sambit ng misis nito.

“Carla, huwag ka ngang magsalita nang ganyan! Siya si Manang Paraluman, ang labandera natin dito sa bahay,” sambit ni Alex.

“Paraluman? Hindi ata bagay ang pangalan niya sa kaniyang mukha! Hindi pa ako nakakita ng kasing pangit niya, Alex! Paalisin mo siya rito at humanap ka ng ibang labandera! Ayaw kong malaman ng mga kaibigan ko na may katulong tayong ganyan ang hitsura! Pagtatawanan ako ng madla lalo na’t sikat ang mga produkto ng kompanya ko!” sigaw ni Carla.

Pinagsabihan ni Alex ang misis tungkol sa pagsasalita nito ng hindi maganda tungkol sa kaniya, ngunit matigas ang puso ni Carla. Ang nais nito ay paalisin siya sa kanilang tahanan.

“Pasensya ka na, manang. Wala talaga akong magawa kay Carla. Siya ang batas dito. Hayaan mo at bibigyan kita ng dagdag sahod para kahit paano ay may maipadala ka pa rin sa anak mo habang naghahanap ka ng ibang trabaho. Humihingi talaga ako sa iyo ng tawad,” nahihiyang sambit ng amo.

“Ayos lang po, sir. Nauunawaan ko po ang asawa n’yo. Nakakatakot naman po talaga ang hitsura ko. Sanay na po ako,” nakayukong sagot niya.

Labis na nahahabag si Alex ngunit wala siyang magawa sa kaniyang asawa.

“Mabuti naman at pinalayas mo na ‘yang halimaw na ‘yan dito!” sambit ni Carla.

“Tigilan mo na ‘yan, Carla, nagtatrabaho siya dahil pinag-aaral niya ang kaniyang anak. Huwag mo siyang maliitin!” sagot ng ginoo.

“May anak pa siya? Sana naman ay hindi niya ipinamana sa kaniyang anak ang pangit niyang mukha. Kasi kung ako ang nasa kalagayan niya’y baka tumalon na lang ako sa tulay at tinapos ko na ang aking buhay. Hindi ko kayang humarap sa tao nang ganyan ang mukha ko!” wika muli ng misis nito.

“Sir, aalis na po ako. Maraming salamat po sa lahat ng tulong ninyo,” malungkot niyang paalam. Tumalikod na siya sa mag-asawa sabay alis ng bahay ng mga ito. Habang naglalakad siya palabas ng gate ay narinig pa niya ang babaeng amo na walang tigil sa panlalait sa kaniya.

“Tiyak akong mahihirapan nang humanap ng trabaho ang babaeng iyan! Pero sa perya ay tatanggapin siya doon nang mabilis! Malaki pa ang kita niya!” saad nito.

Hindi maiwasan ni Paraluman ang maiyak. Maliit na parte lang ng kaniyang lungkot ang pangungutya sa kaniyang hitsura ngunit mas nangangamba siyang baka nga wala na siyang mahanap na trabaho at hindi na niya mapaaral ang kaniyang anak.

Kinabukasan ay naghanap na siya ng malilipatang trabaho, ngunit kahit saan siya magpunta ay hindi siya tinatanggap dahil sa kaniyang hitsura.

Dala ng desperasyong makahanap ng trabaho ay nagpunta siya sa isang peryahan. Nakita niyang naghahanap ito ng mga taong kakaiba ang hitsura.

“Pinakapangit na tao sa buong mundo, iyan ang tagline na ibibigay namin sa iyo! Kaso, baka mahina ang dibdib mo sa panlalait? Tandaan mong magbabayad sila para makita ka at ang pagmumukha mo! Kasama na rin doon ang pagkutya sa iyo. Bawal dito sa perya ang balat-sibuyas!” saad ng may-ari ng perya.

Wala na siyang dahilan pa upang mahiya. Masakit man para sa kaniyang dibdib ay kailangan niya itong tiisin sa ngalan ng pangarap para sa kaniyang anak.

“Kaya ko ang lahat ng panglalait nila. Sanay na sanay na ako riyan!” palabang sagot niya.

“Magaling! Mamaya ay ipakikilala na kita sa kanila!” natutuwang sagot ng bago niyang amo.

Hindi man sigurado sa pinasok niya ay buo naman ang dibdib niyang maibigay sa anak ang pangangailangan nito. Ang lahat ng ito’y para kay Wendy.

