Inday TrendingInday Trending
Nagulat ang Lahat Nang Malamang Binalak ng Babae na Idispatsa ang Kapatid na Kulang-Kulang; Mapapaiyak ang mga Ito sa Susunod na Matutuklasan

Nagulat ang Lahat Nang Malamang Binalak ng Babae na Idispatsa ang Kapatid na Kulang-Kulang; Mapapaiyak ang mga Ito sa Susunod na Matutuklasan

Sinalubong ng masigabong palakpakan ng mga tao si Criselda nang tawagin siya ng speaker.

“Ladies and gentlemen, Ms. Criselda Sarmiento, sister of Charlotte Sarmiento!”

Bumuntung-hininga muna si Criselda bago umakyat sa entablado. Medyo nanginginig pa nga ang kamay niya nang iabot sa kaniya ng speaker ang mikropono. Ngumiti siya sa lahat ng naroon. Nasa harap niya ngayon ang mga empleyado at ang may-ari ng kumpanya kung saan nagtatrabaho ang nakababata niyang kapatid.

Inanyayahan siya roon upang magbigay ng speech para sa kapatid niyang si Charlotte, ang tinaguriang I.T. genius ng kumpanya. Sa angking talino nito ay nakapagpasok ito ng malaking pera sa kumpanya. Ipinapadala rin ito sa ibang bansa para ilaban sa mga taong mahuhusay sa kompyuter at teknolohiya. Nakabangon ang naghihingalo nilang kumpanya ng dahil sa henyong dalaga.

“Thank you. Nasa sinapupunan pa lang si Charlotte ng aming ina, alam na naming may dipresensya siya. Hindi ko siya matanggap noon bilang kapatid dahil isa siyang abnormal kaya nga binalak ko siyang idispatsa noon para mawala na siya sa aming landas,” hayag niya.

Rumehistro ang pagkagulat sa mukha ng lahat. Nagsimula ring magbulungan ang mga taong naroroon. Nakita niyang sumenyas pa ang may-ari ng kumpanya na pababain na siya ng entablado.

Biglang bumalik ang alaala niya sa nakaraan. Maraming taon na ang nakalipas nang ipagbuntis ng nanay niya ang bunso niyang kapatid na si Charlotte.

“‘Nay, magkakaroon na ako ng kapatid? Magiging ate na ako?!” tuwang-tuwa niyang sabi habang hinihimas ang tiyan ng nanay niya.

Halos magtatalon naman sa tuwa ang tatay niya nang malaman ang magandang balita.

“Talaga? May bunso na ako? Thank you, Lord at biniyayaan mo ulit kaming mag-asawa ng isa pang anak!” hiyaw nito at akmang bubuhatin pa ang nanay niya.

“‘Tay! Bawal mong buhatin si nanay!” sigaw niya.

“Oo nga, Ernesto, ikaw talaga! Baka mapaano pa ako, eh!” saway ng babae.

“Ay oo nga pala! Sorry, darling. Teka, anong gusto mo? May gusto ka bang kainin? Kahit anong gusto mo ibibigay ko,” sabi ng tatay niya.

Napabungisngis ang nanay niya. “Wala akong ibang gusto kundi yakapin at halikan mo na lang ako,” anito.

Sinunod naman ng lalaki ang gusto ng misis. Kinikilig pa nga si Criselda sa ka-sweetan ng mga magulang niya. Basta, sabik siya na malapit na siyang maging ate. Gusto na niyang makita ang kapatid niya.

Mula nang malamang nagdadalantao ang nanay niya ay sobrang ingat ng mga magulang niya, sa pribadong ospital pa nagpapa-check up ang mga ito upang masiguro lang na ligtas ang kaniyang kapatid. Mamahaling mga bitamina pa ang iniinom ng nanay niya. Alagang-alaga talaga.

Pero gumuho lahat ng kaligayahan nila nang may sabihin ang doktor pagkatapos ng ultrasound. Magli-limang buwan na ang tiyan ng nanay niya noon. Magkahawak-kamay pa ang mga magulang niya noon papunta kay Dra. Confesor, ipapakita na nito ang resulta ng ultrasound.

“Baka sasabihin na ni doktora kung lalaki o babae, ikaw ba, ano ang gusto mo, darling?” sabi ng nanay niya sa tatay niya.

“Kahit na ano. Basta malusog at walang diperensya, mamahalin ko ang anak natin,” sagot ng lalaki.

“Eh ikaw, Criselda, ano ang gusto mong kasarian ng kapatid mo?” baling sa kaniya ng ina.

“Gusto ko po girl para may baby sister na ako,” sagot niya.

Nang makapasok sila sa opisina ng doktora…

“Mr. and Mrs. Sarmiento, medyo seryoso po ang sasabihin ko,” sabi nito. Nagkatinginan naman ang mag-asawa.

Nagpatuloy ang doktora sa pagsasalita. “Ang baby po ninyo misis…na-detect namin na may diperensya, autistic po ang inyong anak. Mayroon siyang ASD o Autistic Spectrum Disorder. Maaari siyang magka-problema sa pag-iisip, sa pagsasalita, o sa pakikisalamuha sa ibang tao,” hayag ng doktora.

“H-Ho?” hindi makapaniwalang sabi ng nanay niya. Nakita niyang humigpit ang yakap ng tatay niya rito.

