Inday TrendingInday Trending
Umibig ang Janitor sa Anak ng Presidente ng Eskwelahan; Sa Ngalan ng Pag-ibig ay Ganito ang Kaniyang Ginawa

Umibig ang Janitor sa Anak ng Presidente ng Eskwelahan; Sa Ngalan ng Pag-ibig ay Ganito ang Kaniyang Ginawa

Mataas ang pangarap ni Delfin. Kahit na galing siya sa mahirap na pamilya’y nakipagsapalaran siya sa Maynila para lang ipagpatuloy niya ang pag-aaral sa kolehiyo. Ngunit imposible itong mangyari dahil maraming gastusin pa rin ang kailangan niyang kaharapin. Ito ang dahilan kaya pumasok siya bilang janitor sa kanilang unibersidad.

Hindi naging madali para kay Delfin ang lahat. Marami rin kasi ang nag-aabang sa ganitong pagkakataon, ngunit maswerte siya at naipasa niya ang mga pagsusulit. Bukod sa sahod sa trabaho ay may iskolarsyip pa siyang natanggap.

Kaya naman iniingatan talaga niya ang kaniyang bawat kilos. Pinagbubuti niya ang kaniyang pag-aaral dahil minsan lang dumating ang ganitong pagkakataon. Wala siyang ibang hangad sa buhay kung hindi ang maging isang abogado. Para sa ilan, mataas na pangarap ito. Pero para kay Delfin, walang imposibleng abutin sa taong nagsusumikap.

Ngunit isang araw ay mag-iiba ang takbo ng buhay ng binata. Ito ay nang makilala niya ang dalagang si Anna.

“Napapansin ng lahat, Delfin, na napapalapit ka sa anak ng presidente ng eskwelahang ito. Alam mo kung anong p’wedeng mangyari sa iyo kapag nakarating ito sa itaas,” wika ng isang board member at malapit sa binata na si Ginoong Fernan.

“Alam ko naman po ang pinapasok ko, sir. Inamin na rin po sa akin ni Anna na mahal niya ako. Ang sabi niya po’y kakausapin niya ang daddy niya tungkol sa aming relasyon,” paliwanag ni Delfin.

“Kung ako sa iyo, Delfin, ititigil ko na ‘yan! Alam mo kung gaano kahigpit ang presidente ng eskwelahang ito. Tinalo mo pa ang anak niya! Baka mamaya ay mapatalsik ka rito. Akala ko ba ay buo ang loob mo na maging isang abogado? Paano mo ‘yun magagawa kung mawawala iskolarsyip mo at trabaho? Itigil mo na ang pakikipaglapit d’yan kay Anna. Ituon mo na lang muna ang isip mo sa pag-aaral,” dagdag pa ng ginoo.

Ngunit mas mabilis pa sa alas kwatro na nakarating ang balita sa presidente ng eskwelahan. Labis ang pagtutol nito nang malaman na ang kasintahan ng kaniyang anak ay isang janitor lamang.

Ipinatawag ni Ginoong Santiago si Delfin upang kausapin.

“Patatalsikin kita dito sa eskwelahan, Delfin, kung hindi mo lulubayan ang anak ko. Alam ko na ang mga tipo mong lalaki! Hindi mo mapagaan ang buhay mo kaya nang makakita ka ng pagkakataon sa anak ko’y agad mong sinunggaban. Kahit na nobya mo na siya’y hindi pa rin magbabago ang tingin ko sa iyo! Galing ka pa rin sa mababang sektor ng lipunang ito! Hindi ka nababagay kay Anna!” sambit ng presidente ng eskwelahan.

“Hindi n’yo po ako p’wedeng paalisin ng eskwelahang ito dahil wala naman po akong ginagawang kasalanan. Nagmamahalan po kami ni Anna, sir! Ginagalang ko po ang anak n’yo!” sagot niya rito.

“Maaari kitang patalsikin dahil empleyado ka rin ng eskwelahang ito at nakikipagrelasyon ka sa isang estudyante. Kung ayaw mong mawala ang iskolarsyip mo at ang trabaho mo’y layuan mo ang anak ko!” bulyaw pa ni Ginoong Santiago.

Ngunit mas matimbang ang pag-ibig ni Delfin para kay Anna, kaya naisipan niyang umalis ng eskwelahang iyon para legal pa rin ang kanilang relasyon.

“Sa tingin mo ba ay hindi kayang gawan ni Sir Santiago ng paraan para hindi ka makapagtapos ng pag-aaral? Suntok sa buwan ang gagawin mo, Delfin! Abot kamay mo na ang pangarap mo o! Pinaghirapan mo ang bagay na ito tapos ay itatapon mo nang dahil lang sa pag-ibig? Mas makakaharap ka sa presidente kapag ganap ka nang abogado,” saad ni Ginoong Fernan.

“Pero ano naman ang mukhang ihaharap ko kay Anna kung iiwan ko na lang siya basta at hindi ipaglalaban? Mahal namin ang isa’t isa at nakikita kong inilalaban niya ang relasyon namin. Ito lang ang kaya kong gawin para sa kaniya sa ngayon. Hahanap ako ng ibang mapapasukang eskwelahan. Magtatrabaho ako nang walang humpay kung iyon ang kailangan. Magtatapos ako ng pag-aaral, sir, pero hindi ko iiwan si Anna,” pahayag ng binata.

