Ginawa ng Dalaga ang Lahat Mapaghiwalay lang ang Ama at Madrasta; Mapagtagumpayan Kaya Niya ang Plano Niya?
Paisa-isang hinakbang pababa ni Beverly ang hagdanan habang ang tingin ay nasa babaeng nagwawala sa ibaba ng bahay nila. Naiiskandalo na ang buo niyang pamilya dahil sa kasisigaw nito sa pangalan niya. Gusto niyang magalit sa babae ngunit hindi niya magawa. Naging malaking parte rin ito ng buhay niya.
“Sa wakas bumaba ka na rin!” inis na wika ni Alexis, ang kaniyang stepdaughter— dati. Ngayon kasi’y hiwalay na sila ng ama ito. “Akala ko’y hindi mo na talaga ako bababain dito. Salamat naman at nakonsensya ka rin,” dugtong pa nito.
Anak ni Gomer, ang dati niyang nobyo, si Alexis. Labing apat na taong gulang ito noong nagkaroon sila ng relasyon ni Gomer, ngayon kung hindi siya nagkakamali’y nasa labing siyam na taong gulang na ito.
“Hindi mo kailangang magwala at mag-eskandalo rito, Alexis. Kakatok ka lang naman sa pintuan at papapasukin ka namin sa loob,” mahinahon niyang kausap sa anak-anakan.
Noon pa man ay hindi na naging malapit ang loob ni Alexis sa kaniya. Mataray ito sa tuwing nakakaharap siya at ilag, kailanman ay pinaparamdam nito na wala siyang lugar sa buhay nito noon pa man. Kaya noong nagpasya si Gomer at Beverly na maghiwalay na lang at tapusin na ang matagal na relasyong iningatan, iniisip niyang ang pinakaunang matutuwa ay si Alexis, ngunit bakit ito nagwawala sa pamamahay nila ngayon?
“Matapos mong perahan ang daddy ko, basta-basta mo na lang siyang iniwan, Beverly!” asik nito.
“Alexis, alam mong hindi totoo ‘yan,” tanggi niya. “Hindi ko pinerahan ang daddy mo, sa ilang taon naming magkarelasyon, kung may mga naibigay man siya sa’kin, kusang loob niya iyon at hindi ko hiningi. At saka maayos kaming naghiwalay, Alexis, walang naging problema sa paghihiwalay namin, kaya hindi mo kailangang isumbat sa’kin ang mga bagay na iyan. Minahal ko ang daddy mo, hindi lang siya, kundi pati ikaw. Pero sadyang may mga relasyon na hindi panghabambuhay, kaya kami naging ganito. Bakit mo pa rin ba ako ginugulo? Hindi ba dapat maging masaya ka na kasi wala na ako sa buhay ng daddy mo?” mangiyakngiyak na wika ni Beverly, hindi maiwasang makaramdam ng sama ng loob.
Alam ni Gomer, na hindi niya gustong tapusin ang relasyon nila, ngunit bakit pa siya kakapit sa taong hindi na siya ang kailangan. Oo! Si Gomer, mismo ang sumira sa samahan nila. Pinili nga lang niyang bumitaw dahil ayaw niyang magpaka-tanga. Pero bakit hanggang sa dulo, siya pa rin ang masama sa paningin ni Alexis, siya pa rin ang manggamit, gold digger at masamang babae?
Kumalma ang mukha ni Alexis at dahan-dahang yumugyog ang braso tanda na umiiyak din itong gaya niya. Humakbang ito palapit sa kinatatayuan niya’t dahan-dahang lumuhod habang umiiyak.
“Bumalik ka na sa daddy ko, Beverly. Pangako hindi na ako tutol, hindi na ako manggugulo, hindi na ako hahadlang, balikan mo lang ang daddy,” umiiyak nitong pakiusap. “Walang kasalanan ang daddy, ako ang sisihin mo. Wala siyang ibang babae, ikaw lang, Beverly, ako ang nag-set-up upang isipin mong iniiput*n ka ni daddy sa ulo, kasi gusto kong maghiwalay kayo. Pero noong nangyari na’y nagsisi ako,” hagulhol ni Alexis habang nakaluhod sa kaniyang harapan.