“Diyos ko, bakit binibigyan Mo kami ng ganitong klaseng pagsubok?” sambit ng tatay niya.

Nadismaya naman siya sa sinabi ng doktora.

“Ano iyon? Kay tagal naming naghintay, iningatan nina nanay at tatay ang baby tapos ay magkakaganoon? Lalabas na abnormal?” bulong niya sa isip.

Nabigla siya nang magsalita ang nanay niya.

“Ano man po ang kundisyon ng aming anak ay maluwag naming tatanggpin. Ipinagkaloob siya sa amin ng Diyos kaya mamahalin pa rin namin siya,” anito.

Itinuloy ng nanay niya ang pagbubuntis at ilang buwan pa ay isinilang na nito ang kapatid niya na pinangalanang Charlotte. Natanggap na rin ito ng tatay niya, wala nang magagawa, nandiyan na eh!

Tama ang doktora, habang lumalaki nga ay iba ang kilos at pananalita nito. Pero kung ang ibang may ASD ay late matuto, iba ang kapatid niya dahil advance ang utak nito, madaling matuto at napakatalino. Nakapagtapos ito sa elementarya hanggang sa kolehiyo na may karangalan.

Pero kahit ganoon ay ayaw niya pa ring magkaroon ng kapatid na kulang-kulang kaya binalak niyang dispatsahin ito. Habang naglalaro ang kapatid sa labas, napansin niyang may parating na kotse. Ipapasag*sa niya sana ito para tuluyan na itong mawala sa buhay nila, para hindi na mahirapan ang mga magulang niya sa pag-aalaga rito.

Nagising sa pagbabalik-tanaw si Criselda nang kalabitin siya ng speaker. Sinabihan siya na ituloy ang sasabihin.

Sumulyap siya sa kapatid na nakamasid sa unahan, walang kamalay-malay na ito ang pinag-uusapan. Katabi nito ang kanilang mga magulang.

Itinuloy niya ang pagsasalita…

“Hindi natuloy ang masama kong balak sa aking kapatid dahil habang paparating na ang kotse ay bigla niya akong niyakap at hinila ako sa tabi ng kalsada. Ang sabi niya sa akin. “Ate, ingat ka! Labs na labs kita, ate!” Napahagulghol ako ng araw na iyon at nagsisi dahil kahit may masama akong plano sa kanya’y ako pa ang iniligtas niya. Napakabuti ng puso ng aking kapatid samantalang napakasama ko’t pinagtangkaan ko pa ang buhay niya. Pagkatapos niyon ay niyakap ko siya at humingi ako ng tawad. Kahit hindi niya ako naiintindihan ay iginawad pa rin niya sa akin ang pagpapatawad. Hindi ako dapat nag-isip ng masama sa kaniya, dahil kahit anong mangyari at kahit ano pa siya ay kapatid ko pa rin siya. Regalo siya ng Diyos sa amin. Kaya sa harap ng mga taong naririto, sa harap ng aming mga magulang ay patuloy akong humihingi ng tawad sa ginawa ko noon. Hanggang ngayon ay pinagsisisihan ko pa rin ang kamalian kong iyon,” naluluhang sambit niya.

“At sa aking kapatid, Charlotte, lagi mong tatandaan na maaaring kulang ka sa ibang aspeto, kahit ang isip mo’y isip ng isang bata ay napakatalino mo naman at napakahusay sa larangang pinasok mo. Huwag mong alalahanin ang mundong ito na puno ng mga mapanghusga dahil narito kami para ipagtanggol ka. Dahil iyon ang ginagawa ng pamilya, nagmamahal at gumagabay. Lagi mong tatandaan na mahal na mahal ka nina tatay at nanay, mahal na mahal din kita, bunso. Muli, patawarin mo ako. Ipinagmamalaki ka namin sa tagumpay mong ito,” dagdag pa niya.

Napuno ng palakpakan ang lugar na iyon. Napaiyak pa ang mga taong naroroon. Imbes na husgahan ay naunawaan siya ng mga ito. Maging si Charlotte ay pumapalakpak at naiiyak. Kahit isip bata ay naintindihan nito ang sinabi niya. Umiiyak na rin ang mga magulang nila na proud na proud sa kanilang magkapatid. Inimbitahan din ang mga ito sa pagbibigay parangal sa kapatid niya. Dapat sana ang nanay niya ang magbibigay ng speech kaso ang sabi nito’y siya na lang ang magsalita dahil mahiyain ito.

Tumayo ang kapatid niya at niyakap siya nito nang mahigpit.

“I love you, ate!”

“I love too my baby sister! Sorry sa lahat,” bulong niya rito saka hinalikan sa noo.

Maya maya ay ignawad na kay Charlotte ang parangal bilang ’empleyado ng taon’ para sa mga naiambag at nagawa nito sa kumpanya. Kahit may diperensya ang kapatid niya’y malaki ang naging kontribusyon nito sa kumpanyang pinagtatrabahuhan.

Hinangaan ito ng mga kapwa empleyado at ng may-ari ng kumpanya. Para sa kanila, ang tulad ni Charlotte ang dapat tularan dahil hindi naging hadlang ang kundisyon nito upang magtagumpay.

Advertisement