Nang gabing iyon ay ipinakilala na nga si Paraluman sa perya. Marami ang nagbayad para siya ay makita. Marami ang nagimbal, nagulat, at natawa dahil sa hitsura niya, pero ang hindi niya inaasahan ay may nambato sa kaniya ng pagkain.

Inawat man ng pamunuan ng perya ang lalaki’y masakit pa rin ito para sa kaniya. Pinipigil niya ang pagtulo ng kaniyang luha.

Ilang saglit pa ay tumunog ang kaniyang telepono. Hindi niya ito masagot dahil kailangan niyang magtrabaho. Nang matapos na ang pagtatanghal ay tiningnan niya ang kaniyang selpon at nakitang tumatawag pa rin ang anak.

“‘Nay, bakit kanina n’yo pa po hindi sinasagot ang tawag ko? Ayos lang po ba kayo? Nasaan po ba kayo at parang maingay?” tanong ni Wendy sa ina.

“A, nandito kasi ako sa bahay ng amo ko, anak. May party kasi sila dito. Anak, kailangan ko nang umalis kasi inuutusan ako. Mamaya na lang tayo mag-usap.”

“Pero, ‘nay, may sasabihin po kasi ako!”

Ngunit binaba na niya ang telepono sa takot na malaman ng anak ang kaniyang pinasok na trabaho.

Ilang araw na naging usap-usapan sa kanilang lugar ang “Pinakapangit na Tao sa Buong Mundo” sa peryahan. Marami tuloy ang nakiusyoso at nais makakita. Isa na rito si Carla.

“Samahan mo na ako sa perya, Alex, hindi ka ba naiintriga kung sino ang tinutukoy nila? Hindi ako magugulat na ‘yung dating labandera natin ang makita ko roon!” natatawang saad nito.

“Bakit ba ang sama ng ugali mo kay Manang Paraluman? Wala naman siyang ginagawang masama sa atin. Mabait siya at higit sa lahat ay ginagampanan niya nang maayos ang trabaho niya,” sambit ni Alex.

“Bilang nagtatrabaho sa isang kompanya ng puro pampaganda ay naiinis talaga ako kapag may nakikita akong ganoong mukha! Kung ayaw mo akong samahan sa perya ay isasama ko na lang ang mga amiga ko! Tutal mas masarap naman silang kasama dahil may kasama akong tatawa,” saad pa ni Carla.

Hindi na sumama pa si Alex dahil tutol siya sa panlalait na ginagawa ng kaniyang misis, kaya naman sinama na lang ni Carla ang kaniyang mga kaibigan na magtungo sa perya.

“Hindi talaga ako nagpupunta sa lugar na ganito pero naiintriga na rin ako sa tinutukoy nila. Talaga kayang ubod nang pangit ang taong iyon? Ang sabi nila’y mas maganda pa raw ang mukha ng aso! May ganoong tao nga kaya?” saad ng isang kumare.

“Nakakita na ako ng ganoong mukha, mare, ngayon ay nais kong siguraduhin kung siya nga iyon! Ubod kasi talaga ng sama ng itsura ang babaeng iyon!” sambit naman ni Carla.

Bumili ng tiket ang magkakaibigan at saka hinintay ang pagbubukas ng palabas. Hindi na nagulat pa si Carla nang makita sa kaniyang harapan si Paraluman.

“Sabi ko na nga ba’t siya ang makikita ko! Sigurado akong wala na siyang makitang trabaho dahil sa kaniyang hitsura! Hindi ko naman akalain na susundin niya ang payo ko na sa perya na lang magtrabaho!”

Sa lahat ng taong naroon, nangingibabaw ang boses ni Carla. Nagawa pa nitong batuhin ng gamit na tisyu ang dating labandera. Akma pa sana niyang babatuhin ng hawak na inumin si Paraluman nang may biglang magandang dilag na humawak sa kaniyang kamay.

“Kapag tinuloy mo ‘yan ay sasabuyan ko ng asido ‘yang mukha mo!” sambit ng dalaga.

“At sino ka naman para pagsalitaan ako ng ganyan? Huwag kang impokrita! Narito ka rin naman para tingnan ang pangit niyang pagmumukha!” sambit ni Carla.

“Hindi pangit ang nanay ko at walang kahit sino sa inyo ang may karapatang tratuhin siya nang ganito!” sigaw ni Wendy.

