Inday TrendingInday Trending
Napilitan Siyang Umalis sa Trabaho Dahil Masyado na Siyang Hinihila Pababa ng mga Kasamahan Niya; Ang Payo ng Ama ang Nagpapalakas ng Loob Niya

Napilitan Siyang Umalis sa Trabaho Dahil Masyado na Siyang Hinihila Pababa ng mga Kasamahan Niya; Ang Payo ng Ama ang Nagpapalakas ng Loob Niya

Nakangiti si Philip habang nakapikit ang mga matang nilalanghap ang preskong hangin na tumatama sa kaniyang mukha. Nakagagaan sa pakiramdam ang payapang kaniyang nararamdaman ngayong naririto na ulit siya sa kanilang probinsya. Halos tatlong taon mahigit din siyang nanatili sa syudad, kaya ngayong naririto siyang muli’y ang saya-saya ng kaniyang pakiramdam.

“Philip, anak!” masiglang tawag ng kaniyang ina.

Nang mag-text siyang malapit na siya sa babaan, agad na nagsabi ang mga magulang na papunta na sila upang sunduin siya. Tatlong taon niyang hindi nakasama ang mga magulang ngunit mukhang wala man lang nagbago sa mga ito. Agad siyang ngumiti at yumakap sa dalawa. Ngayon niya mas napatunayan kung gaano niya ka-miss ang mga magulang.

Ilang minuto rin ang lumipas na biyahe sa traysikel, sa wakas ay nasa bahay na sila. Agad siyang sinalubong ng kaniyang tatlo pang kapatid at mga maliliit na pamangkin. Matapos magkumustahan ay nag-aya na ang inang kumain. Amoy pa lang ng niluto nito’y nakakalaway na. Iba pa rin talaga ang pagkain sa probinsya.

“Philip, anak, sigurado ka na ba d’yan sa desisyon mong pag-alis sa trabaho mo? Matagal ka na rin sa kumpanyang iyon, sayang naman kung sa ganoong dahilan lang ay aalis ka,” anang ina, bakas sa mukha ang labis na panghihinayang.

Malungkot siyang ngumiti at tiningala ang ina. Kahit naman siya’y nanghihinayang sa nangyari. Ngunit kailangan niyang piliin ang sarili kaysa sa trabahong hindi na nagdudulot sa kaniya ng mabuti. Limang taon na si Philip sa kaniyang trabaho. Walang problema sa sahod, at wala ring problema ang kaniyang boss. Ang problema’y ang kaniyang mga ka-trabaho mismo. Wala na kasing ginawa ang mga ito kung ‘di siraan siya’t hatakin pababa. Ginagawan ng hindi makatotohanang istorya upang masira siya sa lahat at madalas pa’y sinasabotahe ang kaniyang gawa.

Noong una’y kinaya niya naman ang lahat, ang kaso nga lang ay nasagad na siya. Galit siya sa team leader nila. Siya ang nakaisip ng konsepto, siya ang nagsunog ng kilay, ilang araw na walang tulog at pakiramdam pa nga niya’y kape na ang dumadaloy sa kaniyang katawan. Siya ang naghirap, pero ito ang nakinabang. Inangkin nito ang gawa niya nang wala man lang pasabi na sa kaniya iyon nanggaling. Sa sobrang galit ay sinugod niya ito sa opisina nito at nakipagpalitan ng maanghang na salita’t nakipagsabunutan. Hindi naman sana niya iyon gagawin, ngunit talagang na-insulto siya sa sinabi nito nang araw na iyon.

“May magagawa ka ba kung gusto kong angkinin ang gawa mo? Mas mataas ang posisyon ko sa’yo, kaya nasa sa’kin na lang kung bibigyan kita ng credits sa pinaghirapan mo o hindi,” mataray na wika ni Ofelia, ang kaniyang team leader. “Bakit ba gustong-gusto mong ipagmalaki sa lahat na ikaw ang gumawa no’n? Para isipin nila na sa wakas may kwenta ka na sa kumpanyang ito?” dagdag pa nito.

“Hindi ba’t nararapat lang naman na ibigay mo sa’kin ang credits dahil ako naman ang naghirap no’n?” aniya. Pinipigilan ang galit sa dibdib.