Parang lumusot sa butas ng karayom itong si Delfin sa paghahanap ng mapapasukang eskwelahan. Makapangyarihan kasi si Ginoong Santiago kaya hindi siya matanggap sa ibang eskwelahan. Kaya naman inisip niyang pumasok sa isang pampublikong unibersidad kung saan hindi abot ang kapangyarihan ni Ginoong Santiago.

Nakapasa sa isang iskolarsyip si Delfin. Ang maganda pa roon ay nakakuha rin siya ng student assistance. Nagtrabaho siyang muli bilang isang janitor sa naturang unibersidad.

Lumipas ang taon at nakapagtapos si Delfin ng pag-aaral. Kumuha siya ng pagsusulit at naging isang ganap na abogado. Inalok na niya ng kasal ang nobya, at agad naman itong pumayag. Idinaos lamang nila nang simple ang kanilang kasalan. Gayunpaman, iwas pa rin sa kaniya ang pamilya ni Anna. Lamok pa rin siya sa paningin ng mga ito.

“Hayaan mo at darating din ang araw na matatanggap ni daddy ang relasyon natin. Ngayon pa ba na isa ka na sa mga pinakamagaling na abogado sa bansa?” saad ni Anna sa kaniya.

“Kahit ano atang gawin ko, mahal, hindi ko mapapabilib ang daddy mo. Kahit kailan ay hindi ako magiging sapat para sa iyo dahil galing ako sa hirap. Pero basta’t narito ka sa tabi ko, kahit hindi ako tanggap ng mundo’y ayos lang sa akin,” wika naman ni Delfin.

Isang araw ay nakatanggap ng balita si Delfin tungkol sa kaniyang biyenan.

“Pinagtutulungan daw ng ilang board member si daddy para maalis sa posisyon niya. Ayaw kasi nila ng pamamalakad ni daddy, e. Pero, Delfin, hindi magagawa ng daddy ko ang mga binibintang nila. Wala siyang dinidispalkong pera ng eskwelahan! Hindi ganyan ang ugali niya!” umiiyak na wika ni Anna.

“Huwag kang mag-alala at tutulungan ko ang daddy mo. Hindi masisira ang reputasyon niya at higit sa lahat ay hindi sila magtatagumpay!”

Kinausap ni Delfin si Ginoong Fernan upang malaman ang buong katotohanan.

“Matagal na kasing nagnanais ‘yung vice president na palitan si Ginoong Santiago. Kaya ‘yung ibang board members ay binilog niya ang ulo. Baka nga gawa-gawa lang niya ang mga nawawalang pera na ‘yun e, pero kung totoong may nawawala ay baka nasa bulsa lang niya ito. Masyado kasing tiwala si Ginoong Santiago sa kaniya, malamang ko’y pinagkaisahan siya,” saad ng ginoo.

Nagpumilit si Delfin na maging abogado ni Ginoong Santiago laban sa kasong isinampa sa kaniya. Sa una’y matigas pa ang loob nito, ngunit napapayag na rin ito sa pamamagitan ni Anna.

“Hindi kayo pababayaan ni Delfin, daddy. Magaling siyang abogado at matindi ang paniniwala naming wala kayong kasalanan. Hindi kayo dapat mangamba,” saad ni Anna sa ama.

Pinagtanggol ni Delfin si Ginoong Santiago sa korte sa abot ng kaniyang makakaya hanggang sa napatunayang wala itong kasalanan. Dahil sa nangyari ay nabaliktad pa ang sitwasyon at ang bise presidente naman ng eskwelahan kasama ang ilang board members ang kinasuhan.

Ngunit kahit na naipanalo na ni Delfin ang kaso ay matabang pa rin ang pakikitungo sa kaniya ng biyenan.

Isang araw ay nakatanggap ng paanyaya si Delfin mula kay Ginoong Santiago.

“Matagal kong pinag-isipan ang lahat ng ito. Pasensya ka na kung sa tingin mo ay hindi maganda ang pakikitungo ko sa iyo mula sa pagdinig ng kaso hanggang sa matapos ito. Ayaw ko kasing isipin mo na nagustuhan lang kita nang dahil sa ginawa mong pabor para sa akin. Alam mo, Delfin, matagal mo na akong pinahanga. Hindi lang dahil sa naabot mo ang pangarap mo kung hindi dahil ipinaglaban mo talaga ang anak ko. Pinatunayan mo sa lahat na mahal mo siya. Kaya naman simula ngayon ay nasa inyo na ang basbas ko. Malugod na kitang pinauunlakan sa aming pamilya,” saad ni Ginoong Santiago.

Hindi makapaniwala si Delfin dahil matagal na niya itong pangarap– ang tuluyang matanggap ng biyenan ang pagsasama nila ni Anna.

“May isa pa akong nais na ibalita sa inyong dalawa. Buntis ako! Magiging daddy ka na, Delfin. Ikaw naman, dad, magiging lolo ka na!” masayang sambit ni Anna.

Tuwang-tuwa sina Delfin at Ginoong Santiago sa balita.

Sa wakas ay naging ayos na ang pakikitungo ng bawat isa at kaya na nilang mamuhay bilang isang buong pamilya.

Sa kabilang banda, pinalitan ni Delfin bilang presidente ng eskwelahan ang kaniyang biyenan nang magretiro ito. Pinamunuan niya ang unibersidad kung saan nagsimula ang kaniyang pangarap at ang pag-iibigan nila ng asawa.

Sino ang mag-aakala na ang dating janitor ay isa nang ganap na abogado at presidente pa ng dating pinasukang eskwelahan?

Advertisement