Nakiusap Siya sa Pamilya na Huwag na Munang Umasa sa Kaniya Dahil Malapit na Siyang Manganak; Madamot na Agad ang Tingin ng mga Ito sa Kaniya
Nagluluto si Jello nang bahagyang nagulat sa biglang pagtunog ng kaniyang selpon. Hininaan niya muna ang apoy ng kaniyang nilulutong ulam, saka nagdesisyong abutin ang maingay na selpon. Malalim siyang napabuntong-hininga nang mabasa kung sino ang tumatawag sa kaniya.
“Hello, Jenny, bakit?” kausap niya sa kapatid.
Lima silang magkakapatid, siya ang pangalawa, si Kuya Hector ang panganay, si Jenny ang pangatlo, si Harold ang pang-apat at ang bunso naman ay si Herbert. Hindi pa man sinasabi ni Jenny ang sadya ay alam na niya kung saan papunta ang usapan nilang kapatid. Pakiramdam niya’y biglang bumigat ang sentido niya’t parang nahahapo siya.
“Ate, hindi ka na naman daw magpapadala ngayon? Paano kami kakain dito kung hindi ka na naman magpapadala? Baon na kami sa utang dahil ilang buwan ka nang hindi nagpapadala. Nag-asawa ka lang naging madamot ka na!” anito.
Hindi man niya nakikita ang mukha ni Jenny, alam niyang humahaba ang nguso nito habang nagsasalita at naiinis ang mukha. Halos silang lahat na magkakapatid ay may asawa na, maliban nga lang kay Herbert na batang-bata pa. Naunang nag-asawa si Kuya Hector, bilang ito naman ang panganay. Mula nang mag-asawa ito’y tatlong beses lang yata itong nakapagbigay sa mga magulang nila at mas inuna na ang sariling pamilya.
Sumunod si Jenny at Harold, si Jenny ay nasa bahay lang, ang asawa naman nito’y kapag walang project ang engineer ay wala ring trabaho kaya talagang kulang ang kinikita ng asawa nito sa tatlo pa nilang anak. Si Harold naman ay maliit lang ang sinasahod, panay pa ang anak ng asawa. Kaya lahat nakaasa sa mga magulang nila na sa kaniya umaasa.
Nag-abroad siya… umuwi na walang ipon, ang dala’y tanging sahod niya lang noong huling buwan. Lahat ng pera niya’y ipinapadala niya sa pamilya, dahil parang hinihiwa ng kutsilyo ang puso niya kapag sinabi ng mga itong wala na silang makain at magdidildil na lang ng asin.
Dumating ang panahon na napagod siyang magtrabaho sa ibang bansa, kaya nagdesisyon siyang dito na lang sa sariling bansa mamirmihan. Ganoon din naman, malaki nga ang sahod niya, ni kusing ay wala naman siyang ipon. Hanggang sa nakilala niya ang kaniyang napangasawa, ikinasal sila sa sarili nilang pera, at ngayon ay buntis na siya. Nagtatrabaho pa rin naman siya kahit buntis na siya kaya may sinasahod pa rin siya kahit papaano. Ang dahilan kaya nakiusap siyang hindi na muna makakapagpadala dahil kinailangan niyang paghandaan ang panganganak.
“Jenny, naipaliwanag ko na kay mama ang dahilan kung bakit hindi na muna ako makakapagpadala,” mahinahon niyang wika.
“Ang sabihin mo ate, mula noong nakapag-asawa ka’y naging madamot ka na! Dapat kasi kung maghahanap man tayo ng lalaki, ‘yong hindi tayo tuturuang maging madamot sa pamilya natin. Sana makatulog kayong mag-asawa habang iniisip na hindi nakakakain sina mama at papa,” ani Jenny, may himig pangongonsensya.
“Jenny, sumosobra na ‘yang bibig mo’t tila nawawalan ka na ng respeto sa’kin!” aniya, hindi napigilan ang pagtaas ng boses. “Dapat sinasabi mo iyan sa sarili mo, hindi sa’kin! Napakawalang-utang na loob mo naman para manumbat, gayong mas marami akong dapat na isumbat sa’yo, sa inyo ni Harold!” inis niyang dugtong.
Nang hindi sumagot ang kabilang linya’y nagpatuloy si Jello sa pagsasalita. Hindi niya gustong mangkwenta’t manumbat, ngunit talagang sinusubok siya ng sariling pamilya.
“Pinag-aaral kita, pati si Harold, nang mabalitaan kong kailangan niyong magsitigil dahil ikaw nabuntis ka’t si Harold naman ay nakabuntis. Gumuho ang lahat ng pangarap ko para sa inyo, pero may narinig ba kayong panunumbat sa’kin? Wala! Walang kwenta ang lalaking minahal mo, imbes na buhayin kayo, ang nangyari dumagdag kayo sa pakakainin ko. May narinig ba kayo sa’kin?! Pinasan ko kayo ng ilang taon, may narinig ba kayong reklamo? Wala!” gigil na gigil niyang litanya. Lahat ng inipon niyang sama ng loob ay kusang nagsilabasan.
“Ngayon lang ako nakiusap na kung pwede ba’y isipin ko na muna ang sarili ko kasi malapit na akong manganak at hanggang ngayon ay wala pa rin akong naiipong pera dahil panay ang suporta ko sa inyo… tapos ganyan pa ang maririnig ko, na para bang wala akong ginawang tama sa inyo?!” aniya hindi na napigilan ang pag-iyak.
“A-Ate—”
“Malaki ka na Jenny, marami ka na ngang anak at siguro naman ay kaya mo na silang iwanan. Ang maipapayo ko sa’yo ay magtrabaho ka na, para alam mo ang pakiramdam ng kumakayod, para alam mo kung gaano kahirap ang kumita ng pera. Magsimula na kayong kumayod sa sarili niyo dahil simula sa araw na ito, wala nang Jello ang papasan sa inyo. Oo! Madamot na ako ngayon, naging madamot ako, dahil abusado kayo!” inis niyang wika saka gigil na ibinaba ang tawag ng kapatid.
Ipinagpatuloy niya ang pag-iyak. Sobrang sama ng loob niya sa sinabi ng kapatid. Alam ng Diyos na wala siyang ibang inisip kung ‘di ang kaniyang pamilya. Mas inuuna pa nga niya ang mga ito kaysa sa sarili niya. Isa bang malaking kasalanan kung sa ngayon ay isipin naman niya ang sarili niya, pati na ang pamilyang kaniyang binubuo?
Magbibigay pa rin siya ng suporta, pero hindi na para sa mga kapatid niyang batugan. Hindi na kasing laki noon, dahil ang prayoridad niya na lang naman ay ang mama at papa niya— pati na ang bunsong kapatid na si Herbert.
May mga kaniya-kaniya na silang pamilya, siguro naman ay sapat na ang mga naitulong niya noon. Ngayon ay magkaniya-kaniya na sila.