“Philip, uulitin ko… nasa akin ang desisyon kung gusto kong ipangalan sa’yo ang gawa mo o hindi,” nang-uuyam nitong wika. “Kahit naman sabihin ko sa lahat na ikaw ang may gawa ng project na ‘yon, wala pa rin namang magbabago sa paningin naming lahat. B*kla ka pa rin, at salot ka pa rin sa lipunan! Gets mo? Hindi ko nga alam kung bakit naririto ka pa. Gano’n siguro talaga ang isang ligaw na damo, kahit hindi naman nababagay sa lugar, naroroon pa rin at pinipilit makibagay!” bwelta ng babae sa kaniya.

Dahilan upang pakawalan ni Philip ang kaniyang pagpipigil. Sinabunutan niya si Ofelia, at nasampal nang malakas, kaya’t ipinatawag siya ng kanilang boss at inutusang mag-resign. Agad naman niyang iniabot ang resignation letter at hindi na nagdalawang-isip pang umalis. Sobrang baba na ng tingin niya sa sarili kung makikiusap pa siyang manatili sa kumpanya, kahit na itinataboy na siya.

“Makakahanap din siguro ulit ako ng magandang trabaho, ‘nay,” aniya, hindi napigilan ang pagpiyok ng boses at pagpatak ng luhang kanina pa nais lumabas. “A-Ayoko na po kasi talaga doon,” humihibi niyang dugtong.

Malungkot na tinitigan siya ng ina. Hindi na ito sumagot, pati ang kaniyang mga kapatid ay mas piniling manahimik at huwag magbigay komento. Ilang segundo ang lumipas, naramdaman niya ang mahinang pagtapik ng kaniyang ama.

“Kung may itinatago kang poot d’yan sa dibdib mo, anak. Huwag kang mahiyang umiyak, makikinig kami at hindi ka namin huhusgahan, dahil pamilya mo kami, Philip,” anang ama.

Hindi niya mabasa ang sinasabi ng mukha at tingin nito sa kaniya, ramdam niyang nag-aalala rin ang ama. Natatandaan niya dati, noong may nang-api sa kaniyang kapitbahay nila, tinawag siya nitong b*kla at pinagtawanan dahil sa mahinhin niyang galaw at panay pa ang sayaw. Upang patunayan na hindi totoo ang binibintang ng batang lalaki ay pinag-boksing sila nito. Ang kaso’y totoong takot siya sa mga ganoong pisikalan noon pa man, kaya habang nakikipagsuntukan ay panay ang iyak niya. Nang makita ng kaniyang ama na natatalo na siya’y saka sila pinaghiwalay na dalawa. Iyak siya nang iyak habang naglalakad pauwi sa bahay nang magsalita ang ama.

“Sa buhay, anak, ayos lang na umiyak, basta ang mahalaga’y lumalaban ka,” anito, dahilan upang mapatingala siya’t matigil ang paghagulhol. “Hindi lang ang batang iyon ang aapi sa’yo. Paglaki mo, marami kang makakasalamuhang tao, at maraming manghuhusga sa’yo at darating pa nga sa puntong pilit ka nilang hihilahin pababa. Lumaban ka lang, maging matapang ka. Hindi kaduwagan ang pagpapakita ng kahinaan, Philip. Ayos lang na umiyak, basta pagkatapos mong umiyak, laban ulit. Naiintindihan mo ba?” anang ama saka matamis siyang nginitian.

Iyon ang tumatak sa isip niya hanggang sa paglaki. Tama ang kaniyang itay. Walang kaso kung paminsan-minsan ay umiiyak tayo. Hindi ibig sabihin no’n ay mahina tayo. Ang mahalaga’y patuloy pa rin tayong lumalaban sa buhay.

Pinahid niya ang luha sa mga mata at agad na ngumiti. Alam niyang sa bawat pagsasara ay may nagbubukas. Makakahanap din siya ng bagong trabaho. Sana sa pagkakataong ito, iyon namang tanggap siya kung sino at anong klaseng tao siya.

“Maraming salamat, itay, inay at sa inyong lahat,” aniya. Nakangiting tinitigan ang bawat isa. “Kayo ang lakas ko, kung wala kayo’y baka tuluyan na akong bumigay. Salamat.”

Isa-isa naman siyang niyakap ng mga ito. Hindi man siya isandaang porsyentong tanggap ng lipunan, alam niyang tanggap siya ng kaniyang pamilya nang buo… walang labis, walang kulang… at sapat na iyon para patuloy siyang lumaban sa mga hamon ng buhay.

Advertisement