Bumuka ang bibig ni Beverly upang sana’y magsalita, ngunit pakiramdam niya’y nalunok niya na nang tuluyan ang dila. Walang kahit anumang salita ang lumalabas sa kaniyang bibig. Nakatitig lamang siya kay Alexis, habang isa-isa nitong inamin ang ginawa.
“Sobra ba talaga ang galit mo sa’kin, Alexis, para gawin ang lahat ng ito?” nanghihina niyang wika.
Sinikap naman niyang mapalapit kay Alexis, ginawa niya ang lahat maging kumportable lamang ito sa presensya niya at inintindi niya ito kung bakit ilag ito sa kaniya. Ang nahihirapan lamang siyang tanggapin ngayon ay ang inamin nito. Hindi niya lubos maisip na nagawa nitong lahat ang iyon para lamang mapaghiwalay sila ni Gomer.
“Nagsisisi na ako, Beverly. Ang akala ko’y kapag napaghiwalay ko kayo’y babalik ang pagtingin ni papa sa mama ko, akala ko’y kapag nawala ka’y may pag-asa na ulit na mabuo kami. I’m sorry, ngayon ko lang na-realize na mahal na mahal ka pala talaga ni daddy,” anito at hinawakan ang kamay niya habang ang mga mata’y nakikiusap. “Patawarin mo ako, pakiusap bumalik ka na kay daddy. Ilang araw na siyang hindi kumakain mula noong umalis ka, natatakot ako na baka magkasakit siya sa ginagawa niya.”
Hindi napigilan ni Beverly ang pagtulo ng luha. Nagagalit siya— pero sa kabilang banda’y naaawa siya kay Alexis. Naiintindihan niya kung saan ito nanggagaling, nais lamang nitong mabuong muli ang pamilyang nasira. Ngunit may parte pa rin sa puso niya ang nahihirapang unawain ang rason kung bakit nito nagawang iset-up ang ama.
“Mahal ko ang daddy mo, Alexis, at mahal kita bilang anak. Pero ang hirap… nahihirapan akong magdesisyon. Nasasaktan pa rin ako, at hindi ko alam kung paano kakalimutan ang lahat,” tangis niya.
Tumayo si Alexis at niyakap ang madrasta. Naging mabuti sa kaniya si Beverly, sadyang bulag nga lang siya noong panahong iyon sa inis at galit dahil sa pagkasira ng pamilya nila. Hindi niya kailanman inisip na ilang taon nang hiwalay ang ama niya’t ina noong pumasok ito sa buhay nang ama. Pakiramdam niya’y naging harang lalo ang madrasta, kaya mas lalong wala nang pag-asang magbalikan ang mga magulang.
“Bigyan mo pa ako ng isang pang pagkakaon, pati na si daddy. Pangako, Beverly, gagawin ko ang lahat mapatawad mo lang ako,” umiiyak na wika ni Alexis. Siya ang gumawa ng gulong ito, kaya nararapat lamang na siya rin ang umayos.
Kinabukasan ay bumalik si Alexis sa bahay nila Beverly upang makasalamuha ang pamilya nito pati na mismo ang madrasta. Siya na mismo ang gumawa ng paraan upang muling mapalapit sa madrasta. Halos araw-araw siyang naroroon upang makipagkwentuhan sa pamilya ng madrasta, dahan-dahang nabubuksan ang mga mata niya kung bakit minahal ng ama si Beverly.
Hanggang isang araw ay kasama na niya ang kaniyang ama, na para bang bumalik ang dalawa sa ligawan. Araw-araw nilang pinapatunayan kay Beverly na nararapat sila sa isa pang pagkakataon na ibibigay nito. At nang sa wakas ay lumambot ang puso nito para sa kaniyang ama ay sobrang saya ang kaniyang naramdaman.
Ipinapangako niya na sa pagkakataong ito’y hindi na siya makikialam pa sa dalawa, bagkus ay susuportahan niya ang ama sa pagmamahal nito sa madrasta. May maganda ring naidulot ang ginawa niya, dahil ang dating pikit niyang mata para kay Beverly, ngayon ay nakamulat na.