Nagulat ang lahat nang malamang anak pala ni Paraluman ang magandang dilag.

“Nanay? Ikaw ang anak nitong si Paraluman? Niloloko mo ba ako o sadyang retokada ka lang? Pero paano ka naman magpaparetoke, e, mahirap pa kayo sa daga!” saad ni Carla.

“Alam mo kung binabagay lang ang ugali sa mukha ay wala nang mas sasama pa sa iyo! Hindi ko alam bakit may mga kagaya ninyo sa mundong ito!” wika pa ng dalaga.

“Sa inyong lahat ng narito, may karamdaman ang nanay ko kaya ganyan ang kaniyang hitsura. Hindi niyo siya dapat kutyain o pagtawanan! Kung nakikita ninyong hindi kagandahan ang kaniyang mukha, para sa akin ay siya ang pinakamaganda sa lahat. Ubod nang bait ng nanay ko. Ginagawa niya ang lahat ng ito para sa akin, para lang mapag-aral ako! Kayo ba? Kaya n’yong isakripisyo pati ang sarili niyo para lang sa ibang tao? Sa puntong ito, sa tingin ninyo’y sino ang mas pangit sa lahat ng taong narito?” naluluhang wika ni Wendy.

Agad na pinuntahan ni Wendy ang ina upang ialis sa lugar na iyon.

“‘Nay, ano bang ginagawa ninyo rito? Tara na po’t sumama kayo sa akin. Hindi kayo dapat nandito!” sambit ng anak.

“Pasensya ka na, anak, kung nabigyan pa kita ng kahihiyan. Gusto ko lang namang maghanapbuhay para matupad ang pangarap nating makapagtapos ka ng pag-aaral,” umiiyak na wika naman ni Paraluman.

“‘Nay, hindi mo na kailangang gawin pa ito dahil nakakuha na ako ng trabaho. May nag-alok po sa akin na maging modelo. Gagawin ko po ito tuwing wala po akong klase. Isinali rin po niya ako sa Miss Pilipinas. Pangako ko pong hindi ko pababayaan ang pag-aaral ko. Gagawin ko po ito para sa ating dalawa,” saad pa ng dalaga.

Niyakap ni Paraluman ang anak at saka sila umalis sa lugar na iyon.

Ilang buwan ang nakalipas at nabalitaan ni Carla na nanalo nga sa patimpalak bilang Miss Pilipinas ang anak ng dating labandera. Ito na ang pambato ng bansa para sa gaganapin na Miss Universe.

“Anong gagawin mo ngayon, Carla? Malaking hatak sana ang dalagang iyan para sa kompanya mo, pero hindi mo na ‘yun magagawa pa dahil masama ang trato mo sa nanay niya,” saad ng isang kumare.

“Tiyak naman akong hindi mananalo ang babaeng iyan! Saka marami pa namang magagandang artista na p’wede kong kuning modelo,” pagwawalang bahala ni Carla.

Ngunit ginulat ni Wendy ang lahat nang manalo siya bilang pinakamagandang babae sa balat ng daigdig. At hindi lang ‘yun, isa siya sa pinakamahal ng mga tao dahil sa labis na kabaitan niya at pagmamahal sa kaniyang ina.

Hindi nagtagal ay naisambulat ni Wendy ang kwento nilang mag-ina sa publiko. Nalaman din ng marami ang ginawang panlalait ni Carla kay Paraluman dahilan upang hindi na tangkilikin ang mga produktong pampaganda nito. Maging ang ilang artista ay ayaw na rin siyang makatrabaho. Ito na ang naging hudyat ng pagbagsak ng kaniyang kompanya.

Masaya si Paraluman sa lahat ng tagumpay ng anak. Ngunit kung ipinagmamalaki niya si Wendy ay doble naman ang pagmamalaki ng dalaga sa kaniya.

“Hindi ko po maaabot ang lahat ng ito kung hindi dahil sa inyo. Ipagsisigawan ko sa mundo hanggang nabubuhay ako na kayo ang ina ko!” wika ni Wendy.

Naging adbokasiya ni Wendy ang pagtulong sa mga taong hindi natatanggap sa lipunan nang dahil lang sa pisikal nilang anyo. Dahil dito ay tuluyan na ring natanggap ni Paraluman ang kaniyang sarili. Naging aral din sa marami na hindi kailanman batayan ng pagkatao ang hitsura ng sino man.

Advertisement